KABANATA 5

9.1K 373 34
                                    

KABANATA 5

“HMMM… Hmm… Mmm… Hmm… Hmm… Mmm…”

Panay ang awit ni Lola Amparo habang nakatikom ang bibig nito. Gumagawa lang ito ng melodiya pero walang salita. Puro tono lang. Masuyo namang kinukuskos ni Mandie ang likod ng kanyang abuela ng bimpo. Nakalublob sa bath tub ang lola niya at nakatalikod sa kanya. Yakap nito ang tuyot nitong mga binti habang nakauklo. Habang siya naman ay nakaupo sa gilid ng bath tub.

Kanina nang makita niya ito sa silid nito ay labis siyang natuwa dahil sa wakas ay kapiling na ulit niya ito. Agad niya itong niyakap at hinagkan.

Sadyang napabayaan na ng kanyang Lola Amparo hindi lang ang bahay kundi pati ang sarili nito. Sa amoy nito ay alam niyang ilang araw na itong hindi nakakaligo.Napakalaki ng ipinayat nito. Halos nakadikit na sa buto ang balat nito. Bumagsak na rin pati ang dating matabang pisngi. Mahahaba ang kuko sa kamay at paa. Matigas at nanlalagkit na din ang buhok nito.Pero gayunpaman, nagpapasalamat pa rin siya sa Diyos dahil buhay ito sa kabila ng pagiging mag-isa nito.

“Sino ka ba, iha?” Sa wakas ay muli niyang narinig ang boses ng kanyang Lola Amparo. Garalgal iyon at parang puno ng kalungkutan. Sabagay, sino ba naman ang hindi malulungkot kung inabandona ka ng anak at apo mo sa loob ng dalawampung taon.

“L-lola…” Nakalimutan na ba siya nito? O hindi lang talaga siya matandaan dahil lumaki na siya?

“Bakit mo ako pinapaliguan? Sino ka ba, iha?”

Lumunok muna ng laway si Mandie. Pakiramdam kasi niya’y may kung anong nakabara sa kanyang lalamunan. “A-ako po si Mandie, Lola Amparo…” sagot niya.

“Ah…” tumango-tango ito. “Kapangalan mo ang mahal kong apo. Mandie rin ang pangalan niya at katulad mo’y maganda rin siya.”

“Lola, ako nga po ito… si Mandie. Ang apo niyo.”

Mabagal na humarap ito sa kanya. Tinitigan siya sa mukha at hinaplos ang kanyang pisngi. Hinawakan nito ang nunal niya sa tungki ng kanyang ilong. Ngumiti ito. “Ikaw nga… Ikaw nga ang apo ko. Mandie…” Tumango ulit ito.

Napaiyak na si Mandie.

Binitiwan niya ang hawak na bimpo at yumukod para yakapin ang kanyang lola. “Patawarin niyo kami ng Mama, Lola! Sorry kung iniwan ka namin… Sorry po!” Patuloy siya sa paghagulhol.

“Wala na iyon, apo. Matagal ko na kayong napatawad. Isa pa, alam ko na darating ang araw na ito—na babalik ka dito dahil iyon ang nakatakda. Masaya ang lola na narito ka na, apo ko!” At naramdaman niya ang pagganti nito ng yakap sa kanya.

Medyo napakunot ng noo si Mandie sa sinabi ni Lola Amparo na ang pagbabalik niya dito ay nakatakda. Anong ibig sabihin niyon? Pero ipinagsawalang-bahala niya na lamang iyon.

“'Wag kayong mag-alala dahil hinding-hindi ko na kayo iiwan. Pangako po!”

“Talaga, Mandie? Salamat… Hayaan mo at malapit nang dumating ang mga bisita ko. Makikilala ka na nila…”

“Ano pong ibig niyong sabihin?” nagtatakang tanong ni Mandie.

Walang nakuhang sagot si Mandie kay Lola Amparo kundi isang mahinang hagikhik…

-----***-----

TINAPOS na ni Mandie ang pagpapaligo kay Lola Amparo. Ginupitan na rin niya ito ng kuko sa kamay at paa. Binihisan niya ito ng malinis na damit at sinuklayan na rin niya ang buhok nito.

Habang sinusuklay niya ang buhok ng kanyang lola sa kwarto nito ay biglang pumasok si Ken habang hawak ang cellphone nito. Mukhang hindi maganda ang timpla ng mukha nito dahil bahagya itong nakabusangot.

“May problema ba, Ken?” patuloy pa rin si Mandie sa kanyang ginagawa.

“Tumawag 'yong mommy ni Ulysses, sinisisi niya tayo kung bakit namatay ang anak niya! Magsasampa daw siya ng demanda. Hindi ba nila alam ang salitang ‘aksidente’? Hindi naman natin ginusto iyong nangyari, eh!” Nagagalit na sagot ng kanyang nobyo.

Tumayo si Mandie at lumapit kay Ken. “Intindihin mo na lang sila… Hindi madali ang mamatayan ng kamag-anak lalo na ng anak. Masakit iyon para sa isang ina.”

“Kung makapagsalita ka naman, parang namatayan ka na ng anak.”

Biglang natigilan si Mandie sa sinabi ni Ken.

Hinawakan niya ito sa kamay. “Hayaan mo na lang muna ang parents ni Uly. Wala lang silang mapagsisihan ng pagkamatay ng anak nila. Lilipas din iyon.”

“Ewan ko. Medyo nakakaasar lang kasi na tayo ang sinisisi…”

“Hayaan mo na sabi. Oo nga pala, kumusta ang paglilinis niyo sa ibaba?”

“Okay naman. Si Dawn, puro reklamo.”

“Sige, tatapusin ko lang pag-aasikaso kay Lola Amparo tapos bababa na ako para tulungan kayo doon.”

Hinalikan muna siya ni Ken sa kanyang pisngi bago ito umalis.

Napatitig si Mandie sa kawalan. Tila umaalingawngaw sa kanyang utak ang sinabi kanina ni Ken…

Kung makapagsalita ka naman, parang namatayan ka na ng anak.

Ipinilig ni Mandie ang kanyang ulo para maiwaksi ang isipin na iyon. Binalikan na niya si Lola Amparo.

“Alam ko ang nakaraan mo, apo. Ang lola ay palaging nakasubaybay…” Mula sa kawalan ay biglang nagsalita si Lola Amparo.

Muli, ipinagsawalang-bahala lang iyon ni Mandie. Marahil ay sadyang sobrang tanda na nito kaya kung anu-ano na ang sinasabi.

“Lola Amparo, dito po muna kayo sa kwarto niyo, ha. Maglilinis lang po kami sa ibaba. Makakasama sa inyo ang sobrang alikabok doon.”

Hinintay ni Mandie na sumagot ang kanyang lola pero hindi ito nagsalita. Nanatili itong nakatitig at nakangiti sa kawalan.

Iniwan na lang niya ito at pumunta sa mga kaibigan.

Aaminin niya, medyo nawe-weirduhan siya sa kinikilos ni Lola Amparo. May mga sinasabi ito na parang palaisipan na hindi niya maintindihan. Dala na ba ito ng katandaan?

Patapos na pala ang mga kaibigan niya sa paglilinis kaya nagdesisyon si Mandie na magluto na lang ng pagkain.

“Guys, magluluto lang ako ng makakain, ha,” aniya.

“Good idea! Grabe, ha. Pinaglinis mo kami dito ng walang breakfast!” reklamo ni Dawn.

Nagtungo na si Mandie sa kusina. May mga de-lata sa pantry pero baka may maluluto siya sa ref. Binuksan niya ang ref ang agad siyang napatakip sa ilong nang mula doon ay sumingaw ang mabaho at malansang amoy.

“Ang baho!” pakli niya. Amoy bulok na karne.

Halos maduwal si Mandie nang makita niya na ang pinanggagalingan nga ng mabahong amoy ay mga bulok na karne na wala sa ayos na nakalagay sa ref. Inuuod na ang mga iyon at halos nangingitim na. Kaya pala, mukhang sira na ang ref dahil wala na iyong lamig.

Agad niya iyong sinaraduhan at tinawag sina Ken at Hero. Pinabuhat niya sa mga ito ang ref upang ilagay sa likod-bahay.

“Ano bang laman nito? Bakit kailangang itapon?” tanong ni Hero.

“I think, sira na iyan. Saka, ang daming bulok na karne sa loob. Ang baho! Kaya 'wag niyo nang buksan. Okay?” tugon ni Mandie.

Pinagtulungan na ilabas ng dalawa ng ref.

Walang choice si Mandie kundi ang magluto na lamang ng de-lata. Nagbukas siya ng tatlong lata ng corned beef at inumpisahan na lutuin iyon.

“After nating kumain, mag-offer tayo ng prayer para kay Ulysses,” malungkot na sabi ni Mandie habang kumakain na sila. Nagsaing na lamang siya ng bigas dahil wala siyang makitang tinapay. Baka mamaya ay magtungo sila sa bayan para bumili ng mga pagkain at kung anu-ano pang kailangan nila.

TO BE CONTINUED…

AbuelaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon