March 04, 2015
Dear me,
Okay, siguro nagtataka ka kung bakit ngayon lang ako nagsimula na gumawa ng diary. Kaka-graduate ko lang po kasi! Siyempre, sa sobrang busy sa school noon, magkakaroon pa ba ako ng time na gumawa nito? Gusto ko lang talaga magkaroon ng souvenir para sa bago kong work—iyong mai-record ko rito lahat ng magiging experiences ko.
First time ko ngayon sa trabaho! (I mean, kanina.)
Iyon nga, secretary ako ngayon. Secretary ng isang big-time at magandang lalaking businessman sa Makati, partikular sa Ayala Tower. Nasa 30s na siya samantalang ako naman ay 22. Sabi nila 32 na raw siya. Ewan ko ba, pero tuwing andiyan siya sa office, parang iyong nilalakaran niya na rainbow biglang nagiging dark at binabagyo. Seryoso kasi ang aura niya! Tapos may lahi ata siya—German Shepherd, joke! Seryoso, may lahi talaga siya. Taga-Dominican Republic raw iyong Daddy niya tapos Pinay naman iyong Mommy niya.
Ayoko na nga munang pag-usapan si Sir Gloomy.
Ayon nga, nakakaloka iyong schedule niya. Kailangan organized talaga. May mga biglaan pa namang tumatawag na gustong sumingit, o kaya naman biglang ipapakansela iyong meeting na supposedly sa hapon tapos gagawing 10:00 AM! Kaloka, 'di ba? Unang araw ko pa lang, puno na agad ng sticky notes ang one-fourth size na white board sa tabi ng computer ko. Iyon pala ang purpose niyon? Akala ko magtuturuan kami ni sir ng algebra o chemistry doon.
At ito pa, kulang na lang idikit ko sa noo ko iyong ibang notes na iniiwan ng ibang secretary, mula sa mga client hanggang sa iba't ibang head ng department. Buti na lang talaga sanay ako sa mabilisan. Kung sa paggawa nga naman ng mga project hanggang sa reporting sa school ay kinaya ko, hindi pa ba ako masasanay rito?
Tapos, pagdating naman sa canteen namin—naku, mas maganda pa ata ang canteen ng Makati Med. Iyong sa Makati Med, may Pizza Hut, Dairy Queen, at may floating restaurant pa! Sa amin? Sows, waley talaga. Kaya pala lahat ng mga empleyado rito sa building, sa labas pa kumakain, doon sa mga jolly jeep. Pag ako talaga nagkaroon ng power dito, gagawin ko na lang arcade 'tong canteen namin, nakakahiyang itabi sa Makati Med. O 'di kaya, ipapaupahan ko na lang sa mga franchiser ng iba't ibang resto o fast-food chains, 'di ba? Extra income pa para sa kumpanya. Sows, mayayaman na kasi sila kaya hindi na naiisip iyon.
Pero kung waley ang canteen, aba, huwag mong maliitin ang banyo namin! May sofa pa sa loob! Alam mo ba iyong may-bayad na banyo sa Glorietta? Ganoon ang peg niya, pero mas mabango ang sa amin. Pwede ka ngang tumambay doon kapag free time. Naks, may magazine pa silang pambasa!
Mababait naman iyong mga empleyado sa floor namin, ewan ko lang sa iba. Balita ko kasi, kapag may bago raw doon sa 31st floor—yes, matayog ang building namin—pinapahirapan daw. Iyong tipong pinapagawa sa iyo iyong mga bagay na hindi mo naman talaga trabaho. Kaya ayokong-ayoko talagang maligaw doon.
Pagka-alas singko, nag-aalsa-balutan na kami, lalo na ako. Kasi maagang umuuwi si sir, at ang bilin niya sa akin (ehem): "When I leave, go home." Ganern! Siyempre umoo naman ako agad. Mabait ako at masunurin na empleyado, eh.
Kaya eto, andito ako ngayon sa bahay at nagta-type ng aking karanasan. Naks, lakas makatalambuhay nito, ah.
Ayon na nga, alas-nuebe na ng gabi at hindi ko pa pala naayos nang tuluyan iyong appointment ni Sir Gloomy para bukas! Ngarag na naman ako nito! Babye na muna! Hala, may isesend pa pala akong email sa kanya tungkol sa gagawin niyang proposal para sa board meeting!
Bye na talaga!
— Me
BINABASA MO ANG
Begin Again
RomanceFenylyn Rose S. Magdua. Isang babaeng ang mundo ay umiikot lang sa mga pahina ng kanyang E-Pad at online diary. Hanggang sa isang pagkakataon na akala niya ay simpleng pag-uusap lang, nauwi sa isang hindi inaasahang tagpo. Siguro dahil sawa na akong...
