m a r a h u y o

6.1K 407 197
                                    

marahuyo

(n.) to be enchanted

xxx

Wala ako sa katinuang umuwi noong gabing iyon. Maaga pa, ngunit tulog na agad si Caius. Hindi ko pinapakialaman ang bata kapag nakakatulog itong kayakap si Pe, dahil si Pe na rin naman ang tumayong pangalawa, pangatlo, pang-apat, at kung pang-ilan pang ina. Sinilip ko lang ang kwarto sa pamamagitan ng isang maliit na siwang at napangiti na lamang. Nagpasalamat kay Pe ng tahimik dahil kung wala sila ni Ezekiel, hindi ko alam kung saan ako pupulutin at kung may mapupulot pa mula sa buwan.

Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Minsan may mga araw na ayaw ko na lang mabuhay at pinagsisisihan kong gumising pa ako; ngunit haharap lang ako sa kaliwa at pakikinggan ang paghinga ni Caius - kakalimutan ko ang lahat at mabubuhay para sa anak ko.

Ngunit ngayong gabi, wala si Caius, wala ang tala; wala akong mahiraman ng liwanag. Nanghihina ako; tila ba ang itinatago kong liwanag na sapat lang para manatili akong buhay ay nauubos na rin. Para akong presong ikinulong sa salang hindi ko naman ginawa at pinarusahan ng pag-upo sa silya elektrika; iyon nga lang, alam kong may kasalanan ko. Alam kong sa sampung kagat ng langgam sa balat ko, labing-isa doon, nag-iiwan ng marka.

At ang mundo ang pinakamadiin, pinakanag-iwan ng marka, pinaka... masakit.

Siguro natatawa na kayo sa akin. Paulit-ulit lang kasi. Hila, tulak. Hila, tulak. Hindi ko naman hinangad ang ganito. Hindi ko naman sinasadyang ibigay ang kamay ko at bawiin pagkatapos - sabagay, wala nga naman akong sinasadya. Lahat, aksidente. Aksidente akong umibig, aksidenteng umasa, aksidenteng nasaktan, naging pariwara, nabalewala, nangbalewala, naging dahilan ng pagkapariwara, nagpaasa, nanakit, at sa huli, aksidente rin akong nang-iwan.

Aksidente naman talaga lahat. Parang patuloy lang tayong pinaglalaruan ni Mareng Tadhana, iyon nga lang ay hindi ko na sya kumare dahil hindi kami bati.

Aksidente lang din na wala akong pag-ibig na ginustong hawakan kundi ang sa... mundo.

Sa'yo. 

Aksidente lang din na may iba nang humahawak nito at aksidente rin siguro na hindi na ako iyon.

Isang malaking misteryo ang paglikha ng pag-ibig sa mundo. Minsan, may ibang taong paulit-ulit sinasambit ang salitang pag-ibig at nagbibigay kuno sa ibang tao. Iyon bang hindi pa handa ang puso ngunit pumipilit na umibig dahil kailangan, nahuhuli sa uso. Minsan, may mga taong naniniwala sa pag-ibig ngunit hindi talaga. Iyon bang ayaw lang nilang maging iba kaya sinasabing umibig na at inibig na kahit hindi naman, at iyong mga nagsasalita ng mga katagang mahal kita kahit malayo sa katunayan. Minsan, may mga tao namang ayaw tanggapin ang pag-ibig kahit makailang-beses na itong dumaan sa paghahanap kamo ng tunay na 'pag-ibig'. Hindi ikaw ang kailangan nya, hindi ako ang makakapuno ng pagkukulang ng iba. Basta mga ganoong levels.

Maraming paraan ang maaaring gawin ng tao para tanggapin ang natural na proseso ng pag-iral ng pag-ibig mula sa pagkakita mo sa taong tatawagin mong 'siya' sa iyong isip (dahil sa tuwing iisipin mo ay siya na lang ng siya ang magrerehistro sa utak mo hanggang sa mapagod itong paulit-ulitin ang pangalan ng nasabing tao kaya siya na lang) hanggang sa pagtanggap na ang 'siya' na nasa utak mo ang magiging pisikal na representasyon ng pag-ibig at kikilalanin ng metaporikal na paggamit sa... puso (dahil umiiyak at umiinom lang naman ito ng dugo, ano pa ba).

Ngunit kahit napakaraming paraan upang tanggapin ang pag-ibig, napakarami ring dahilan para.. tanggihan ang nasabing pag-ibig.

Sa kaso ko, parehas akong tumanggap at tumanggi.

Tumanggap ng katotohanang hindi na magaganap ulit ang nasabing pag-ibig kahit inuulit ng kasaysayan ang mga kaganapan.

Tumanggi sa kahit anong dispensa kung bakit ganoon ang nangyayari.

The Devil Who Danced At MidnightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon