Kabanata 5: Alger at Arun

8.1K 357 95
                                    

Copyright ©  ajeomma
All Rights Reserved

==== ==== ====

==== ==== ====

Ilang araw pagkaraang mabinyagan ang kambal ay naghakot na ang mag-anak upang makalipat sa bukid. Ilang kapitbahay ang nagkakandahaba ang leeg sa pag-uusyoso sa kanila.

"Masyado naman yatang malayo ang lilipatan ninyo. Wala kayong magiging kapitbahay doon maliban sa mga puno at malawak na sakahan. Bakit hindi na lamang kayo dumito? Kung sakaling may problema ay mas madali ang makatawag ng saklolo kung narito lang kayo sa malapit.", sabi ni Aling Guada na malapit kay Aling Dalmacia.

"Oo nga, Dalmacia. Madalang na tayo magkakakwentuhan niyan. Mananakit na ang mga rayuma namin sa layo ng dapat lakarin bago marating ang kubo ninyo.", biro naman ni Aling Pacing bagama't may lungkot sa mga mata nito.

Napangiti si Aling Dalmacia sa dalawang kaibigan.

"T'wing araw naman ng linggo ay paparine kami upang magsimba kaya magkaka kamustahan pa rin tayo.", sagot nito.

"Kaya ba kayo lalayo ay dahil sa mga makakating dila na bumibiro sa isa mong apo? Kuu, hindi mo na lang sana dinidibdib ang mga taong iyon. Mga wala lang magawa ang mga iyon kung kaya naging bisyo na ang gawing paksa sa usapan ang buhay nating lahat.", wika ni Aling Guada habang tumutulong sa ginagawa ni Aling Dalmacia.

"Hindi naman, Guada. Mahihirapan kasi si Julian kung mag-isa lang siyang maglalagi sa bukid. Kung uwian naman ay gano'n din. Kailangan niyang masinop ang mga pananim niya na ilang buwan na lang ay magsisipagbunga na. Marami rin siyang magagandang punla na kailangang matutukan kapag itinanim na. Alam n'yo naman ang anak kong iyan napakaagap. Ang katwiran sa akin ay dalawa na raw ang anak niya na dapat paghandaan ang kinabukasan. Kaya napagpasyahan namin na dumoon na rin ni Esmeralda at ng mga apo ko.", nakangiting paliwanag ni Aling Dalmacia.

Totoo ang kanyang sinabi sa mga kaibigan. Ang tanging ipinagsinungaling niya ay ang pagtangging lalayo sila para sa mga apo.

''Kung ang magkaibang kulay pa lamang ng kambal ay ginawa na nilang katatawanan at agad na nahusgahan, paano pa kaya kung malalaman nilang may pakpak pa ang aking mga apo? Higit na masasama at masasakit na pananalita ang ipupukol nila sa apo kong may pakpak na gaya ng sa paniki? Kaya kailangan naming lumayo. Kung may mapupuntahan nga lang kaming lugar na matatanggap kami at matatahimik ay doon kami maninirahan, ngunit walang gano'n. Dahil kahit saan kami mapunta ay palagi kaming mag-aalala, palagi kaming matatakot at magtatago sa mata ng mga tao. Kahit pa nga sa inyong mga kaibigan ko...., Guada, Pacing.'', malungkot na saloobin ni Aling Dalmacia.

Matapos matiyak na lulan na ng karwaheng hila ng kalabaw ang kanilang mga gamit ay nagsimula nang tahakin ng mag-anak ang papuntang bukid. Malapit iyon sa paanan ng bundok at aabutin ng isang oras na lakaran bago marating.

Hatid ng kaway nila Aling Guada at Aling Pacing ang papalayong kaibigan.

Nang ga hanip na lamang ang natatanaw na mag-anak ay saka pa lamang umalis ang dalawang ginang.

---------------

Ang paglipas ng mga araw, mga linggo, mga buwan at mga taon ay naging napakabilis lamang. Ang sampung taong ay hindi na nila namalayang matuling nagdaan.

Ang buhay sa bukid na malayo sa karamihan ay nakasanayan na ng mag-anak. Ang payak na pamumuhay ay hindi naging hadlang upang sila ay maging masaya. Malusog at malakas ang kanilang pangangatawan.

Naikukubli ng naglalakihang mga puno at malalagong pananim ang kinatitirikan ng kanilang kubo. Payapa at malayo sa kahit anong mga usap-usapan ang kambal na may magkaibang pakpak. Sa magkatuwang na gabay ng magbiyenang Esmeralda at Aling Dalmacia ay natutong magsulat, magbasa at magbilang ang magkapatid. Sa lugar na kagaya ng Traves.., ang tatlong pangunahing kaalamang ito ay sapat na. At ang mga iyon ay madaling natutunan ng kambal.

Kambal na Bagwis #Wattys2016On viuen les histories. Descobreix ara