Prólogo

57 4 0
                                        

Tala.

Tila ba mga maliliit na tuldok sa kalawakan ang mga tala. Mayroong iba't ibang kulay, laki, at liwanag. Nagmimistula silang mga apoy sa gitna ng dilim. Sa ibaba, ang mga alon naman ay walang humpay na gumagalaw, humahaplos sa mundo na parang may sariling himig. Magkaiba man ang anyo, ang alon at ang tala ay parehong bahagi ng iisang sayaw ng sansinukob— isa sa langit, isa sa lupa.                                             

Ngunit sa kabila ng dilim at layo ng kanilang mundo, tila pinag-uugnay sila ng isang lihim na wika. Ang alon na dumarampi sa baybayin ay parang nakikinig sa kislap ng mga tala, at ang mga tala nama'y tila sumasagot sa bawat pag-angat at paghupa ng alon. Tila ipinapahiwatig nito na kahit magkakalayo, may puwersang nag-uugnay sa lahat ng bagay, mundo, langit, at puso ng mga taong nakalaan para magtagpo.

Ang bawat alon ay parang paghinga ng panahon at ang bawat kislap ng tala ay parang tibok ng walang hanggang liwanag. At ang kanilang ugnayan ay  munting paalala na kahit gaano kalawak o kaliit ang mundo, may mga koneksyon na hindi matitinag. 

Koneksiyon na hindi kayang burahin ng distansiya.

Ngunit paano kung sa pag-ikot ng mundo o pag takbo ng oras ay hindi na magtagpo ang landas ng dalawa? Paano kung hindi na sumabay ang alon sa liwanag ng tala?

"Ika-labing kwatro ng Disyembre, taong 2001." bigkas ko habang ang aking kanang kamay ay pinapasadahan ang star chart na aking pinagmamasdan dito sa National Museum.

Nangunot ang noo ko sa nakita.

"Birthday ko 'to, ah?" Pabirong ngisi ang lumitaw sa aking labi dahil sa pagkamangha sa nakita.

Pinagmasdan kong muli ang star chart sa aking harapan. Ang mga bituin sa papel ay hindi lamang basta mga marka. May kakaibang pagkakahanay na tumutugma sa aking kaarawan kung kaya't hindi ako makapaniwala.

Ngunit mas lalo lamang nalaglag ang panga ko nang dumako ang tingin ko sa tabi nito na isang painting. Binasa ko ang nakasulat sa impormasyon sa baba.

"NGC 7023: The Iris Nebula.." bigkas ko sa mababang boses. Kung ang kanina ay star chart lamang ng Disyembre 14, 2001, ang isang ito naman ay isang painting ng mismong Iris Nebula na base rito ay kinuhanan pa noon ding parehong petsa.

Natawa na lang ako sa aking sarili ngunit nawala rin nang mapagtanto kong dumadami ang taong nais din makita ang painting.

"Celestina," nagulat ako sa baritong boses sa aking tabi. Nakatingin din siya sa painting sa aming harapan. Ang mga mata niya'y tila sinusubukang basahin ang bawat kulay, bawat linya at bawat damdaming nakapaloob sa obra.

Hindi ko naman maiwasang mapatulala sa kaniya. Hindi maipagkakaila ang kaniyang kakisigan. Matangos ang kaniyang ilong, mapula ang mga labi, at ang mga mata niya'y punong-puno ng emosyon. Bawat galaw niya ay tila nakikipag-ugnayan sa akin sa isang hindi maipaliwanag na paraan.

"H-huh?" Tanong ko.

"Celestina ang pangalan ng painting." sabi niya at bahagyang ngumiti ngunit hindi man lang ito umabot sa kaniyang mga mata.

Magsasalita na sana ako nang may humigit sa braso ko at hinila ako sa kabilang gilid. Nagpatianod ako sa hila niya nang mapagtantong ang kaibigan ko pala ito.

"Andiyan ka lang pala! Kanina pa ako naghahanap sa 'yo. Halika roon!" sabi ni Aila.

Dumarami na rin ang tao na dumadaan at paglingon ko pabalik ay hindi ko na siya nakita sa kinatatayuan niya. Tumayo kami sa gilid dahil may staff ata na magsasalita sa unahan at ipapaliwanag ang painting kanina. Maganda nga itong pwesto na pinili niya dahil sa gitna ay maraming tao at siksikan.

Por Siempre, NuncaStories to obsess over. Discover now