Kinaumagahan, nakangiting binati ni Rowena ang kanyang anak at sabay silang pumasok sa sasakyan upang ihatid ito sa eskwelahan. Laging hinahatid ni Rowena ang kanyang anak sa eskwelahan kahit na ayaw nito ngunit wala naman itong magagawa sapagkat malayo-layo ang sakayan mula sa kanila.

Nang makarating sila sa eskwelahan, paghinto pa lamang ni Rowena sa sasakyan, binuksan na agad nito ang pinto saka lumabas kaya naman agad niya itong hinabol.

"Anak, 'yung baon mo!" sigaw niya ngunit hindi na siya nito pinansin at dire-diretso lamang. Nakaramdam ng lungkot si Rowena habang tinatanaw ang kanyang anak na papalayo sa kanya. Huminga siya ng malalim saka bumalik sa kanyang sasakyan.

***

Napahinga naman ng malalim ang dalagang si Dia na kanina pa nanonood. Napatanaw siya kay Roger na hindi man lang pinansin ang tawag ng ina nito saka napailing. Nakaramdam siya ng inis sa inakto ni Roger. Ayaw na ayaw ni Dia na makakita ng ganoong mga klaseng anak sa kanilang mga magulang dahil kung alam lamang nila, gustong-gusto ni Dia ang kanilang nararanasan na pag-aaruga.

Tumalikod na si Dia upang magtungo sa kanilang silid dahil malapit na ring mag-ring ang bell hudyat na magsisimula na ang klase. Bumungad naman sa kanya si Dentrix na siyang papalapit sa kanya. Bigla siyang napatitig dito nang may mapansin siyang itim na usok na tila ba sumusunod dito. Hindi niya alam kung guni-guni lang ba niya iyon o isa talaga 'yong elemento. Ngunit kung isa iyong elemento, dapat ay nararamdaman iyon ni Dentrix ngunit base sa kanyang nakikita, mukhang hindi.

"Nasalubong ko si Roger. Sinubukan ko siyang kausapin kaso hindi ako pinansin," ani Dentrix pagkalapit.

Dahil sa malalim na pag-iisip at pagtulala ni Dia sa itim na usok, nagtaka si Dentrix sa hindi pagkibo nito at tila ba pagkawala sa reyalidad.

"Huy," anito sabay tapik sa balikat ni Dia.

Napataas naman ang dalawang kilay ni Dia sa gulat at napatingin kay Dentrix.

"Bakit? Anong nangyayari sa 'yo," nakakunot-noong tanong ni Dentrix.

Bigla namang napailing si Dia at nilagpasan si Dentrix.

"Male-late na tayo," aniya.

Mabilis naman siyang hinabol ni Dentrix at sumabay na sa paglalakad nito. Pasimple siyang nilingon ni Dia upang tignan kung mayroon pa ring itim na usok ngunit wala na. Humarap na lang uli siya saka umiling.

***

Ilang araw na magmula nang malaman ni Dia ang lahat ng tungkol sa magkapatid na sina Razzle at Roger. Ilang araw na rin siyang nagmamasid sa mga aksyon ni Roger at siya'y tila ba napapailing na lang at napapayukom ang kamao. Gaya na lamang ngayon na pinapanood niya si Roger kung paano nito bugbugin ang isang estudyante na lumaban dito nang ito'y paalisin ni Roger sa upuan nito.

Nag-alab ang mga mata ni Dia dahil dito. Sa isip-isip niya, paanong nakakayang gumawa ni Roger ng ganitong mga bagay matapos niyang patayin ang sarili nitong kapatid. Nakayukom ang kamao niyang lalapitan na sana si Roger nang bigla siyang pigilan ng isang tao. Nang nilingon niya kung sino ba 'yon, si Dentrix lang pala.

"Huwag mo akong hawakan," aniya.

"Anong gagawin mo? Makikipagsapakan kay Roger? Adik ka?" ani Dentrix.

Inirapan naman ni Dia si Dentrix at saka pumiglas. Mabilis na nagmartsa si Dia patungo kay Roger na siyang kinataranta ni Dentrix at napamura pa nga ito. Wala nang nagawa ang binata kung hindi ang sundan ang dalaga upang protektahan ito sa kung anumang magiging aksyon ni Roger at 'yon ay kung mapoprotektahan niya nga dahil miski siya, natatakot kay Roger. Sa laki ba naman ng kamao nito at lakas nito sumuntok, aba, uuwi na lang siya. Kaya naman hindi maipinta ang mukha ni Dentrix nang sundan niya si Dia habang nagkakamot ng ulo.

AdrasteiaWhere stories live. Discover now