"Tatakbo ka na din ba?" iritang tanong ko sa kanya.

Pero tiningnan lang ako ng dalaga, balik kay Daniel at pinanood ko kung paano lumapit si Astrid sa binata, sinampal ito at saka niyakap nang mahigpit. Saka niya binuhos ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan.

"Nagtiwala ako sa'yo," garalgal na sabi nito habang hinahaplos ni Daniel ang kanyang buhok. "Bakit hindi mo...sinabi a-agad..."

Hindi talaga ako makapaniwala.

"Patawad," paulit-ulit na bulong ni Daniel. "Patawarin mo ko...Pero ayoko na. Maniwala ka. Ayoko nang maging ganito."

Tumango-tango lang si Astrid at nagtanim ng halik si Daniel sa kanyang ulo. Kahit pa nalaman ito ni Astrid, pinili pa rin niyang mahalin ang binata? Nakaramdam tuloy ako bigla ng lungkot at inggit. Mabuti pa sila. Di tulad ko.

Pakiramdam ko'y nag-iisa ako.

"Walang mangyayari kung aapela kayo sa palasyo," seryoso kong sabi. Napatingin naman ang dalawa sa'kin. Matama kong tinitigan ang larawan ni Prinsipe Gweneld na nakasabit sa dingding. Hinawakan ko ang aking dibdib.

"Kailangan niyong tumakas."



──────⊱⁜⊰──────


Nakaupo ako sa tuktok ng kama ko, yakap ang mga tuhod at tahimik na umiiyak habang pinagmamasdan ang dagat sa labas ng aking bintana. Sa buong panahon na naging lingkod ako ni Prinsipe Gweneld, isa lang naman ang hinihingi ko: Ang tumingin siya sa'kin.

Ngunit may mga bagay talaga na kahit anong lapit, hindi mo makukuha. Siguro'y mahahawakan mo, ngunit hindi ka makakakapit.

Wala na akong ibang hinangad kundi mayakap ang Prinsipe, ang makuha ang kanyang kamay habang naglalakad kami sa hardin, ang mahalikan siya. Ngunit sa pag-iisip kong ito, sumagi sa aking isip si Winona. Siya ang nakaranas sa mga iyon at hindi ako.

Bakit ko ba sila tinutulungan? May parte sa'kin na nais na lang hayaan ang lahat sa kanilang mga problema.

Ngunit naalala kong sangkot dito ang lalaking mahal ko, pati na ang lalaking kaibigan ko. Syempre gagawin ko ang aking makakaya upang tulungan sila. Dahil... "Hindi ko kaya," bulong ko. Hindi ko sila kayang talikuran.

May kumatok sa aking pinto.

Marahan akong nagpunas ng luha habang nakakunot ang noo. Sino namang maghahanap sa'kin ngayong disoras ng gabi? Nang makapunta ako sa pintuan, pinakinggan ko ang nasa labas.

"Tita," medyo malakas na bulong ng isang bata. "Henrieta."

Agad kong pinagbuksan si Naven at pinapasok siya. "Anong-- Bakit gising ka pang bata ka?" Iginaya ko siya papunta sa kama at umakyat ito sa taas. Nailawan ang kanyang pilak na buhok at pulang mata. "Pagagalitan ka ng iyong ina kapag nalaman niyang-"

Nagulat ako nang yakapin niya ang aking bewang at umiyak ng umiyak. Hinaplos ko ang kanyang ulo at inilayo siya nang kaunti. "Bakit? Anong problema at umiiyak ka?" alala kong tanong.

Paraisla i: PangakoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon