Watawat ay Igalang Sapagkat Ito'y Sagisag ng Pambansang Kalayaan at Pagkakaisa

9.5K 5 0
                                    

Mayroon akong katanungan na nangangailangan ng inyong kasagutan. Nararamdaman n’yo bang malaya kayo? Kung oo, marahil ay pinahahalagahan n’yo ang pagsisikap ng mga tao noon upang makamit n’yo ang kalayaang tinatamasa n’yo ngayon. Kung hindi, marahil ay hindi bukas ang inyong isipan upang tanggapin ang demokrasya. Upang kayo’y maliwanagan, pahapyaw kong isasalaysay ang pinagmulan ng sagisag ng kalayaan – ang watawat.

Si Emilio Aguinaldo ang unang nakaisip gumawa ng bandila. Sina Marcela Agoncillo, Lorenza Agoncillo at Delfina Herbosa ang nagtahi ng unang watawat sa Hong Kong. Mas marahan ang kulay asul nito kaysa sa kasalukuyan, may walong sinag at may mahiwagang mukha.

Ang tatsulok ang nag-iisang sagisag ng Katipunan na sa pamamagitan ng pagsasanib ng dugo ay nakapanghikayat sa mga Pilipino na mag-alsa. Ang tatlong bituin ay kumakatawan sa mga pulo ng Pilipinas: Luzon, Visayas at Mindanao. Sa halip na Visayas, Isla ng Panay ang sumisimbolo sa isang bituin. Ang walong sinag ng araw ay kumakatawan sa walong lugar na naghimagsik sa mga Kastila: Maynila, Cavite, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Laguna at Batangas.

Ang katuturan ng mga kulay ay ang mga sumusunod: ang puting tatsulok ay sumisimbolo sa pagkakapantay-pantay at kapatiran; asul para sa kalayaan, katotohanan at katarungan; at pula para sa kabayanihan at kagitingan. May nagsasabing hinalintulad ang watawat sa bandera ng Cuba na nakikibaka rin para sa kalayaan mula sa Espanya noong panahong iyon.

Ang lilim na bughaw na ginamit sa watawat ng Pilipinas ay naging paksa ng kontrobersya ng halos siyamnapung taon. Mula 1920 hanggang 1985, ang lilim ay navy blue. Inutos ni Pangulong Marcos na baguhin ito sa lilim na sky blue katulad ng lilim na ginamit sa watawat ng Cuba. Maliwanag na inilahad ng mga opisyal na lilim ay “malabong bughaw” o madilim. Sumang-ayon ang mga historiador na ang tinutukoy ay malalim na lilim kaysa sky blue, ngunit mas marahan naman sa navy blue. Sa ilalim ng Batas Republika Blg. 8491, inutos na ang lilim ng gagawing watawat ay royal blue.

Sa posisyon ng watawat ng Pilipinas, maaaring ipakita ang isang kalagayan ng digmaan. Kapag ang bandila ay nakabaligtad at nasa ibabaw ang pula (o nasa kaliwa kung ito’y patayo), nangangahulugang ang Pilipinas ay nakasabak sa digmaan.

Noong Hunyo 12, 1898, ipinahayag ng mga Pilipinong maghihimagsik sa pamumuno ni Hen. Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas sa Espanya. Bandang ika-lima ng hapon nung araw ding iyon, ipinahayag ni Hen. Aguinaldo, sa harap ng sambayanang Pilipino ang kalayaan ng Pilipinas sa Kawit, Cavite. Sa unang pagkakataon, ang unang watawat na tinahi ng tatlong babaeng nabanggit ay iwinagayway ni Hen. Aguinaldo.

Batid kong alam n’yo na ang kasagutan sa aking katanungan kanina. Ngayon, pinahahalagahan n’yo ba ang inyong kalayaan? Dapat lang dahil ito ang nagbibigay sa inyo ng karapatan. Kung walang kalayaan, e ‘di wala rin kayong karapatang-pantao. Ang bandila ng ating bansa ay iginagalang n’yo ba? Kung oo, bakit sa tuwing maririnig ang pambansang awit ay patuloy ang paglakad o anumang ginagawa? ‘Di ba kawalang-galang iyon sa watawat? Isa pang sitwasyon ay kapag sinabing ilagay ang kanang kamay sa kaliwang dibdib, ang iba’y nakahawak sa kani-kanilang cellphone, nakadukot ang kamay sa bulsa dahil pasimpleng kumakain o nakikipagkwentuhan sa katabi. Ang pagsunod rito ay pagpupugay sa bandila, ang sagisag ng pambansang kalayaan.

Baka inyong nakakaligtaan, ang bandera ay kumakatawan rin sa pagkakaisa ng mga Pilipino. Kung hindi sila nagkaisa noon ay hindi natin makakamit ang kalayaang ating tinatamasa ngayon. Kaya anuman ang kulay ng iyong balat, anuman ang iyong edad o kasarian, nasaan ka mang sulok ng mundo, basta ikaw ay Pilipino, huwag kalilimutang watawat ay igalang sapagkat ito’y sagisag ng pambansang kalayaan at pagkakaisa.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: May 09, 2013 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Watawat ay Igalang Sapagkat Ito'y Sagisag ng  Pambansang Kalayaan at PagkakaisaWhere stories live. Discover now