"Akala ko'y minahal mo na ang lalaking iyon," sabi niya sa'king tenga. "Muntik ka na naming patayin kasama niya."

Pinigilan kong lumuha.

"Ni minsan," madiin kong sagot. "Ni minsan, hindi ko minahal ang nakakasuklam na lalaking 'yan."

Tumitig ako sa walang-buhay na mga mata ni Gweneld. At dumaan sa aking isipan kung paano ito sumingkit kapag siya'y tumatawa...

Hinaplos ni Helena ang aking buhok. "Mabuti. Natutuwa akong marinig sa'yo iyan, Henrieta."

Sa gilid ko'y sobrang nanginginig sa galit ang aking kamay. Nagsi-alisan na ang mga kawal, bitbit ang katawan ng Prinsipe, ang ulo nito'y nasa kamay ni Fenn at nagsimulang bumalik sa palasyo kung saan naririnig ko ang sigawan ng mga Napili.

Tumulo ang isang luha.

"Sinusumpa ko," bulong ko. "Sinusumpa kong pababagsakin ko kayong dalawa, Helena. Sinusumpa ko sa pangalan ni Prinsipe Gweneld."

Humawi ang aking buhok nang ako'y tumalikod upang sundan ang magiging bagong Hari at Reyna ng Paraisla, baon ang mga pangako at sumpa. Mga pangarap at bangungot. Mga kasalanan at pag-asa.

"Sinusumpa kong mapapabagsak ko kayo."



──────⊱⁜⊰──────


Mahimbing nang natutulog si Iris pagkatapos maipanganak ang isang sanggol na babae. Balot na balot ito sa tela dahil sa taglamig at pinagmamasdan ko ang mga mata nito.

Hindi pula. Hindi rin lila.

Isang klase ng gray na hindi ko mawari. Napakaputla, naglalaro sa itim at puti. Ngunit nang mailawan ang mga mata niya ng liwanag ng buwan, makikita ko ang pula at lilang pinagsama.

Itong bata ay dapat na lumaking normal. Dahil iyon ang nais ng lahat magmula sa una pa lang. Ito ang nais ng iyong ama, ng iyong mga lola at lolo. Ngumiti ako sa sanggol at kinalong ito.

Kailangan mong lumaki nang normal. At kailangan mong mahiwalay sa iyong ina dahil huli na ang lahat para bumalik siya sa dati.

Kumuha ako ng basket, iyong pinaglalagyan ko ng mga pinamili. At nilisan ang isla.



──────⊱⁜⊰──────


Dumating ako sa Rena bandang madaling araw at kumuha ng matutuluyan. Nabalitaan kong magkakaroon ng seremonyas mamaya sa pagbubukas ng paaralang-pangkawal. Kaya naman, heto ako, nakatayo kasama ng maraming tao at pinapanood si Lax na magbigay ng talumpati.

Mamaya, kapag kaming dalawa na lang, sasabihin ko na ang mga dapat niyang malaman. Pati na ang lunas na hinahanap niya para kay Eyha. At ibibigay ko ang sanggol sa kanya.

Pinagmasdan ko ang tsokolateng buhok na namana niya sa kanyang ama at ang asul na mata sa kanyang ina.

Sa totoo lang, matagal ko nang alam na si Lax ang anak ni Prinsipe Gweneld at ni Winona.

Paraisla i: PangakoOnde histórias criam vida. Descubra agora