Entry #1- A Day with Death

197 12 3
                                    



"Sino ako? Ako ang magbibigay ng dahilan sa iyo upang mabuhay pa. At ako rin ang magsasabi sa iyo kung oras mo na nga talaga."

Sa lawak ng mundong ito, walang kaluluwa ang hindi nagawang maglayag, kasama man ang kanilang templo o hindi. At ang trabaho ko lamang ay sunduin ang mga buhay kung ang batas ng kalikasa'y naglapag na ng kanyang paghuhusga.

"Gusto ko nang mamatay!"

May mga salita ang tao na nagiging hiling dahil sa kanilang pansariling kagustuhan—at , oo, madalas akong tumupad ng kahilingan.

"O, sige, ganito na lang..." Nginitian ko lang siya at binigyan ng isang magandang kasunduan. "Ibibigay ko ang oras ko mula ngayon hanggang mamayang alas dose ng gabi. Ibig sabihin, may walong oras ka para makasama ako."

"At?"

"At sa mga oras na iyon, bibigyan kita ng dahilan upang mabuhay pa."

Hindi ko normal na ginagawa ang ganoong klaseng kasunduan ngunit kailangan dahil masisira ang paghatol ng langit kung sakaling ituloy niya ang kanyang plano.

Ang tinutukoy ko'y si Janica, isang babaeng gumagawa ng sulat ng pagpapakamatay sa kapihan kung saan siya huminto habang paulit-ulit akong tinatawag. Hindi pa niya oras ngunit pinapunta agad ako.

"Peter? Ano'ng ibig sabihin nito, ha?"

Walong oras bago ang aming pag-uusap, alas sais ng umaga sa panahon ng kasalukuyan, pinuntahan niya ang kanyang kasintahan sa bahay nito at naabutan itong may kahalikang ibang babae. At imbis na magpaliwanag sa kanya, tinawag pa siya nitong kapitbahay lamang na nababaliw.

"Ano 'yon? Porke tapos na niyang makuha yung pagkababae ko, tapos na? Tikim naman ng iba?" reklamo niya habang umiiyak sa harap ko.

Minsan, nagiging tagapayo rin ako kahit hindi ko naman iyon trabaho. Nakapagtataka lamang dahil pumapayag din akong makinig habang binabantayan ang oras ng pagpanaw ng bawat kaluluwa.

"Umalis pa ako sa trabaho ko kagabi! Hindi ko na kaya ang pambababoy sa akin ng Boss ko!"

Labingwalong oras mula nang mangyari ang tinutukoy niya. Biktima siya ng pangmomolestiya ng nakatataas sa kanya at mukhang kapag binigyan ko siya ng lubid, malamang sa malamang ang Boss niya ang ibibigti niya at hindi siya mismo.

"Tapos nabalitaan ng Mama ko ang pag-alis ko pag-uwi ko sa bahay kaya pinalayas niya ako sa amin! Natulog tuloy ako sa 7-11!"

Alas dos ng madaling-araw, doon ko natanggap ang tawag ni Janica dahil sa mga oras na iyon siya nagsimulang magplano ng pagpapakamatay. At malaking dahilan ang kanyang ina sa kanyang binabalak.

"Ayaw pang sagutin ni Papa ang tawag ko! Gusto ko siyang makausap... gusto kong makausap si Papa ko..." At humagulgol na siya ng iyak. "Gusto ko nang mamatay!"

Inabot ko ang panyo ko sa kanya ngunit mas pinili pa niyang magpunas ng mukha gamit ang palad.

"Ngunit kaarawan mo ngayon," tugon ko. "Dapat ay masaya ka dahil araw ngayon ng iyong pagkabuhay."

Isang masamang tingin ang ibinigay niya sa akin habang nagpupunas ng mukha.

"Umalis ako sa trabaho ko kagabi, pag-uwi ko pinalayas ako ng Mama ko! Gusto kong manghingi ng tulong sa Papa ko kaso wala siya! Si Peter na lang ang pag-asa ko, niloko pa ako! At ngayon sasabihin mong kaarawan ko kaya dapat masaya ako? Wala ngang nakaalala na ngayon iyon!"

"Pero naalala ko. At binati kita."

"Wala akong pakialam! Gusto ko nang mamatay!"

"O, sige, ganito na lang..." Nginitian ko lang siya at binigyan ng isang magandang kasunduan. "Ibibigay ko ang oras ko mula ngayon hanggang mamayang alas dose ng gabi. Ibig sabihin, may walong oras ka para makasama ako."

"At?"

"At sa mga oras na iyon, bibigyan kita ng dahilan upang mabuhay pa."

Natural lang na makita ko ang pagtataka sa mukha niya. "Bakit mo gagawin iyon? Sino ka ba?"

Nginitian ko na lang siya. Kinuha ko ang papel at plumetang gamit niya sa paggawa ng sulat.

"Sino ako? Ako ang magbibigay ng dahilan sa iyo upang mabuhay pa. At ako rin ang magsasabi sa iyo kung oras mo na nga talaga." Nagsulat ako ng bilang sa papel at ipinakita sa kanya. "Ilagay mo rito ang limang bagay na gusto mong mangyari ngayon bilang, sabihin na nating huling araw mo sa mundo. At tutulungan kitang mangyari iyan bago pumatak ang alas dose ng gabi."

"Ano'ng mangyayari pagkatapos ng alas dose ng gabi?"

"Depende sa iyo." Sumandal na lang ako sa aking kinauupuan at nginitian na naman si Janica. "Kaarawan mo naman ngayon kaya bilang regalo, sasamahan kita. Sige na, isipin mo na lang na hindi ka mag-iisa sa huling araw mo sa lupa. Kung gagawin natin ito, wala namang mawawala."

Masama pa rin ang tingin niya sa akin.

Magandang balita: nagsulat na siya ng gagawin namin.

"Alas dose lang, ha," sabi niya at inabot sa akin ang papel.

Napangiti na lang ako dahil sa mga isinulat niya. Mukhang magiging maganda ang nalalabing walong oras ng araw na ito.

YSSF 2: Final WaveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon