XVI: Home Invasion

Start from the beginning
                                    

Napakatahimik ng buong silid, ang naririnig ko lang ay ang mabibigat na pares ng paang dahan-dahang humahakbang. Dahil nasa ilalim ako ng kama, paa lamang ang nakikita ko at kung pagbabasehan ito, mistula itong isang lalakeng may katamtamang pangangatawan.

Parang mawawasak ang puso ko dahil sa matinding kaba nang unti-unting humakbang ang mga paa niya patungo sa direksyon ng kama na siyang kinaroroonan ko. Pakiramdam ko'y mapapahiyaw na ako sa takot kaya naman tinakpan ko na ang bibig ko gamit ang dalawang kamay.

Lalo pa akong natakot nang makita kong gumalaw ang sentro ng liwanag palatandaang ginalaw niya ang kandila. Narinig ko ang kanyang pag-ungol at laking gulat ko nang makita ang pagbabago ng liwanag... Sa pagkakataong 'to ay nasisiguro kong inihagis niya ang kandila sa ibabaw ng kama. Naging mahina ang liwanag at mas namayani ang kadiliman kaya sa sobrang takot ay nanatili akong hindi gumagalaw sa pinagtataguan ko.

Narinig ko ang mga mabagal ngunit mabibigat niyang hakbang, papalapit ito ng papalapit hanggang sa makita ko mismo sa harapan ko ang sapatos niyang may bahid ng dugo. Sa sobrang lapit niya sa akin ay parang sasabog na ang puso ko, pakiramdam ko'y mapapahiyaw na ako sa takot kaya ipinikit ko na lamang ang mga mata ko.

Habang nakapikit ay bumalik sa isipan ko ang mga alaalang pilit kong kinalimutan... May napakalaking laslas ang leeg ko at walang tigil ang pag-agos ng dugo mula rito. Pinipilit kong hawakan ang leeg ko pero lalo lamang akong natatakot at nanlalambot dahil sa sumisirit na dugo mula sa sugat papunta sa palad ko. Naliligo na ako sa sarili kong dugo, nanginginig, takot na takot at hinang-hina habang nagtatago sa ilalim ng kama. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung paano ako napunta sa ilalim ng kama nang mga panahong hinang-hina at nasa bingit ako ng kamatayan. Paanong sa isang iglap ay bigla kong nakita ang pagtilapon ni lolo na para bang may pwersang bumatbat sa kanya patungo sa pader. Hindi man ako makapag-salita, gamit ang papel at lapis ay ipinahayag ko ang mga nakita ko nang gabing umabot sa sukdulan ang kasamaan ni lolo. Walang naniwala sa akin pero ipinagpilitan ko ito at pati narin ang ibang nakikita ko. Ngunit dahil sa mga nakikita ko ay ipinasok nila ako sa isang institusyon at ginamot mula sa isipan kong sa tingin nila ay tinakasan na ng katinuan. Naniwala ako sa kanilang may mali nga sa akin, na kasamang nasira ng buhay ko ang pag-iisip ko, pero sa mga nangyayari ngayon, para lang tuloy napapatunayan ang lahat ng mga gumugulo sa isipan ko.

Napukaw ang atensyon ko nang bigla kong maramdaman ang isang malakas na kalabog sa sahig, sa mismong tabi ko. Unti-unti kong idinilat ang mga mata ko at laking gulat ko nang bumungad sa akin ang isang lalaki sa sahig. Hindi ko siya kilala, duguan siya at nanlilisik ang itim na mga mata. Nakadapa siya ng patagilid at nakaharap sa mismong direksyon ko. Napakalapit namin sa isa't-isa. Sa sobrang lapit ay pakiramdam ko'y gagapang na siya at hihilahin ako palabas ng kama.

"Dana!" Hindi ko na napigilan pa ang sarili ko at tuluyan na akong napaiyak sa sobrang gulat at takot. Wala si Dana sa tabi ko pero sa mga pagkakataong takot na takot ako, siya lagi ang naiisip kong magiging sandigan ko gaya noong mga bata pa kami.

"Shhh! Shhh!" Lalo pa akong natakot nang biglang may dumapa sa sahig at hinila ang kamay ko. Sisigaw na sana ako at magpupumiglas pero napagtanto ko kung sino ito—Si Axel.

Nang maramdaman ko ang paghigit niya sa kamay ko ay dali-dali akong gumapang paalis sa ilalim ng kama. Niyakap niya ako ng mahigpit na para bang nabunutan siya ng tinik. Hindi ko na napigilan pa ang sarili ko't napaiyak rin ako at napayakap sa kanya ng mahigpit.

Takot na takot ako, oo aaminin ko 'yun. At aaminin ko rin na sa pagkakataong 'to, habang yakap-yakap si Axel ay tila ba gumagaan ang pakiramdam ko. Na para bang nasa tamang lugar ako at ito ay sa bisig niya.

Dispareo (PUBLISHED UNDER PSICOM)Where stories live. Discover now