Ngunit hindi ata masaya sa ideyang ito ang aking ama at si Cixi.

"Maligayang bati," nagsimulang kumanta ang lahat habang sinisindihan ni Astrid ang mga kandila sa keyk. Lahat ng nakikita ko ay mga ngiti at mga lobo at mga masasayang tawanan. Naisip ko tuloy na si Lianne ang nasa gitna na nagdidiwang ng kaarawan. Siguro'y masaya iyon.

Inakbayan ako ni Lax at nagkatinginan kami ng masaya kasabay ng pag-ihip ni Ninette sa kandila. Nagpalakpakan ang mga bata lalo na nang i-anunsyo ni Astrid na maaari nang kumuha ng pagkain. Pumila agad ang mga batang lingkod ng palasyo.

"Hindi ba't naaalala mo noong ganito ka pa lamang kaliit at naging lingkod ka na dito?" tanong ko kay Lax na nagmamasid lamang sa mga bata.

"Oo," tumawa siya at idinikit ang ilong sa aking buhok. "Ngunit hindi ganito kabait ang Reyna upang isama kami sa mga selebrasyon."

Napukaw ang atensyon namin ni Lax ng tatlong bata na maingay at sabik na sabik na nakatanaw sa unahan ng pila. Nagbabangayan ang dalawang lalaki, edad siguro ay labing-tatlo.

"Ano bang mas masarap? Yung pasta o yung pansit?" tanong ng isang uhuging bata, laging pinupunasan ang sipon sa kanyang damit.

Kumunot ang noo ng isa pang batang lalaki. "Malamang, yung pasta!" Sobrang puti ng kanyang balat at iisipin mong dayuhan ang ama. Ay, baka nga.

Sumingit naman sa usapan ang nasa gitna nilang babae. "Basta ako, kukuha ako ng ay...ays...ano ba yun?"

"Ice cream," sagot ni Lax na lumuhod sa harap nilang tatlo. Tuwa ko silang pinanood habang hinahaplos ang aking tyan. Yumuko naman ang tatlo sa presensya ng Hari at ilan pang bata sa malapit ang gumaya. Nagpasalamat sila sa imbitasyon at tinawanan lang sila ni Lax. "Sa lahat ng magiging selebrasyon, iimbitahan ko kayong mga bata."

Ayan nanaman siya, inaalala ang sariling kabataan bilang lingkod.

"Kamahalan," sabi ng uhuging bata na ang pangalan pala ay Haki. "Marunong po ba kayong humawak ng espada?"

"Oo naman!" Tumaas ang kilay ng aking asawa. "Bakit? May interes ka ba?"

"Wag niyo po siyang pansinin, Kamahalan. Nag-iilusyon lamang siya na maging lingkod-kawal mula sa kwento ng mga dayuhan," balita ni Dalia, ang batang babae na gusto ng ice cream. Ka-edad lamang niya ang mga batang lalaki.

"Lingkod-kawal? Dayuhan? At sino naman ang dayuhan sa inyo?" Agad na tumingin si Lax kay Rowan, ang maputing bata. "Ikaw siguro iyon, munting binata?"

Saglit na namula ang pisngi ni Rowan sa pagkakatawag ng binata sa kanya. "Ang ama ko po'y dayuhan na manlalayag ngunit wala na po siya."

Tahimik na tumango si Lax, hindi na nagkomento sa sinabi ng bata. Nais ko mismong yakapin ang bata ngunit wala naman itong ipinakitang lungkot para sa ama. Siguro'y bunga siya ng isang...

"Alam niyo ba? Magbubukas na ang paaralan ng mga kawal sa Rena ngayong buwan," sabi ni Lax, isang ngiti sa kanyang labi. Sabik na nanlaki ang mata ni Haki.

"Paaralan? Para sa... kawal?" tanong nito, sumisinghot-singhot.

"Oo. Nais niyo bang pumasok? Kung papasok kayo, ako mismo ang magtuturo sa inyong tatlo," masayang saad ni Lax. Natawa ako nang tahimik. "At kayong tatlo ang magiging personal kong kawal kapag nasa tamang edad na kayo."

Paraisla i: PangakoUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum