Date Written: Feb 14, 2025
Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung paano tatapusin ang sinusulat kong nobela. Romance novel ito at hindi ko pa alam kung anong magiging ending ng dalawang karakter.
Sandali akong napangiti bago humigop ng kape, bigla ay naalala ko kung paano akong nagkagusto sa kaklase ko noong ako'y nasa kolehiyo. Tandang-tanda ko pa ang bawat detalye sa utak ko na parang kahapon lang nangyari.
Ang ingay at malalakas na tunog ng speaker sa gym ay nagpa-ngiwi ng mukha ko dahil sa event sa school no'ng araw na iyon. Wala ako sa mood na makihalubilo sa mga tao kaya lumakad ako palayo sa maraming tao. Kailangan ko ring hanapin ang mga kaibigan kong nahiwalay sa akin. Paglabas ko ng gym ay laking ginhawa ang naramdaman ko. Marahil ay dahil na rin sa simoy ng hanging dumampi sa mukha ko.
Maya-maya'y nakasalubong ko ang kaklase ko, hindi kami close at parehong mahiyain kaya nilampasan lang namin ang isa't-isa. Gayunpaman, hindi ko alam kung bakit biglang nagbago ang mood ko.
Bakit parang... kinikilig ako?
Pakiramdam ko'y nag-iinit ang pisngi ko.
May gusto na ba ako sa kaklase ko?
Ilang araw kong pinag-isipan ang bagay na iyon, at sa mga araw rin na iyon ay napansin kong lagi siyang hinahanap ng mga mata ko. At kung minsan pa'y kahit 'di ko siya hanapin ay kusa ko na lamang siyang nakikita. Samantalang noong wala pa akong gusto sa kanya ay halos hindi ko nararamdaman ang presensya niya.
Hindi ko kayang solohin ang kilig kaya sinabi ko rin ito sa aking mga kaibigan. Doon na nagsimula ang mga pang-aasar nila, at inaamin kong kinikilig rin ako. At dahil nga kaklase ko siya, madalas ko siyang makita lalo na sa loob ng classroom. Hindi ko maiwasang hindi siya tingnan. Lagi na lang sa kanya dumadapo ang tingin ko.
Alam kaya niyang makita ko lang siya ay buo na ang araw ko?
Sa tuwing nakikita ko rin siya ay lumalakas ang loob kong aminin sa kaniya ang nararamdaman ko. Kaya lang natatakot akong baka hindi niya lalo ako pansinin. Isa pa, wala naman akong pakialam kung i-reject niya ako. Gusto ko lang talagang umamin para malaman niya ang nararamdaman ko. Sa katunayan nga ay ayoko ring magtagal ang nararamdaman ko para sa kaniya dahil kaklase ko siya.
Pagkatapos ng huling klase namin bago mag-bakasyon ay umamin ako sa kanya sa chat. Hindi ko kasi kayang sabihin sa kaniya ng personal dahil natatakot ako sa magiging reaksyon niya. Baka rin kasi mauna ang kaba ko at hindi ako makapagsalita ng maayos. Naging maayos naman ang pag-uusap namin tungkol doon at hindi ko na muna siya ulit kinausap.
Hanggang sa dumating ang araw na kailangan naming magkita-kita dahil sa isang project. Para akong hihimatayin sa kaba. Hindi ko alam kung paano ko siyang haharapin matapos kong umamin. Kung pwede lang na hindi na pumunta, e. Kaya lang gusto ko rin kasi siyang makita.
Sa ilang oras naming paggawa ay may sinabi akong suhestiyon sa ka-grupo namin ngunit dahil alam niyang may gusto ko sa kaklase namin ay nagsalita siya at tinawag ang crush ko.
"May sasabihin daw siya," wika niya.
Agad na dumagundong ang kaba sa puso ko nang tanungin niya ako kung ano ang sasabihin ko. Mas lalo akong kinabahan nang tumingin siya sa akin. Hindi ko siya matingnan sa mata! Kahit kinakabahan ay pinilit kong magsalita. Ayun nga lang, utal-utal na yata ako habang nagsasalita.
Gayunpaman, natapos ang araw na iyon na masaya. Pakiramdam ko nga ay nakangiti akong naglalakad pauwi. Halos hindi rin ako makatulog sa kilig sa mga naging interaksyon namin sa mga oras na iyon. Para akong sasabog sa saya.
Lumipas ang bakasyon at papasok na naman sa paaralan. Walang bago, siya pa rin ang gusto ko. Ngunit gano'n pa rin gaya ng dati, hindi kami nag-papansinan sa klase, inaasar kasi ako ng mga kaibigan ko. Kaya lang, dahil natanggalan yata ako ng hiya sa katawan ay nag-message ako sa kaniya.
Sinabi ko ba naman sa kanya na gusto ko siyang kausap!
Hindi ko alam saan ako kumuha ng lakas ng loob na sabihin iyon. Ngunit iyon talaga ang totoo. Kahit sino naman gustong kausap ang taong gusto nila 'di ba? Isa pa, gusto ko rin talagang maging kaibigan siya dahil sigurado akong mawawala ang nararamdaman ko sa kanya kapag close na kami.
Muling lumipas ang mga araw at simula no'ng sinabi ko sa kanya iyon ay naging tuloy-tuloy ang usap namin. Masaya akong mabilis ko siyang nakasundo. Kadalasan ay mga random topics lang, minsan naman ay mga seryosong usapan. Dahil doon ay masasabi kong unti-unti ko siyang nakilala.
Ngunit ang inaakala kong mawawala kong feelings kapag close na kami ay hindi nangyari. Sa halip ay mas lumalim pa ang nararamdaman ko para sa kaniya. Paano na 'to? Hindi pa yata ako handang ma-inlove kaya natatakot ako. Natatakot akong ako rin ang masaktan sa huli.
Hindi ko isinantabi ang pagkakagusto ko sa kanya kahit kami ay nag-aaral. Ginawa ko pa nga siyang motibasyon na mag-aral lalo para lang hindi ako mapahiya sa kanya tuwing recitation. Hanggang sa nagtapos kami ng kolehiyo at may kanya-kanya ng landas na tinatahak. Dahil doon, unti-unti na ring nawala ang komunikasyon namin sa isa't-isa.
Halos tatlong taon na rin mula noong maka-graduate kami at hindi ko maikakaila, may mga oras na naiisip ko pa rin siya.
Tumingin ako sa wrist watch ko, may trenta minutos na akong naghihintay rito sa cafe. Kahit hindi ko pa kasi tapos ang nobela ko ay kailangan kong makipagkita sa graphic artist na gagawa ng book cover ko. Sa totoo lang ay ngayon ko pa lang siya makikita dahil ni-rekomenda lang naman siya sa akin ng mga ka-trabaho ko.
"Excuse me, miss?"
Agad akong natigilan nang marinig ang boses na iyon. Hindi ako pwedeng magkamali, taon man ang lumipas ay kilala ko pa rin pala ang boses niya! Nag-angat ako ng tingin at doon ko nakita ang mukha niya. Kinabahan ako ng todo. Nagulat rin siya nang makita ako, hindi niya yata inaasahan.
Wait, siya ba ang graphic designer na kikitain ko?
"It's been a while, ikaw pala ang writer na sinasabi nila sa akin. It's nice to see you again," aniya sabay ngiti na lalong nagpa-kaba sa akin.
Hindi ako makapagsalita, parang nakatitig na lang ako sa mukha niyang ilang taon kong hindi nakita. Mula nang mawala ang komunikasyon namin noon ay tinanggap ko nang parte lang siya ng buhay kolehiyo ko. Ngunit nang makita ko siya ngayon... parang biglang bumalik ang nararamdaman ko para sa kaniya.
At parang alam ko na rin kung paanong bibigyan ng ending ang dalawang karakter sa nobela ko.
YOU ARE READING
Short Stories
Short StoryCompilation of the short stories I made. Different genres, different feelings.
