Kinaiinisan Kita Dati

139 4 0
                                    

Kinaiinisan kita datiㅡ oo, tama ang basa mo, inisㅡ madaanan lang kasi kita'y damang-dama ko na 'yang kahambugang nakaimprinta na diyan sa noo mo. Kung makaasta't makatingin ka kasi'y parang akala mo'y boss ka na ng lahat ng tao, na kaya mong utuin lahat ng nakakasama mo.

Kinaiinisan kita dati. Hindi ko alam pero bakit panay ngising-aso ka kapag nakakashoot tuwing basketball. Palibhasa'y nakasanayan mo na'ng mapuri't masabihan na "magaling" kung kaya't tingin mo'y natutuwa lahat sa'yo, na sa tuwing makaka-three-points ka 'e may mga babaeng ipagsisigawan ang pangalan mo.

Kinaiinisan kita dati, lalo na noong itinago't hindi mo na isinauli ang paboritong Crayola ko noong Kinder pa lamang tayo. Tinanong kita kung nakita mo't nasa iyo ba, ngunit ang tanging sagot mo lamang ay nakakalokong ngiti at isang maikling "Malay ko."

Kinaiinisan kita dati, at mas tumindi pa ito nang malaman kong magiging kaklase pala kita noong third year tayo. Papasok ka pa lang sa loob ng klasrum, aalis at lalabas na kaagad ako. Ayaw kasi kitang makausap ni makatinginan man lang dahil ayaw kong maging isa sa mga taong madalas mong pagtripan at utuin.

Kinaiinisan kita dati. Dumating ang Ikalawang Markahan at bigla tayong ipinagtabi ng upuan. Halong asar at kaba ang naramdaman ko noong araw na 'yon. Asar, dahil iniiwasan nga kita, at kaba, dahil sa pagkakataong ito, lubusan pa kitang makikilala, at ayaw ko, ayaw kong masangkot at mas hukayin pa ang buhay ng taong hindi ko gusto.

Lumipas ang mga araw at napansin kong mali pala at walang patutunguhan ang pagkamuhi ko sa'yo. Oo't pilyo ka nga at mahilig mangantyaw ngunit kapag nakikita mong napipikon na ko'y agad mong sasabihing, "Uy, grabe, nakakapikon ba? Joke lang 'yon. Sorry na, oh." Matapos ay gagawa ka ng paraan para lang mapangiti mo ulit ako. Tanda ko pa'y madalas mong guluhin ang buhok ko't mabilis na iiwas at tatakbo dahil alam mong tatama na ang kanang kamao ko diyan sa kaliwang braso mo. Hambog ka nga at mataas ang tingin sa sarili, ngunit nakita kong dagdag lamang iyan sa pagka-childish mo. Madalas kang makaiisip at makapagsasalita ng mga bagay na kagulat-kagulat na manggagaling sa isang taong mukhang matured na kagaya mo.

Dumating ang mga panahong napagkukwentuhan na natin ang mga buhay ng isa't isa. Nalaman kong nais mo talagang maging abogado balang-araw dahil sa mataas ang paghanga mo sa 'yong yumaong abogadang ina. Sabi mo rin ay magtatayo ka ng isang organization para sa mga batang napagkaitan na ng magulang dahil nga sa maaga kang naulila noong walong taong gulang ka pa lamang. Tanda ko pa nga'y kapag makakakita ka ng mga batang nakakakalat at dungisan sa lansangan ay mapapailing ka't mapapasabi ng "Grabe naman 'yong mga magulang ng mga batang 'yan. Shet. Natitiis nilang palaboy-laboy lang sila sa daan. 'Di ba nila iniisip na pwedeng silang masagasaan ng tricycle, o kaya ng truck? Tsk. Kung ako magulang nila, papakainin ko muna sila atsaka pag-aaralin." Doon ko nakita na busilak pala ang puso mo talaga at iniisip mo rin ang ikabubuti ng iba.

Isang araw, hindi ko namalayang tangay mo na pala ang kanang kamay ko habang nakaupo't nagkukwentuhan tayo. Itinigil ko ang pakikinig sa mga sinasabi mo. A, mali, huminto nang kusa ang puso't pandinig ko. Tanging ang ngiti't mga mata mo na lamang ang tanging nagpapakilos sa akin. Ilang sandali pa'y bumalik na 'ko sa wisyo, ngunit hindi na yata nito mababalik ang inis na naramdaman ko dati sa'yo.

