Babad sa uratex si Uly, ang ulo suportado ng dalawang magkapatong na Stitch pillow at travel pillow, ang katawan balot ng kumot na may print na gumamela, ang pulang Asahi naka-number 3. Sabado ngayon. Ang goal ngayon – hasain si Chun Li sa Grueling Level ng Street Fighter IV.
Matalo lang niya si M. Bison, mabubuo na ang araw niya. May inggit ba siyang nadarama kung ang iba'y lumalabas, nagdi-date, o nagsi-sine? Wala. Dahil trenta'y uno na siya, mapapagastos lang at bukod do'n, wala rin siyang jowa. Para sa kanya, mas mabuti pang magka-sore eyes kaysa makakita ng mga nagho-holding hands na bading o ano pa mang klaseng performative gesture ang uso sa panahon ngayon.
Binaling niya ang inis sa paggawa ng combo ni Chun-Li. Kabisado niya na ang controls, alam na ang kahihinatnan ng laban. Kay M.Bison lang talaga siya tumatagal. Tingin niya dinadaya siya ng sistema – na para bang kusang pinapabagal ng app ang kilos ni Chun-li maunahan lang umatake ni Bison. Bad trip din siya sa internet connection dahil tingin niya nakikipagsabwatan ito upang matalo na naman ito.
Hindi niya tanggap ang napipintong pagkatalo kaya pinindot niya ang home icon ng Vivo. May pulang numero sa itaas ng Viber. Malamang sa gc iyan ng Audit at malamang boss niya na naman ang nagse-send ng mga cringe meme sa ganitong araw. Ni-tap niya ang Viber. Kay Deanne pala.
"Hi, bestie! Sorry sa very short notice... kasal ko na mamayang five sa Imma[culate]. Pupunta ka."
'Pupunta ka.' Na para bang siya na tiga-desisyon sa buhay ko. Tuwid siyang naupo.
"Bakit last minute ka naman magbigay ng notice? May sayad ka ba? At a-akala ko next month pa!"
Sinagot ni Deanne ang tatlong katanungan gamit lamang ng ni-send na larawan – siya sa tapat ng Vanity mirror at may ngiting kay ganda.
Sinundan ito ng incoming call.
"So totoo ngang ngayon ito?" Si Uly.
"Oo, bes." Si Deanne habang nagblu-blush on.
"Alam mo kung gaano ka kaikli gano'n ka rin kaikli magbigay ng abiso."
"Saan ang thrill kung alam niyo na agad, 'di ba?"
Bumuntong-hinga si Uly at napailing. Hindi na siya nasanay. Ganito naman lagi si Deanne – parang push notification ng buhay niya. Pero ito rin ang dahilan kung bakit sila naging mag-unlikely na magkaibigan. Noong college days nila natagpuan niyang nag-iisa si Uly sa library at napagdesisyunan niyang maging magkaibigan sila. Kahit hindi naman sumang-ayon ang isa.
Bukod sa panaka-nakang sumpong ng topak, isa si Deanne sa kinokonsidera niyang totoong-tao. Kaya siguro na-inlove ang kanyang fiancé na si Kian. Wala naman siyang masamang tinapay sa lalaki. Okay na rin at least hindi na ako laging iisturbuhin ng bruha; si Kian na.
"'Di ko maipapangakong eksaktong five, ha. Kasalanan mo naman, eh."
"Keri lang, basta sa reception nando'n ka. Blueberry cheesecake ang dessert. Favorite natin!"
"Nanuhol pa talaga. Eh, sino-sino pa ba in-invite mo na kakilala ko? Baka ma-out of place ako."
"Hindi yan. Andiyan naman sina mama e. You'll be fine. See ya. Chat ko ibang details."
Ang siraulo talaga! Initsa niya ang kumot sa paanan, pinihit ng todo ang gripo sa banyo't nagkalkal ng long sleeves at pants sa travel bag.
Bakit ba big deal magpakasal? Si Uly sa kalagitnaan ng pagshashampoo. Like, in general, hindi ba enough na alam nila sa sarili na nagmamahalan sila? 'Di naman assurance ang kasal sa happy life.
"Pinagagastos lang ako ng babaeng 'to eh!" sambit niya habang nagsusuot ng medyas at naghihintay ng Angkas.
Ang consuelo niya na lang ay iyong Blueberry cheesecake at ma-exclude sa curricular activity tulad ng Bachelorette party at maging Man of Honor.
