The Anonymity Game: Auditions entry.
- - -
ISINUKBIT ko ang bag sa aking likuran at nagsimula na muli akong maglakad, papauwi sa 'ming bahay. Sa daa'y nakasalubong ko ang iba't ibang uri ng tao. Mapayat, mataba, maputi man o maitim. Iba't iba ang direksyon na kanilang tinatahak. Maluwang ang kalsada, walang traffic kaya't lahat ng pribado at pampublikong sasakyan ay malayang nagsisipag-karerahan.
Sa pagod ko'y minabuti kong sumakay na lamang sa isang pampublikong dyip. Nag-iisa akong naghintay roon sa sakayan.
Sa aking paghihintay ay may natanaw akong apat na kabataan. Kasing edad ko lamang sila, pakiwari ko. Ngunit taliwas sa akin, mga lalaki sila. Apat na lalaking kapwa nagkakabiruan. Nasa kabilang kalsada sila, nakaharap sa mga umaandar na mga sasakyan. Nakaharap sa 'king direksyon.
Kumunot ang noo ko nang magsimula silang tumawid nang hindi lumilingon sa kanan at maging sa kanilang kaliwa upang masigurado na hindi sila masasagasaan. Nagtatawanan sila kaya't hindi nila napansin ang rumaragasang sasakyang papalapit. Hindi ako nagsalita, wala akong ginawa. Bagay na normal na sa labing-limang taon kong pagkabuhay.
Nahagip ng sasakyan ang isa. Naiwan namang tulala ang tatlo. At maging ako ay natulos sa kinatatayuan ko. Wala akong naramdamang kahit na ano pero hindi maitatanggi ang pagkabigla ko. Nanatili akong nakatayo't nakatitig mula sa malayo, pinanonood ang pagdami ng taong nakikiusyoso.
Kasalanan niya rin ang nangyari, iyon ang paniniwala ko. Makasarili't walang emosyon, oo nga't gano'n ako.
PANIBAGONG araw ang dumating kinabukasan. Pilit kong kinalimutan ang nangyari kahapon lamang.
"Ches!" sigaw ng isang pamilyar na tinig. Nilingon ko ito at doo'y nakita ko si Faye. Matagal na rin kaming hindi nagkikita. Isang buwan siyang hindi nagpakita sa 'kin. Isang buwan siyang hindi nagparamdam. Isa pa'y parang wala lang para sa mga teachers ang pagkawala niya.
Tatanungin ko sana siya sa biglaang pagkawala ngunit naunahan niya akong magsalita. "Nabalitaan mo ba ang nangyari kahapon? Grabe 'no? Nakakaawa. Ang sabi-sabi, na-coma raw 'yong estudyante e," tuloy-tuloy na saad niya.
"Hindi ko alam 'yon," pagsisinungaling ko. Sinabayan ko pa ito ng marahang pag-iling. Pansamantala ring nawala sa isip ko ang dapat ay itatanong ko sa kaniya.
"Nakakatakot na tuloy ngayong tumawid," dagdag niya pa. "Ikaw, hindi ka ba natatakot?" Bumaling siya sa 'kin.
"Hindi. Bakit naman ako matatakot? Nasa sa tao lang 'yon," bale-walang saad ko. "Saka, dapat ang kinatatakutan lang e 'yong mga bagay na hindi mo alam. O kaya 'yong mga limitado lamang ang alam mo sa naturing bagay." Pinagpatuloy namin ang paglalakad papunta sa klase.
"Ha? Ang weird ha? Explain nga," nalilitong sabi niya. Noong mga oras na 'yon ay natunton na namin ang silid-aralan.
"Hmm. Sabihin na nating katulad ng kamatayan. Maraming tao ang natatakot do'n dahil hindi nila alam ang kahahantungan matapos no'n," sabi ko at naupo sa upuan ko, at tumabi naman sa 'kin si Faye.
Bakit nga ba ako matatakot sa mga bagay na may kaalaman naman ako? Para 'yong kaduwagan. At alam ko sa sarili kong hindi ako duwag.
"Grabe, ang lalim no'n ha," natatawang asik niya. Nilingon ko siya at matipid na nginitian. Hindi ko talaga alam kung papaano ko naging kaibigan ang isang 'to. Napakalaki ng pinagkaiba namin. Pero hayan siya, katabi ko.
Napalingon ako sa harap nang may naramdaman akong magaan na bagay na tumama sa 'king balikat. Nang makita ko ang mga kapwa mag-aaral ko, pawa sila nagtatawanan. Mga tawang mapang-insulto.
"Baliw!" anang isa. "Nagsasalitang mag-isa!"
Ikinubli ko ang aking sarili mula sa kanila. Nagsimulang mamasa ang aking mga mata dahil sa biglaan nilang pamamato ng masasakit na salita. Sa lahat ay iyon ang nakaka-apekto sa akin nang lubos.
Naramdaman ko ang pag-abot ni Faye sa aking palad. Tumingin ako sa mga mata niya at doo'y nakita ko ang malumanay na ngiti niya. Tinignan ko siya, na animo'y nanghihingi ng saklolo.
"Hayaan mo lamang sila. Mapapagod din ang mga 'yan," aniya na nagpakalma ng looban ko.
Tumango ako. Na mas lalo pang nagpalakas ng tawanan ng mga tao sa paligid ko.
At nakita ko, ang unti-unting paglaho ng imahe ni Faye sa 'king harapan. Ngunit dinig ko pa rin ang boses niyang bumubulong sa 'king tainga.
"Harapin mo ito, Ches. Hindi mo na ako kailangan. Marami ka nang natutunan. Huwag kang matakot, tandaan mo lamang ang mga salita na nanggaling mismo sa mga labi mo." At doo'y nawala siya, ang kaibigan ko, sa akin ng tuluyan.
Nasaan na ang tapang ko? Kanina lamang ay wala akong takot o emosyon. Ngunit nakakainis, nakakainis lang na hindi ko mapanindigan ang mga binitawan kong litanya.
Ganoon ka pa rin, duwag ka pa rin, Cheska.
