"Tungkol saan?" tanong ko.

Sumilip siya kay Cixi at ang kapatid ko naman, mukhang natumpak na kung ano ang gustong mangyari ng Reyna. "Ah. Oo. Sige, mauna na ako. May naaalala akong kailangan kong gawin. Hehe."

Binuhat niya ang palda ng bestida at saglit na bumulong kay Eyha. Tumawa nang mahina ang Reyna at tumango-tango, saka binigyan ako ni Cixi ng isang tingin na nagsasabing 'Umayos ka'

Naiwan kami ng Lunaian sa hardin.

Umupo kami sa palibot ng maliit na mesa at pinanood ko siyang pigain ang kanyang mga kamay. Ginagawa lamang niya iyon kapag may problema siya o di kaya'y may ipagtatapat. Ngayong kami na lang dalawa, napansin ko ngang pinagpapawisan siya.

"May problema ba?" malumanay kong tanong.

Para siyang nabigla sa sinabi ko ngunit yumuko din agad. "Kasi..." Kinagat niya ang kanyang labi. "Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa'yo. Um, nagpunta kasi ako sa pagamutan kanina."

"Sinubukan mo nanaman bang magluto?" Tinaasan ko siya ng kilay.

Umiling naman siya kaagad. "Ah, hindi!"

Nakahinga ako nang maluwag. Noong sinubukan niyang tumulong sa kusina, muntikan lang masunog ang lugar. Hay, mabuti at kaunting paso lamang ang natamo niya noon.

Dumako ang mga mata ko sa peklat niya sa kanyang braso-- isang palatandaan ng bangungot na hinarap niya noon kay Caleid. Nang mapansin niyang nakatingin ako doon, marahan niyang inusog ang manggas upang matakpan iyon.

"Sabihin mo na ang gusto mong sabihin," naiinip kong turan.

Lumunok siya at inilayo ang tingin. Hindi ko maintindihan kung ano bang nagawa niya upang matakot sa'kin ng ganito. Meron bang masamang balita? Meron ba siyang kasalanan? Ano?

Nanginginig ang kanyang boses nang magsalita siya.

"Buntis ako."

Ako'y kumurap.

At hinintay na bumalik ang oras pati na ang mga salitang iyon. Hinintay kong humingi siya ng paumanhin at sabihing nagbibiro lamang siya. Hinintay kong magising ako sa mga panaginip kong masasama at sumigaw. Ngunit hindi. May namumuong mga luha sa mga mata ni Eyha habang unti-unting kumukunot ang aking noo.

"Ah," bulong ko.

Inaasahan ko na ang balitang 'to. Inaasahan ko na. Ngunit hindi ko alam kung bakit ganito na lang ang nararamdaman ko ngayong dumating na.

"P-Patawad," naiiyak niyang sabi.

Hindi ko pinili ang buhay na 'to. Hindi ko pinili ang maipakasal kay Eyha at magkaroon ng tali sa aming dalawa. Dahil wala sa kanya ang puso ko. 

Wala.

"Kailangan mo siyang pakasalan," sabi ni Val sa'kin pagkatapos ng rebelyon. "Kayo ang magiging mga simbolo ng pagbabago. Kayo ang magiging Reyna at Hari."

"Pero," sinubukan kong tumanggi pero hinawakan niya ako nang mahigpit sa balikat.

"Hindi ito isang pakiusap; ito ang trabaho mo, Lax. Ito ang obligasyon mo."

Paraisla i: PangakoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon