"May isang bagay pa."

"Meron pa?" Ayawan na. Pwede bang umurong? Mas gugustuhin pang maglakbay ni Avanie kesa makasagupa ang mga halimaw na yon.

"May isang armas na ginagamit para pigilan ang Shi ng isang nilalang. Vanquir kung tawagin. Hindi ko alam kung saan ito nagmula at kung sino ang gumawa. Ginagamit ang armas na 'to para pigilan ang mga delikadong nilalang dito sa Iriantal. Oras na matamaan ng Vanquir ang isang Nindertal, dulot nito ay pagkasira ng bato sa loob ng katawan na tumatanggap ng Shi galing sa Formica System. Ibig sabihin walang Shi, walang Maji."

Napanganga si Avanie sa sinabi ni Draul. Hindi niya alam na may gano'ng ka delikadong armas dito sa mundo ng Iriantal. Ibig sabihin pag natamaan ka ng Vanquir para ka na ring namatay!

Pero iba ang epekto nito sa Kaivan at kay Avanie. Kapag natamaan ng Vanquir ang mga Kaivan, hindi sila makakagamit ng Shi sa loob ng isang linggo subalit pag sa Quinra ito ginamit. Wag ka ng umasa, wala kang mapapala.

'Mukhang nagising yata ako sa nakakatakot na era ng mundong ito ah..'

Kahit anong gawin niya hindi siya uurong! Para lang makabalik sa Rohanoro, kailangan niyang pagdaanan lahat kahit pa ang ibig sabihin nito ay makipag suntukan sa sandamakmak na kalaban.

"Maghanda ka Avanie-hana. Nakatakda kang umalis sa loob ng tatlong araw."

✴✴✴

Patak ng tubig.

Bukod sa ingay ng mga nagtatakbuhang daga, maririnig din ang patak ng tubig sa lugar na 'yon. Tila ba ginagaya nito ang tunog ng segundo sa orasan at bawat pagpatak ay maaaring senyales na binibilang na ang araw niya sa mundo ng Iriantal.

Iyon ang unang naramdaman ni Levic Venrior nang dalhin siya ng kambal sa Eldeter at ikulong sa ilalim ng mansyon ni Duke Vhan Rusgard.

Pakiramdam niya, numinipis ang hangin na pumapasok sa maliit na bintana kada oras sa madilim at malamig na lugar na yon. At nawawalan na siya ng pag-asang makatakas dahil kahit anong gawin niyang pagsira sa makapal na rehas na nakapalibot sa kanya, hindi ito matinag.

"Ah... ang tanga ko naman!"

Ang akala niya isang pangkaraniwang Nindertal lang ang babaeng kanyang nakalaban pero mukhang nagkamali siya ng binangga. Hindi lang 'yon, pamangkin pala ito ng kinatatakutang duke sa buong Iriantal!

Duke Draul Vhan Rusgard. Ang tinaguriang kampon ng kadiliman na nagbabalat anghel. Ayon sa mga narinig niya, hindi pa natatalo kahit kailan ang Duke sa kahit anong laban at wala itong kinatatakutan kahit pa ang sariling Hari ng bansa nito. kumpara sa ibang Duke sa Iriantal, di hamak na mas bata si Vhan Rusgard. Isang Platina. Kilalang tuso at kayang magpabagsak ng kalaban ng hindi man lang naaakusahan.

Marami na itong napatumbang maharlika at karamihan sa mga ito ay kilalang may galit sa Duke. Subalit wala kahit isa ang sumisi sa Duke at hindi alam ni Levic kung bakit at pa'no nito 'yon ginagawa.

At isa siyang malaking baliw.

Inakala niya na kahit kailan ay hindi magku-krus ang landas nila ng kinatatakutang Duke. Kagabi niya pa sinimulan magdasal na kung papatayin man siya nito, sana... hayaan muna siyang makapagbakasyon kahit isang araw lang. Gusto niyang maligo sa bukal at kumain ng maraming pagkain hanggang sa hindi na siya makahinga. O kaya naman hayaan siyang matulog kasama ng sampung magagandang babae.

Naaasar na ginulo ni Levic ang buhok niya.

"Gising ka na." Sabi ng isang tinig.

Napaatras siya sa biglaang pagsulpot nito.

QUINRA [Volume 1]Donde viven las historias. Descúbrelo ahora