"Nakikiramay kami," mahinang sabi ni daddy, tinanguan naman agad siya ni More.

Agad na hinanap ng mga mata ko si Taguro, agad din akong nagulat nang makita kong nakatingin na siya sa 'kin. Nananatiling nakaupo at walang emosyon. Ang lahat ng nadarama niya ay makikita lang sa mata. Mga matang namumugto at nangingitim ang buong palibot, mapungay at walang buhay. Mula sa layo namin isa't isa ay nakita ko rin ang panunuyo ng mga labi niya. Ang nagdaang dalawang araw na yata ang pinakamabilis na panahon para pabagsakin ang katawan niya.

Agad kong naramdaman ang lungkot nang mapagmasdan ko nang tuluyan ang kabuuan ni Taguro. Ang pagkakakunot ng kaniyang noo ay hindi gaya ng dati na animong may kaaway lang. Ngayon ay lungkot ang dahilan nang pagkakakunot niyon. Pakiramdam ko ay nawala ang sakit ng katawan na ilang araw ko na ring iniinda pero lahat nang iyon ay lumipat sa puso ko. Nakakalungkot.

Naaawa ako sa kinahinatnan ng Chairman, hindi pa rin mawala sa isip ko ang kaniyang hitsura. Maging ang nangyaring pagsabog ay naaalala ko pa. Ni hindi na namin nagawang ibaling ang buo naming atensyon sa pagsabog ng gusali dahil sa mga bombang nakatamin doon. Ni hindi kami nagawang matinag nang malakas na pagsabog na iyon sa kinasasadlakan namin nang oras din na iyon. Lahat kasi kami ay hindi makapaniwala sa pagsabog sa sasakyang kinaroroonan ni Chairman Moon. At hanggang sa ngayon ay napakahirap paniwalaang wala na talaga ang Chairman.

Napakaganda nang pagkakangiti niya no'n... May you rest in peace, Chairman Moon. We will never forget you. Napapikit ako sandali dahil sa sinabi ko sa isip.

Napabuntong-hininga ako pero pakiramdam ko ay lumaylay na nang tuluyan ang mga balikat ko at hindi ko na iyon maiangat pa. Hindi ko maintindihan kung alin ang dapat kong maramdaman habang nakatingin kay Taguro.

Nang sa hindi inaasahan ay mabilis na nangilid ang mga luha niya. Mabilis na namula ang kaniyang mga mata at kasunod niyon ay ang pagbagsak ng mga luha. Gano'n din kabilis na nanlabo ang mga mata ko at bago pa man ako mahawak sa kaniya ay nakalapit na ako.

"Babe..," bulong ko sabay yakap sa kaniya.

Hindi niya nagawang yumakap sa 'kin pero nang ihilig niya sa balikat ko ang kaniyang ulo ay parang nasalo ko ang buo niyang mundo. Parang napakabigat gayong magaan naman. Nararamdaman ko ang bigat nang dinadala niya nang hindi ko nakikita.

Walang salitang namutawi sa kaniya pero sapat na ang mga iniluha niya para maramdaman ko ang lungkot at sakit na kaniyang nadarama.

"Nandito lang ako, Taguro. Nandito lang ako," mahinang sabi ko habang yakap at hinahaplos siya sa likuran.

Hindi ko alam ang sasabihin. Naninikip ang dibdib ko at nakakaramdam ng awa para sa kaniya at gano'n na rin sa namayapang senyor. Ngunit sadyang hindi ko alam kung sa anong tamang paraan siya aaluin. Napipipi ako sa nga dapat na sabihin para mapagaan ang loob niya kahit papaano. Hindi ko tuloy maiwasang samaan ng loob para sa sarili dahil hanggang dito ay inutil ako sa mga dapat kong gawin na makatutulong para hindi na masaktan si Taguro.

"Napakahirap tanggapin, Deib," mahinang sambit niya, napabuntong-hininga ako at lalong humigpit ang pagkakayakap sa kaniya. "Hindi ko alam kung paano ko 'to matatanggap."

"Babe..." Wala akong nasabi kundi iyon saka muling yumakap nang mahigpit sa kaniya.

Humiwalay siya sa 'kin. "Ang sakit-sakit," kahit hindi niya sabihin ay iyon ang nararamdaman ko mula sa kaniya. "Mas gugustuhin ko pang pumanaw siya dahil sa sakit kaysa ganito. Naiisip ko pa lang kung ano ang naramdaman niya nang sandaling sumabog ang sasakyang iyon..." Yumuko siya, naitakip ang isang palad sa mga mata saka humagulgol ng iyak.

Agad kong nahawakan ang isa niya pang kamay. Paulit-ulit ko iyon pinisil. Nararamdaman ko ang panginginig niya at hindi ko alam kung dahil ba iyon sa galit.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon