Prologo

1.3K 19 0
                                    

Maghahatinggabi na ngunit nananatili pa ring nakaupo si Geno sa likod ng isang malaking bato sa tabing-dagat ng Morris Paradise. Halos magtatatlong oras na siyang tahimik na nagtitipa sa kanyang laptop.
Narito ang kanilang buong klase sa sikat na resort sa Playa Laiya, San Juan Batangas upang maging bahagi ng nalalapit na kasal ng kanilang gurong si Bb. Maria Mariposa Garcia sa nobyo nitong si Juan Karlos Wright. Sila ang napili ng magnobyo na maging mga abay dahil malaking bahagi sila ng pagmamahalan ng mga ito.
“Geno, ano'ng ginagawa mo rito?" Naantala siya sa kanyang ginagawa nang dumating ang kaklase niyang si Rex. "Hindi ka pa ba babalik sa kuwarto natin?" tanong nitong muli.
"Mamaya pa ng konti, Rex. Tatapusin ko lang 'tong update ko," nakangiti niyang sagot dito.
"Ibang klase ka talaga, Geno, talagang sa tahimik at madilim na lugar ka nagta-type ng mga updates mo," pagbibiro pa sa kanya ni Rex. "Sige, balik na 'ko ha. Ingat ka."
Muli siyang napangiti dahil sa mga sinabi ni Rex. Gustong-gusto talaga niyang magsulat sa mga tahimik na lugar gaya rito. Nang tuluyan na itong nakalayo ay muli siyang nagbalik sa pagtitipa ng isang bagong kabanata ng kanyang kuwento.
"Sana ma-realize na ni Mama kung gaano ko kamahal ang pagsusulat," aniya na nagpabakas sa kanyang mukha ng matinding kalungkutan.
Muli siyang naantala sa pagtitipa nang makaramdam siya ng pagkauhaw. Agad niyang kinuha ang isang bote ng mineral water mula sa kanyang bag upang pawiin iyon.
"AHHHH…" Impit siyang napasigaw nang maramdaman niyang tila nasusunog ang kanyang lalamunan dahil sa sobrang init nito. Agad din niyang nabitawan ang inuming iyon na hindi na siya sigurado kung tubig nga ba ang laman.
Namilipit siya dahil sa paninikip ng kanyang dibdib at sakit ng kanyang tiyan. Pakiramdam pa niya sa bawat lunok niya ay tila lalo lamang napupunit ang kanyang lalamunan.
Ano’ng klaseng tubig ba ‘to?, aniya sa sarili. Nanlaki ang kanyang mga mata nang mapansin niya ang kakaibang kulay ng inuming iyon. Sigurado na siyang hindi ito pangkaraniwang tubig lamang kaya siya nagkakaganoon.
Sino kaya ang naglagay ng lason dito? Sino ang gustong pumatay sa ‘kin? Sunod-sunod niyang tanong sa kanyang sarili habang unti-unti na siyang nauubusan ng hininga.
Sa hindi kalayuan, tanaw na tanaw ng isang tao ang mga nangyayari kay Geno. Ito na ang pinakahihintay niyang pagkakataon kaya nang masiguro niyang hindi na ito gumagalaw ay dahan-dahan siyang lumapit. Nanginginig pa siyang nagsuot ng gloves bago niya sabik na kinuha ang laptop ni Geno at isinilid sa kanyang bag.
"Sorry, pero ito lang ang naisip kong paraan para matupad ang pangarap ko," aniya habang unti-unting naglalakad palayo na para bang walang nangyari.

Itutuloy...

©Mysterious Eyes | Xerun Salmirro

Plagiarist II (Published under LIB Dark)Where stories live. Discover now