"Tigilan mo ako!" Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Nahablot ko ang baril mula sa aking likuran at deretso iyong itinutok sa kaniya.

"Pein..." Nadinig kong usal ni Randall.

Nanatili ang paningin namin ni Maxpein sa isa't isa. Tahimik siyang nanggigigil at gano'n din naman ako. Gusto kong purihin ang abilidad niya, hindi man lang siya nagitla sa ikinilos ko. Hindi man lang siya kinabahan sa baril na hawak ko.

"Ilalagay kita, kasama ng dalawang bata, sa iisang bangka. Lulubog ito anumang oras at isa lang ang maisasagip mo. Sino ang pipiliin mo," gitil kong sabi habang ang baril ay itinututok kay Maxpein.

"Cargosin, please! I am begging you!" palahaw ni Randall sa likuran ko ngunit hindi ko siya magawang pansinin.

Humakbang ako papalapit sa walang kilos na si Maxpein. "Sino ang pipiliin mo, Maxpein?"

Lumapit at lumuhod si Randall sakin, at halos halikan ang sementong kinatatayuan ko. "Parang awa mo na, Cargosin. Nakikiusap ako sa 'yo! Nagmamakaawa ako! Handa akong pagdusahan ang lahat, ibigay mo lang sa 'kin ang anak at kapatid ko!" muling pagsumamo niya.

"Sino ang pipiliin mo!" halos mabaliw na sigaw ko nang tuluyan akong makalapit kay Maxpein. Deretso kong itinutok sa lalamunan niya ang baril.

"Bakit pa ako mamimili kung kaya ko namang sagiping pareho?" singhal niya.

Huli na nang makita ko ang pagkilos niya! Higit na huli nang lahat bago ko maramdaman ang mga kamay niyang gumapos sa kamay ko kung nasaan ang baril. Pinilipit niya ang braso at pulsuhan ko at sa pagitan ng ilang segundo ay nagkapalit kami. Siniko niya ako upang tuluyang maagaw ang baril sa akin. Ang isa ko pang braso ay hinawakan niya nang sobrang higpit at siyang mismong isinuntok sa 'kin!

Mierda!

"Maxpein!" sigaw ni Eerah ngunit walang pumansin sa kaniya.

Nagawa kong makita si Maxpein ngunit hindi ang mga galamay niya nang mabilis niyang iikot ang sarili kong braso at isakal 'yon mismo sa 'kin. Kikilos sana ako paikot, sa gawing kapareho nang pagkakaikot niya ngunit nagawa niya rin iyong mabasa dahil padulas niyang pinaikot ang baril sa kaniyang palad at nang mahawakan ang puno niyon ay biglang inihampas sa batok ko ang hawakan! Sa pagitan ng isang segundo ay nararamdaman ko na ang malamig na bibig ng baril sa aking sentido. Maging sa isip ko ay hindi ko maidetalye ang mga kilos niya sa sobrang bilis. Sa aking paningin ay para iyong hangin.

"Buhay sa buhay, hindi ba?" Kahit ano pang pilit ni Maxpein na pakalmahin ang tinig ay hindi na siya nagtatagumpay. Nagkukumawala na ang galit sa kaniyang katawan at nasisiguro kong dahil iyon sa dalawang batang pinahihirapan namin.

"Let him go! Hindi ako magdadalawang-isip na kitilan ng buhay ang mga batang ito, Maxpein, I am warning you." Si Eerah na kanina pa ma'y gigil na gigil na rin.

Hindi ko magawang kumilos. Bagaman ang galit ko ay patuloy sa paglago, wala akong magawa. Kahit anong kilos ko ay nagagawang basahin ni Maxpein. Anumang galaw ko ay nagagawa niyang isahan na para bang lahat nang iyon ay nakasanayan niya nang makita sa akin. Sa huli ay ako ang nabibihag at nasasaktan.

"Hand me the kids and I'll let this evil go. Walang alinlangan ko ring kukunin ang buhay ni Cargosin bilang kapalit, Eerah, I am telling you." Ginaya ni Maxpein ang nagbabantang tono niya.

Naramdaman kong ipinuwesto ni Maxpein ang bibig ng baril sa mismong gitna ng sentido ko. Na para bang nakakalkula niya ang layo ng bibig niyon mula sa aking utak. Naramdaman ko ang hininga niya nang ilapit ang sariling bibig sa aking tainga.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Where stories live. Discover now