Nagliparan ang mga papeles sa paligid namin. Hawak ko ang kanyang palapulsuan at gulat niya akong tiningnan.

"Kamuhian mo na ako," pakiusap ko sa kanya.

Hindi siya nagsalita.

"Parang awa mo na." Yumuko ako. "Eyha, kamuhian mo na lang ako. Magtanim ka ng sama ng loob. Kagalitan mo ako hanggang gusto mo na akong layuan." Hinigpitan ko ang kapit sa kanya. "Wag mo na akong mahalin."

Nag-usap ang mga mata namin. Ang mga asul kong mata sa kanyang dilaw-berde.

"Bakit?" bulong ko. "Bakit sa kabila ng lahat, hindi ka pa rin nagbabago?"

"Dahil hindi ko kaya," nagmamakaawa ang boses niya.

"Kaya mo! Pinipigilan mo lang ang sarili mo!"

Lumuhod siyang muli sa sahig at nagpulot ng mga papel. Sinamaan ko siya ng tingin. Tahimik niyang inaayos ang mga papeles habang lumuluha.

"Hindi kita mamahalin, Eyha. Hindi ko kaya. Hindi ko-- Hindi ko siya malimot. At hindi ko siya makakalimutan kahit ano pang gawin mo," sabi ko sa kanya na may diin.

Tila hindi niya ako narinig.

"Eyha, magkaibigan tayo. Ngunit hindi kita kayang tingnan bilang isang babae."

Ayaw niya akong pakinggan.

"Wag mo na akong mahalin, Eyha."

"Hindi ko kaya," mahina niyang sagot.

Lumuhod din ako at kinuha ang kamay niya. "Tumigil ka na-"

"HINDI KO NGA KAYA!"

At ako naman ang natigilan sa kanya. Puno ng paghihinagpis at paghihirap ang basa niyang mukha. Humagulgol siyang tumitig sa'kin, ang mga papel ay nababasa ng mga luha niya.

"Alam ko," sabi niya sa basag na boses. "Alam kong hindi mo ko magagawang mahalin. Alam kong si Iris ang iniisip mo tuwing magkatabi tayo, o magkahawak ang kamay o nung gabi pagkatapos ng kasal. Alam kong siya ang laman ng puso mo at hindi ko siya matutumbasan-" Yumuko siya. "-Hindi ko hinihiling na mahalin mo 'ko."

Tinakpan niya ang mga mata gamit ng braso.

"Hinihiling ko lang na hayaan mo kong mahalin ka. Kasi hindi ko kayang tumigil. Simula noon, hanggang bukas... Hindi ko kaya. Hindi ko kaya--"

At hinila ko siya palapit sa'kin upang yakapin.

Kumapit siya sa'kin at iniyak lahat. Nalukot ang mga papel sa ilalim namin ngunit hindi ko iyon alintana. Ngayon ang nararamdaman ko ay sakit. Dahil muntik nanamang mawala ang isang mahalagang tao sa buhay ko.

"Shh, patawad... Patawad, Eyha." bulong ko habang hinahaplos ang kanyang buhok. Dahan-dahan ko siyang inugoy upang tumahan, nakikinig lang sa kanyang pag-iyak. At naalala ko sa sandaling iyon ang una naming pagkikita.

"Uy, bakit ka umiiyak?" tanong ko nang makita ko siya sa ilalim ng puno malapit sa pier ng Luna. Masyado akong natuwa dahil unang beses kong makapunta ng islang iyon.

Paraisla i: PangakoWhere stories live. Discover now