Kinaiinisan ko ang sarili ko. Ramdam kong iba na ang turing ng puso ko sa'yo. Sa dami ng tinging ibinibigay mo, ganoon din kalaki ang pag-iwas na ginagawa ko. Ngunit, biglang sumagi sa aking isipan, bakit hindi na lamang kaya ako sumunod sa bugso ng nararamdaman? Napapitik ako ng kamay atsaka muling ibinalik ang tinging sa'yo'y matagal nang nakatalik.

Kinaiinisan ko ang sarili ko. Umaga't gabi'y panay ang usap natin sa text o maging sa chat man. Laking tuwa ko naman dahil siyempre'y ang puso ko'y ikaw lang ang nilalaman. Alam ko, nararamdaman ko, na totoo at seryoso itong paghanga ko sa'yo. Halata rin naman kasi sa mga kilos mo na iba, na iba rin ang nararamdaman mo para sa akin. Hindi ako maaaring magkamali dahil sa bawat paglalapat ng ating mga tingin, may nabubuong kakaibang bagay na alam kong hindi lingid sa ating kamalayan.

Kinaiinisan ko ang sarili ko. Kasing bagal ng paglipas ng bakasyon ang paabot ng pangungumusta mo sa 'kin. Naghintay ako nang naghintay, araw-araw ay buo ang pag-asang ang mensahe mo ang unang tatambad sa akin sa cellphone ko. Ngunit hindi. Papalapit na ang pasukan ngunit hindi ko pa rin nararamdaman ang paglapit mo sa akin. Nalulungkot ako, ngunit sinubukan kong indahin, dahil doon ko nalamang hanggang kaibigan lang talaga ang turing mo sa akin.

Kinaiinisan ko ang sarili ko. Pasukan na ulit at magkaklase pa rin tayo. Ngumiti ka sa akin at ngiti rin ang ibinalik ko sa iyo. Naramdaman kong may nagbago, na hindi na pareho ang tinginang ibinibigay natin sa isa't isa, na hindi pareho ang ngiting pinagsasaluhan natin dati, na hindi na pareho ang nararamdaman ko at mo.

Kinaiinisan ko ang sarili ko. Nagulat na lamang ako nang isang araw ay biglang lumitaw ang pangalan mo nang buksan ko ang cellphone ko. Natuwa ako't nagtatalon sa saya dahil sa wakas ay naalala mo ulit akong kausapin.

Tinawagan kita.

Sumagot ka.

Nagkumustahan tayo.

Nagtawanan.

Atsaka ka nagkuwento.

Nagkuwento na sa wakas ay may natitipuhan ka na.

Na gusto mo siyang mapasagot at maging kasintahan.

Kinabahan ako ngunit nagtanong pa rin, umaasang pangalan ko ang mababanggit.
Hinintay ko ang sagot mo.
Ngunit iba sa aking inaasahan ang iyong tinuran.

Lumipas ang mga araw at hindi na tayo muling magkatabi ng upuan. Hindi na sa kaliwang braso mo tumatama ang kanang kamao ko. Hindi na nagtutugmang muli ang mga tinginan natin. Hindi mo na ginugulo ang buhok ko, at hindi na rin ako muling mapipikon sa mga biro mo.

Kinaiinisan kita dati, ngunit mas kinaiinisan ko ang sarili ko, dahil hanggang ngayon, patuloy pa rin ang pag-asa ng lintik kong puso sa'yo.

Masakit man ngunit handa akong mainis nang paulit-ulit sa sarili ko hanggang sa dumating ang araw na maiinis ka rin sa sarili mo't mapagtatanto na ako rin pala ang hangad mo.

x x x

Nakailang mais siguro ako bago ko nasulat 'to. Corny ko huhu. Lels. Hi pala sa friend kong si C. Siya po talaga ang may karanasan niyan at hindi po ako. Hahahahaha.

Kinaiinisan Kita Dati (Maikling Kuwento)Where stories live. Discover now