Ortigas

8 0 0
                                        

Umalis syang nagmumuni muni sa tinitirhan nya. Sa araw na iyon, makikita nya ang anak nya at apong matagal nang itinago sa kanya. Hindi nya alam ang dahilan, kung bakit sa araw na iyon napili ng kanyang anak na makipagkita. Sa MOA ang tagpuan nila. Nalaman nyang kasali pala sa isang patimpalak ang kanyang apo. Malamang minabuti na rin ng kanyang anak na gamitin itong dahilan. Naisip nyang ayos na rin na iyong araw na iyon ang pagkikita nila kaysa sa magtagal pa ang hindi nila pag-uusap.

Hinihingal syang nakarating sa taas ng estasyon ng MRT. Hindi na nya sinubok na gamitin ang elevator dahil sa ayaw na naman nyang makulong sa loob nito. Kung sakaling mangyayari iyon, may tyansang hindi sya makarating sa takdang oras ng pagkikita nila ng kanyang anak. Malamang ay gagatong na naman ito sa atraso mga atrasong nakalista sa pangalan nya. Iniisip pa rin nya kung handa na ba syang patawarin ng kanyang anak o pansamantala lamang ang pagbabati nila dahil sa hiling ng apo na makilala sya.

Dumiretso sya sa unang bintana na bilihan ng ticket kung saan sakto ang kailangang ibayad. Minabuti nyang dito dumiretso dahil sa sobrang bagal magsukli ng mga taong nag-aabot ng ticket. Uunahin pa nila ang pakikipagkwentuhan sa kasamahan bago iabot ang kailangan mo. Sa tapat ng Window 1, nakita nya ang isang binatang, malamang ay nasa kolehiyo base sa kanyang tangkad, na naghahalughog sa kanyang mga kagamitan.

"Saglit lang po ah, alam ko meron pa rin talaga akong barya dito," sabi nito sa nagbabantay na medyo nagiinit na ang ulo at nawawalan na ng pasensya.

Iniabot nya ang limang pisong dala nya sa binata. "Ito, ibayad mo na, baka bugahan ka pa ng apoy nyang naghihintay," sinabi nyang nakangiti.

Nagulat ang binata pero agad rin namang ngumiti. "Thank you po," sabi nya, "Pero piso lang po ang kulang ko".

"Pasensya na," dinukot nya ang kanyang pitaka sa kanyang bulsa at saka kumuha ng piso. "Ito, hijo."

"Salamat po," Sabi ng binata. "Ibabalik ko po sa inyo iyon."

"Hindi na kailangan,"sabi nya.

Nang makuha na ng binata ang kanyang ticket, sya naman ang humarap sa bintana. "Isang Taft," Ang sabi nya at saka iniabot ang bayad. Akma na syang aalis nang tawagin sya ng bantay sa bintana.

"Lolo,"sabi nito, "kulang po ng piso ang bayad nyo."

"Saglit lang ah,"ang sabi nya nang may ngiting nagtatago ng pagkapahiya. Anak nang tinapa, hindi ko na dapat pala binigay sa batang iyon ang piso ko. Ang nasabi nalang nya sa isip habang naghahanap ng piso sa kanyang bulsa o pitaka.

"Kailangan nyo po ba ng tulong?" Sabi ng tinig sa kanyang likuran. Lumingon sya at nakita nya ang isang dalagang malamang ay nasa kolehiyo lang rin. Sya ang tipo ng bata na kung titingnan ay hindi matutuwa ang magulang sa kanyang ayos. Bagamat hindi naman sobrang ikli o kinapos ng tela ang kanyang kasuotan, maiisasabit pa rin ang katawagang "rebelde"sa kanya. Ayaw na sana nyang humingi ng tulong sa batang ito, ngunit wala na rin naman na syang magagawa. "Magkano po ba ang kulang," tanong nito sa nakabantay sa bintana.

"Piso,"ang sabi nito.

"Tsss. Piso lang naman pala, bakit hindi mo nalang abunohan?" Napailing sya at saka dumukot ng piso sa kanyang pitaka. "Heto."

Napatingin sya sa dalagang nag-abot ng piso para sa kanya. Totoo nga ang una nyang hinala, na may pagka-rebelde nga ito. Ngunit nararamdaman rin naman nya na sya ang tipo ng kabataan na hindi pumapasok sa gulo. Malamang ay hanggang sa pananamit lamang nya iyon. At napangiti sya. "Salamat, hija." Ang sabi nya.

"Wala po iyon,"ang sabi nito. "Isang Taft."

Sinabayan sya nito sa pagpasok sa platform at sinamahan rin sya sa pag upo sa mga nakaabang na upuan sa unahan ng estasyon. "Ano nga palang pangalan mo?" Tanong nito sa dalaga.

"Kim. Kayo po?" tanong nito sa kanya.

"Efren,"ang sabi nya. "Pero pwede mo naman akong tawaging Tatay dahil sa mas matanda ako sa iyo."

Ngumiti lamang si Kim. "Halos kasing tanda nyo na po siguro yung lolo ko kung sakali."

"Halos? Bakit halos? Hindi ba kami magkasingtanda?"

"Baka po. Kaso kasi namatay na sya. Bata palang ako. Wala na akong lolo o lola ngayon. Saan po ba kayo pupunta?"

"Sa MOA". Nakita ni Efren na parang nagulat sa kanya ang dalaga. Malamang ay iniisip nitong bakit sya gumagala ng mag-isa. "Makikipagkita ako sa anak at apo ko doon."Ang sabi nya. "Ikaw ba? Saan ang punta mo?"

"Sa MOA rin po. Gusto ko lang tumambay sa dagat,"ang nakangiti nitong sagot sa kanya.

"Akala ko'y tutugtog ka doon,"ang sabi ni Efren sa kanya sabay turo sa dala ni Kim na kulay itim na lalagyanan. "Flute?"

Tumango si Kim. "Sa totoo lang po, ibebenta ko na sana ito. Naisip ko na susubukan ko muna sya ulit gamitin bago ipagbili."

Sa wakas ay dumating na rin ang tren. Sabay silang tumayo at saka pumasok sa pinakaunang pintuan. Inalalayan sya na umupo ng dalaga sa upuan na pinakamalapit sa pinto. Nagpaalam ito sa kanya at saka tumungo sa bandang gitna, sa pagitan ng dalawang bagon, sumandal at saka tinakpan ng headphones ang tenga. Napansin nyang tumingin ang dalaga sa bintana, ngunit alam nitong nakatingin ito sa kawalan.

Napabuntong hininga na lamang si Efren at saka napatingin sa pasaherong nakaupo sa harapan nya. Isang binatang mukhang abala sa pagtitig sa isang bagay na paulit ulit na pumupukaw ng kanyang atensyon. Ang ganoong uri ng pagtitig ay mahirap ikubli ang sinasabi. Sinitsitan nya ito at agad naman itong tumingin sa kanya. Sinenyasan nya at saka lumapit at umupo sa sahig katabi nya.

"Alam mo bang sya ang nagbayad ng utang mong piso sa akin?" Ang natatawa nyang ibinulong sa binatilyo.


You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Sep 19, 2015 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Silang Mga NaghihintayWhere stories live. Discover now