Apat...

322 26 6
                                    

Minsan iniisip ko kung bakit ka nga ba ibinigay ng Diyos sa akin. Iniisip ko na napakahina ko at ibinigay niya ang isang katulad mo bilang lakas ko. Ikaw ang naging sandigan ko sa tuwing bagsak ako. Ikaw ang saya ko sa tuwing malungkot ako. Ikaw ang liwanag ng umaga sa madilim kong mundo. Ikaw ang lahat ng magagandang bagay na wala ako. Ikaw ang napakagandang regalo na nangyari sa akin Katherine. Regalo na hindi ko kailanman bibitawan hanggang sa huli.

Kung wala ka...hindi. Hindi ko maisip kung mawawala ka sa akin.

___________________________

Sa tuwing makikialam si Anton sa pagsasama natin sa eskwelahan ay agad kang gumigitna sa amin para itulak siya palayo. Halata naman talaga sa kanya na noon pa man ay gusto ka na niya. Napapatahimik na lang ako sa isang sulok at napapayuko habang iniisip ko ang mga bagay na ginawa mo para sa akin.

"Bakit anong problema?" tanong mo sa akin isang beses.

Nakatulala lamang ako noon habang nakasandal sa puno malapit sa inyo, sa paborito nating tambayan. Ang mga bagay na iyon ay paulit-ulit na umiikot sa aking isipan.

"Mahina ba ako?"

Agad lumabas ang mga salitang iyon sa aking bibig. Tinitigan kita sa mata, ikaw naman ay agad na lumapit at umupo sa aking tabi. Lungkot ang gumuhit sa linya ng iyong mukha. Yumuko ka at hinawakan ang aking kamay.

"Bakit mo naman tinatanong yan?"

"Ikaw kasi yung laging nagtatanggol sa akin. Ikaw yung laging na'ndyan kapag may problema ako. Ikaw yung..."

"Eh kasi ako na lang ang mayroon ka," putol mo.

Agad kang ngumiti at sumandal sa aking balikat. Hindi na ako nakapagsalita noon. Oo nga at ikaw na lang ang mayroon ako. Hindi naman ako nakikipagkaibigan sa iba dahil ikaw lang ay sapat na. Hindi ko sila kailangan dahil sa totoo lang ay ikaw naman talaga ang kailangan ko.

Sa ekswelahan ay madalas tayong mapagkamalan na magnobyo. Masyado pa tayong bata noon para husgahan ng mga tao bilang magnobyo. O sadyang masyado lang nauso ang mga salitang 'yan dahil ang panahon natin ang pinakamainit sa mata ng mga guro at ng ibang mga kaklase. Masyadong mainit ang usapin ng relasyon. Si ganito may crush kay gano'n. Si ganiyan, nobyo ni ganyan.

Ang lahat ay nag-iisip sa atin nang mali. Ako naman ay walang pakialam. Mas gusto ko ang ganitong estado ng ating buhay. Magkaibigan tayo at tayo lang ang magkasama. Hindi ko sila kailangan. Kung dumating man ang tamang panahon para sa atin ay hindi ako mag-aatubili na ikaw ang piliin at mahalin Kath. Iyon lang ang hinihintay ko. Ang dumating ang panahon na iyon.

Noong mga panahon na iyon ay masaya na ako kahit na puro bulong-bulungan kung tayo raw ba. Kada dadaan tayo sa hallway ng eskwelahan ay kakantyawan tayo ng ating mga kaklase. Ngingiti na lamang ako habang ikaw ay yuyuko at magmamadali sa paglalakad. Hinihila mo pa ang kamay ko noon para magmadali rin.

"Mr. Elipio!" bulyaw ng masungit nating guro na si Ms. De Villa.

Kakapasok niya lamang noon sa klase habang ang iba nating mga kaklase ay nagmamadali sa pag-upo. Bakit nga ba ako pa ang tinawag niya kung ang dami namang ibang magugulo riyan na nakatayo pa at naglalaro sa loob ng kwarto?

"Yes ma'am?" sagot ko na lamang sa kanya.

Tiningnan kita noon sa bandang hulihan ko sa aking kanan. Katabi mo noon si Anton at kitang-kita ko ang nakakainis na ngiti niya. Ikaw naman ay agad na nag-alala.

"Madalas kayong magkasama ni Katherine ah...usap-usapan na sa office. Dapat maghiwalay kayo dahil kung ano-ano ang iniisip ng ibang teachers sa inyo!"

Hindi ko alam kung bakit naging kasalanan natin ang piliin na magkasama lagi. Hindi naman siguro natin kasalanan iyon. Bakit nga ba nila tayo gustong paghiwalayin Kath? Ano nga ba ang karapatan nila sa atin?

"Lumalaki na kayo. Kaya dapat ilugar niyo na rin ang sarili niyo sa tama. Hindi na kayo mga bata. Mga binata't dalaga na kayo."

Minsan na itong sinabi ni mama sa atin noong pumunta ka sa bahay at sinusundo ako upang maglaro. Ngumiti ka na lang at tiningnan si mama. Ako naman ay yumuko sa hiya.

Bakit nga ba ako nahiya? Kung tutuusin ay wala naman tayong ginagawang masama. Simula noong grade 5 tayo ay ganoon na ang naging tingin sa atin ng mga tao. Ni hindi sumagi sa aking isipan na may kung ano mang namamagitan sa ating dalawa. Ang alam ko lang ay masaya ako kapag ikaw ang kasama.

Isang araw sa klase ay muling tinawag ni Ms. De Villa ang pangalan ko. Sa pagkakataong iyon ay alam ko na kung ano ang kanyang sasabihin. Tumayo ako nang tuwid at hinintay ang kanyang sasabihin.

"Hindi kayo nakikinig! Alam niyo bang pinagchichismisan na kayo ng buong school?!" bulyaw niya.

"Gusto niyo bang paghiwalayin kayo ng section?!" dagdag pa niya.

Sa totoo lang ay nakaramdam ako ng inis sa pagkakataong iyon. Pumikit na lamang ako habang salubong ang aking mga kilay. Isang kalabog naman ang narinig ng buong klase. Napalingon ako sa kinaroroonan mo. Doon ay nakita kitang nakatayo. Nakatitig nang masama sa ating guro at halos nanginginig ang mga balikat. Napatingin sa 'yo ang lahat, maging ang guro natin ay gulat na gulat sa iyong reaksyon.

"Ms. Gil!"

"Ma'am! Hindi naman po tama yan!" palaban mong sagot.

"At natututo ka nang sumagot ha?!"

"Magkaibigan lang po kami ni Ronnie! Bakit niyo po kami pinaghihiwalay? Wala naman po kaming masamang ginagawa ah?"

Napakatapang ng iyong sagot Kath. Hindi ko lubos maisip kung saan nanggaling ang lakas ng loob mo para sagutin ang ating guro. Mali man daw sa paningin ng iba, nararamdaman kong tama ang iyong ginawa. Wala silang karapatan para paghiwalayin tayong dalawa. Hindi rin ako papayag sa gusto nila dahil alam kong walang masama sa ating pagsasama.

Unti-unti ay nakita ko ang pangingilid ng iyong luha. Pinipigilan mong bumuhos ang iyong emosyon. Alam kong nabibigatan na nang lubos ang iyong dibdib at gusto mong ilabas ang iyong saloobin. Hindi naman iyon naintindihan ng ating guro. Agad siyang lumapit sa 'yo at piningot ka sa iyong tenga.

"Aray ma'am tama na po!"

Agad mong naibulalas ang mga salitang iyon. Hindi mo na napigilang umiyak habang kinakaladkad ka ng ating guro. Tanging ang kapit nya lamang ay ang iyong tenga. Batid kong lubhang masakit ang kanyang ginagawa. Hindi ko na napigilan ang aking sarili. Tumulo na rin ang aking luha. Hindi ko namalayan na tumatakbo na ako noon patungo sa kanya. Agad ko siyang tinulak. Hindi ko namalayan na napalakas pala ang tulak na iyon dahilan ng kanyang pagkakahiga. Nawalan siya ng malay, ikinagulat naman ng ating mga kaklase ang kanilang nakita. Wala nang malay ang ating guro at mayroong bahid ng dugo sa kanyang noo.

Hindi ako nakakilos noon. Napalunok na lamang ako nang kaunting laway at napatitig sa kanya. Nanginginig ang aking mga kamay...hindi ko alam ang aking gagawin.

Tagu-taguanWhere stories live. Discover now