Sampu!

615 29 21
                                    

Hindi mo ba nakita noong mga panahong iyon na hinahanap pa kita Kath? Mahal na mahal kita! Alam kong pinaghihiwalay na naman tayo ng tadhana. Minsan niyang ipinatikim at ipinalasap sa aking puso ang pagmamahal. Tinanggal niya iyon at alam kong muli niya iyong tatanggalin at ilalayo sa akin. Iyon din ba ang nararamdaman mo Kath? Huwag kang mag-alala, na'ndito lang ako sa tabi mo. Hindi na kita pakakawalan, hindi na nila tayo puwedeng paglayuin. Saksi ang napakagandang tanawin na ito sa ating harapan ng pag-iibigan natin. Naririnig ng hangin ang ating panaghoy, ang alon ng dagat ay nagsasabing kakayanin nating lampasan ang lahat ng balakid at ang simbolo ng papalubog at ginintuang araw ay sumisimbolo ng lakas para sa ating dalawa. Hindi mo ba nakikita Kath? Ang lahat ng bagay na nasa paligid natin ngayon ay nagpupugay. Nagbibigay sila ng inspirasyon at nagpapasalamat para sa busilak na pag-ibig.

Huwag kang umiyak,hindi na nila tayo mapipigilan pa. Hayaan mong punasan ko ang luha sa iyong mga mata. Yayakapin kita hanggang sa maging maayos na ang iyong pakiramdam.

Tama...isandal mo lang ang iyong ulo sa aking balikat. Huwag mong alalahanin ang lahat. Hayaan mong dalhin ng malamig na hangin ang iyong mabigat na pasanin. Hayaan mong silayan ng init ng araw ang iyong mukha upang iparamdam nito ang kanyang init. Isang mainit na halik naman sa iyong noo ang aking ibibigay mahal ko.

_______________________________________

Subukan mang ilayo ka sa akin ng tadhana ay gagawin ko pa rin ang lahat makapiling ka lang. Naghintay ako nang matagal. Naghintay ako sa estasyon ng Ayala kung saan kita huling nakita. Alas-singko y media iyon ng hapon. Marahil ay pauwi ka na noon sa iyong trabaho. Kagagaling ko lang din noon sa isang pagawaan ng sasakyan sa Makati upang kumpunihin ang isang sasakyan. Marumi pa ang aking mga kamay noon dahil sa grasa at kalawang. Hindi ko na nagawa pang linisin nang maigi ang aking mga kamay noong mga panahong iyon dahil sa pagmamadali. Nag-alala ako noon na baka hindi na kita maabutan pa sa lugar kung saan kita huling nakita ngunit sa pagkakataong iyon ay sinwerte ako. Nakita kitang pumasok sa loob ng loading bay ng tren. Nakasuot muli sa iyong tenga ang iyong earphone at abala ka sa pagtetext. Hindi na ako nag-alinlangan pa. Agad kitang nilapitan nang dumating na ang tren. Pumasok ka sa loob at sinabayan din kita. Nang magdikit ang ating balikat ay saka mo na lamang ako tiningnan.

"R-Ronnie?Anong ginagawa mo dito?" tanong mo.

"Kath...sa wakas. Akala ko hindi mo na ako naaalala eh," sagot ko naman.

Bahagya kang napaatras nang titigan ko ang iyong mga mata. Hindi ko alam kung bakit para bang natakot ka sa akin, nagulat o nabigla. Bahagyang pinagpawisan ang iyong noo at tila naging aligaga ka sa iyong pagtayo. Kamuntikan ka pang madapa dahil sa pagtakbo ng tren. Sinalo kita at inalalayan gamit ang aking mga braso ngunit agad mo namang tinanggal ang aking kamay sa iyong likod nang mapansin mo ang mga bakas ng dumi sa aking kamay.

"P-pasensiya na," agad mong sambit upang magpaumanhin.

"Ayos lang. Eto galing ako sa trabaho, kaya marumi ang kamay ko. Pasensiya na rin..." paliwanag ko. Sa pagkakataong iyon ay nakita ko rin sa wakas ang iyong ngiti ngunit agad kang umiwas nang titigan ko ang iyong mga mata.

"Eh saan ka na nagtatrabaho? Kumusta na?"

"Ah mekaniko...diyan lang din sa Makati. Eh ito lang nakayanan eh. Wala na kasi sila..." tugon ko. Agad namang nalukot ang iyong mukha.

"Alam ko. Nabalitaan ko nga...balitang-balita iyon sa TV ah. Nag-alala nga ako sa 'yo nun."

"A-ah haha. Nbalitaan mo pala," sagot ko.

Ayoko na sanang maalala pa ang mga bagay na nangyari sa pamilya namin. Pero unti-unti ay muling nagbabalik sa aking isipan ang malinaw na mga imahe. Ang mga pulis, ang katawan ni papa, ang aking ina na walang tigil sa pagtawa, ang mga doktor sa aking harapan. Parang isang video na nagre-rewind at nagpe-play lang sa aking utak ang lahat. Napakapit na lamang ako sa aking ulo habang umiiling.

Tagu-taguanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon