KABANATA 1

13K 489 41
                                    

KABANATA 1

GUSTO sanang matulog ng apat na taong gulang na si Mandie sa tabi ng kanyang Lola Amparo pero hindi siya pinayagan ng kanyang Mama Chanda ng gabing iyon. Umatungal siya ng iyak kanina pero wala iyong nagawa sa kagustuhan ng kanyang ina.

"Chanda, hayaan mo nang matulog ang apo ko sa kwarto ko." Iyon ang sabi ng Lola Amparo niya nang malaman nitong sa unang pagkakataon ay hindi siya nito makakatabi sa pagtulog. Simula kasi nang magdalawang taon na gulang si Mandie ay palagi na itong katabi ng kanyang lola kapag natutulog.

Malapit ang loob niya sa kanyang abuela dahil sa spoiled siya dito. Palagi siya nitong sinasamahan na mamasyal sa kabukiran na nasa likuran lang ng kanilang malaking bahay. Minsan naman ay ipinagsusungkit siya nito ng mga prutas sa taniman nila.

"Hindi na po, inay. Nasasanay na si Mandie sa inyo. Wala na nga si Dino, pati ba naman akong sarili niyang ina ay hindi niya makakasanayan na kasama." Si Dino ay ang kanyang ama na namatay noong tatlong taon na gulang siya. Natagpuan na lang itong walang buhay sa gitna ng palayan.

"Kung iyan ang iyong nais, Chanda. Sige, sa silid mo na matutulog si Mandie..."

At nang gabing iyon ay sa tabi ng kanyang ina siya natulog. Nakatulugan na lang niya ang pag-iyak habang yakap ang kanyang paboritong teddy bear na binili ng kanyang Lola Amparo sa peryahan noong nakaraang taon.

Ang pagtulog ni Mandie ay naantala nang maramdaman niya ang mabibilis napagyugyog sa kanyang balikat. "Mandie! Gumising ka! Gising!"

Nang imulat niya ang kanyang mata ay nakita niya ang kanyang ina.

"Bakit po, Mama?" papungas-pungas na tanong niya.

"Aalis tayo." Pabulong na sagot nito.

"Saan po tayo pupunta?"

"Basta! Sa malayo."

Nakita ni Mandie ang isang travelling bag na nasa paanan niya. Mukhang totoo nga na aalis sila. Pero bakit naman kaya gabing-gabi pa?

"Si Lola Amparo po, kasama natin?"

Hindi siya sinagot ng kanyang ina bagkus ay kinarga na siya nito sabay bitbit ng travelling bag. Nagmamadali na lumabas sila ng silid na iyon.

"Mama, si lola..."

Wala pa rin siyang nakuhang sagot. Palabas na sila ng bahay. Narating na nila ang kotse na ginagamit nila kapag nagpupunta sila sa bayan. Malayo kasi sa kabihasnan ang bahay nila at wala silang kapitbahay.

"Mama, si lola..." Pangungulit pa niya. Hindi siya mapakali hangga't hindi niya nakikitang kasama nila sa pag-alis ang Lola Amparo niya.

Wala pa ring sagot. Nakaupo na ang kanyang ina sa driver's seat. Sa backseat siya nito inilagay kasama ng travelling bag na dala nito kanina.

"Mama, si lola!" sumigaw na siya.

Bigla siyang nilingon ng kanyang ina. "Tumigil ka na, Mandie!" saway nito sa kanya.

"Bakit hindi natin kasama si lola? Gusto ko kasama si lola!"

"Hindi natin siya pwedeng isama!"

"Pero bakit, mama? Kawawa naman si lola! Mag-isa na lang siya!"

"Hindi sabi pwede!"

"Bakit nga po?!"

"Dahil... dahil... dahil siya ang pumatay sa papa mo!"

-----***-----

AbuelaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon