CHAPTER 224 : THE VENGEANCE 6

Magsimula sa umpisa
                                    

Hinarang niya ang kaniyang malaking katawan sa daan. "Hindi ka rin pwedeng pumasok kung gano'n. Alam mo ang patakaran sa lugar na ito."

Kilala ako ng karamihan sa tao na naro'n sa kuta. Ang mga hindi nakakakilala sa 'kin ay iyong mga bagong tauhan at bagong babae ni Wood.

Pero sinuman sa mga narito ay hindi basta-basta binabanggit ang pangalan ko, o nang kahit na sino. Lahat ay may alias o code name. Ngunit ang isang 'to sa harapan ko, medyo bago pero kilala naman ako. Hindi ko tuloy maiwasang magtaka kung bakit nahihirapan akong makapasok ngayon. May milagro.

Palibhasa'y sindikato, may mga pulis na tauhan si Wood na madalas pumunta dito. Kaya rin hindi siya nahihirapang kumuha ng mga armas dahil may mauutusan siya o mapagkukunan. Ngunit sa ilang taon naming magkakilala ni Wood, madalang kong marinig na napapasok siya sa gulo. Kahit tarantado ay gusto niya ng tahimik na paligid. Walang ibang mahalaga sa kaniya kundi ang pera, negosyo at droga. Ang babae ay parte lang ng pang-araw-araw na pangangailangan ng katawan niya. Walang halaga sa kaniya ang mga ito.

"Hindi niya rin naman inaasahang darating ako no'ng nakaraan, bakit nakapasok ako?" naiinis kong tanong.

Umiling ang tauhan na kaharap ko. "Nagkaroon ng bagong patakaran si Mr. Wood, kailan lang." Halata namang nagsasabi siya ng totoo, pero hindi iyon tinatanggap ng topak ko ngayon. "Hindi kami tatanggap ng bisita kung hindi naman ito inaasahan ni boss."

"Seryoso ka?" pigil ang inis na tanong ko. Tumango ang tauhan kaya iritable akong lumingon kay Heurt. "Seryoso siya." Bumuntong-hininga naman si Heurt. "Wala na bang ibang paraan para makapasok ako? Importante ang ipinunta ko."

"Kailangang alam ni Mr. Wood ang pagdating ninyo."

"Kung gano'n ay pumasok ka sa loob, sabihin mo sa kaniyang nandito ako. Hihintayin kitang makabalik."

Bumuntong-hininga ang tauhan at muling umiling, inuubos niya ang pasensya ko. "Hindi ko magagawa iyan. Mabuti pa ay umuwi na kayo, bumalik na lang kayo kapag inaasahan na ni Mr. Wood ang pagdating ninyo."

Kasabay nang muling paglingon kay Heurt ay ang pagbuntong-hininga ko. Bago pa man ako muling bumaling sa tauhan ay nakabuwelo na ako at sinapak siya sa pagharap ko.

Matapos mawalan ng balanse ay gulat akong nilingon ng tauhan. "Sira-ulong 'to! Aba'y loko ka, ah!" singhal niya habang sapo ang panga.

"Hindi ako pupunta dito kung wala akong kailangan. Importante ang oras ko." Tinadyakan ko siya sa dibdib hanggang sa matumba nang tuluyan. Bago pa man siya makatayo ay pinompyang ko na ang ulo niya at paulit-ulit na inihampas sa pader hanggang sa mawalan siya ng malay.

Dinampot ko ang dinamitang nahulog mula sa tauhan. Pinaglaruan ko iyon sa kamay ko bago ibinulsa sa likuran ko.

Agad kaming pumasok ni Heurt sa loob at syempre pa, mas maraming tauhan ang gulat na sumalubong sa 'min. Lahat sila ay may nagtataka at nagtatanong na tingin. Marahil ay alam nilang puwersahan ang pagpasok namin kaya hindi na ako nagtaka nang matapos nilang magtinginan ay sabay-sabay silang sumugod sa 'min.

Hindi ko alam kung dapat ko bang ipagpasalamat ang makipot na daan. Nakatulong kasi iyon para meron akong matalunan at mabandahan para masipa ang sinumang sumusubok na lumapit sa 'kin. Bawat kamaong naiiwasan ko ay basta ko na lang hinihila at dinadagukan sa dibdib ang may ari. Ang mga sumusubok na hampasin ako gamit ang matitigas na bagay at armas ay natutumba na lang matapos kong ipanghampas ang kanilang bitbit.

Pero gusto kong mainis nang makita ko si Heurt na preskong dinaraanan lang ang mga ito habang ako ay hindi magkandarapa sa paglaban. Lahat ng makasalubong niya ay agad na natutumba, masapak man o matadyakan niya. Nakangiwi akong bumuntong-hininga saka sinalubong ang tingin niya. Tyinempuhan ko ang papasugod na tauhan at walang lingunan iyong sinuntok sa tiyan. Suntok na baon na baon at halos mamilipit sa sakit ang tinamaan niyon. Ginawa ko iyon nang nakatingin kay Heurt, nagyayabang.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon