Hindi siya nakasagot dahilan para lalo akong mapangiti habang nakatingin sa kaniya. Sa ganoong paraan kasi ay nadaragdagan ang tuwa ko dahil nakikita kong lalo siyang nagagalit. Pero natinag ako nang maramdaman kong may humawak sa paa ko. Nang magbaba ako ay naroon ang hirap na hirap na gumapang na si Randall. Mababasa ang matinding pagsusumamo at pagmamakaawa sa mukha niya. Ngunit gaya ni Maxpein Moon ay nginisihan ko lang siya at saka ko siya tinadyakan.

"Parang awa mo na, Cargosin!" lumuluhang sigaw ni Randall bagaman mahihimigan pa rin ang galit. "'Wag mong idamay dito ang mga bata!"

"Mukhang nakabawi ka na sa hirap at panghihina kahit papaano, ano, Randall?" nakangisi kong tugon.

Nilingon ko ang dalawang bata, gano'n na rin sina Christian at Eerah Anitha na nakasakay sa sasakyan kung saan nakagapos ang mga ito. Tumango ako na naging hudyat sa sabay nilang pagbaba.

Bahagyang iginilid ni Maxpein ang mukha, sa ganoong paraan binati ang presensya ng dalawa. Tumingin na naman siya sa akin matapos niyon. Seryosong-seryoso siya, walang mababasang emosyon sa kaniyang mukha.

"Hindi mo na ba kayang magyabang kaya puro pananahimik ka na lang?" napapangisi na ako hindi ko pa man natatapos ang tanong. "Nakita mo na't lahat ang mga bata, wala ka pa ring ginagawa. Diyan ako hindi nasanay, Maxpein."

"Kuya!" humahagulgol na sumigaw ang nakababatang kapatid ni Randall at kasabay niyon ay nangibabaw bigla ang nakabibinging pag-iyak ng paslit na bitbit nito.

Sabay-sabay kaming napalingon sa dalawang bata. Kaunti na lang ay mabibitawan na ni Rhumzell si RD. Mahuhulog na ang paslit at una ang ulo.

Napakilos si Maxpein papaharap sa mga ito. Ngunit hindi niya pa rin malaman kung ano ang gagawin. Nangunot ang noo niya pero awa ang mababasa sa mga mata niya. Ang bibig niya ay kumikibot-kibot pero hindi bumubuka para magsambit ng salita.

"Cargosin, nakikiusap ako sa 'yo!" Hindi ko napansing unti-unti nang nakakabangon si Randall bagaman hindi pa rin magawang tumayo para lumapit sa 'kin. "Pakawalan mo ang dalawang bata! Ako na lang!"

"Gunggong," pabulong kong singhal.

Kung pakakawalan ko ang dalawang iyan at haharapin ko kayong pareho ni Maxpein, ano sa tingin mo ang aking laban? Inutil!

Sa halip na sagutin siya ay hinarap ko si Maxpein na noon ay nakatanaw pa rin sa dalawang bata. "Ano ang gagawin mo, Maxpein Moon?" Tiningnan niya ako, ngumisi naman ako.

"Pakawalan mo ang dalawang bata." Hindi ako makaramdam ng takot sa paraan niya ng pag-uutos. Wala man lamang himig pakikiusap sapagkat nandoon ang awtorisadong tono.

Umiiling akong humalakhak. "Hindi mo talaga naiintindihan nang lubusan ang aming pakay para gawin ito, ano? Kung ganoon kadali kong ibibigay ang mga bata, ano pa ang saysay nang paghihirap naming makuha sila?" sinabi ko iyon sa paraan na para bang pilit ko iyong ipinaiintindi sa kaniya. "Pinaghirapan naming dakipin ang mga iyan, kaya paghirapan ninyong bawiin!"

"Cargosin, nakikiusap ako sa 'yo! Gagawin ko ang lahat!" Isinigaw niya iyon sa pagitan nang pag-ubo.

Naupo ako sa harap niya at dinakma siya sa panga. "Simple lang ang sinabi ko sa iyo kanina, hindi mo pa nagawa. Ngayon ay sinasabi mong gagawin mo ang lahat? Hangal!" pabato ko siyang binitiwan. "Sinabi kong huwag kang magsasama, hindi ka nadala sa banta!"

"Please, let them go!" pasigaw niya uling utos.

Doon ko na hindi napigilan ang galit. Kung mag-utos at makiusap sila ay para bang ganoon nila kami kadaling mapasusunod. At sa paraan nang pagkakatitig sa akin ni Maxpein ay para bang pinagbibigyan niya lang ako sa ganitong sitwasyon dahil paniguradong pahihirapan niya na naman ako kapag nagsimula na siyang kumilos. At lalo akong nagagalit dahil sa naiisip kong iyon. Gayong nararamdaman ko pa sa mukha at magkabilang balikat ko ang sakit nang pagkakasipa niya sa akin kanina lang.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon