Kabanata 9

453 14 4
                                    

Discreet Daisy

NATASHA

Pinagbihis ako ni Roy nung makauwi siya mula sa meeting. Meron daw kaming dadaluhang church event nang alas-dos.

"Dedication ng anak ng churchmate ko."

"Ano po yung dedication?"

"Sa Katoliko, 'di ba, may binyag?"

"Ah. Gets."

Sa passenger seat ako sumakay, maya't mayang napapatingin sa side mirror. Ang kyut kasi ng suot ko e. Kumportable pa. Casual dress na mint green, yung sleeves hanggang siko. Minsan lang ako makaporma ng ganito. Hindi naman kasi ako pala-attend ng mga formal events, o kahit anong events. Inaamin kong hindi rin ako palasimba. Pumupunta lang ako nun sa simbahan kapag napagsasabihan ni Nay e bihira niya akong yayain. Siguro gusto niya din yung may kusa.

"Tigilan mo nga yang kakatingin sa sarili mo. Ang narcisstic ng dating." Natawa si Roy.

Nawala ang kilig ko. Uminit ang pisngi ko't tinitigan ko siya. "Wala pong basagan ng trip."

Dumating kami ni Roy sa isang maliit na apartment. Hindi ko in-expect na 'to ang simbahang sinasabi niya. Kala ko katidral. Nakabukas ang pinto kaya dire-diretso kaming pumasok. Madaming Monobloc na iba-iba ang style, laki at kulay. Lahat nakaharap sa isang parang stage kung san may nakatayong matandang lalaki. Naka-polo shirt siya at nakahilig sa may pulpito kung saan nakadugtong ang mic, tila may binabasa.

Siksikan sa loob. Maraming nagpapaypay. Mainit kahit naka-aircon. Amoy na amoy ang halu-halong pabango't pawis ng mga tao. May mga bilog na kulay orange na hinaluan ng violet at dumribol-dribol sa dakong kaliwa ko. Medyo nakakahilo. Hindi ko gusto yung ganito kadaming tao sa napakaliit na lugar. Buti na lang sa pinakalikod kami umupo ni Roy kasi 'yon na lang ang parteng bakante. Malapit sa exit.

"Tayo ngayon ay nagsamasama," simula ng lalaki, "para ipagdiwang ang buhay na ibinigay kay Zoe Yerusha Dimayuga.'

"Bawat isa sa atin ay nilikha sa imahe ng Dakilahat, at hindi naiiba si Zoe."

Isa sa rason kung bakit hindi ko trip sumimba ay hindi kasi benta sakin ang ideya ng relihyon. Hindi ko maintindihan kung paano nakakapagbigay lugod sa Dios kuno ang pagtitipun-tipon para lang magdasal at kumanta, magbasa ng sagradong librong sinulat ng tao. Minsan meron pang pagluhod sa harapan ng mga estatwang gawa sa kahoy o porselana, ta's makikita mo sa news palaging ang mga 'to pa ang kailangang isalba pag may sunog. Walang kapararakan para sakin.

Pero naniniwala naman ako sa Diyos. Nananalangin ako minsan at sumuslyap sa Biblya.

Patuloy na nagsalita ang lalaki kung paano siya natutuwa at naisipan ng nanay ni Zoe na i-handog siya sa Maylikha. Ako naman ay sinimulang paglaruan ang rosaryo kong suot, ramdam ang mabibilis na pagsulyap ng ilan sa isang babaeng ngayon lang nila nakita.

"Ngayon ay tinatawagan ko ang ina ni Zoe para bitbitin siya rito sa harapan."

Isang babae ang lumapit sa nagtuturo, bitbit ang munting sanggol.

"Pati na din ang mga tatayong ninong at ninang ng batang ito."

Tumayo si Rolando at sinundan ko siya ng tingin habang papunta sa harapan. Pansin ang pagtindig niya sa may pinakagilid. Malayo sa iba. Napakaseryoso ng mukha niya. Ni hindi man lang siya ngumingiti.

Hiniling ng nagtuturo na lahat ay tumayo at manalangin. Nakisama ako't pinikit ang aking mga mata.

Nang matapos ang pagpapala at dasal para kay Zoe muling bumabalik ang lahat sa kani-kanilang mga upuan maliban kay Roy. Nakita kong kinausap siya ng ina ni Zoe para umupo sa tabi nila siguro.

The Missing FrameWhere stories live. Discover now