CHAPTER 214 (PRIVATE)

Start from the beginning
                                    

"Mierda!" sigaw ko. Ang lahat ay gulat na napalingon sa akin. Sa galit ko ay isa-isa kong sinapak ang bawat makasalubong ko hanggang sa lahat sila ay nakayuko nang humarap sa akin. "Paanong nakatakas ang hinayupak na iyon, mga tanga!"

"Hindi rin namin alam, Cargosin, maniwala ka," ani Mark.

Bumilis ang paghinga ko, kumuyom ang mga palad ko at napapikit ako sa galit! Nang hindi ko iyon mapigilan ay maging ang katabi kong salamin ay nasuntok ko hanggang sa mabasag.

"Imposible!" Dinuro ko si Mark. "Nasaan si Taylor!"

"Narito ako," nangibabaw ang tinig niya sa likuran ko. Padaklot kong hinila ang kwelyo niya at saka siya inilapit sa akin. "Bitiwan mo ako, Cargosin."

"Ang sabi mo ay takot sa gagamba ang babaeng iyon!"

"Iyon ang sabi ng bunso niyang kapatid, Cargosin." Ngumisi siya, pilit inaalis ang kamay ko sa kaniyang kwelyo. "Ano ba ang ikinagagalit mo?"

"Nakatakas si Maxpein!"

"Ano?" hindi siya makapaniwala.

"Papaano niyang natakasan ang daan-daang gagamba na ito ngayon kung natatakot siya sa mga iyon!"

Mas ngumisi si Taylor dahilan upang mas humigpit ang pagkakahawak ko sa kaniya. "Sinabi ko naman na sa iyo, huwag kang magpakakampante sa babaeng iyon dahil ang imposible ay kaya niyang gawing posible!" 'Tsaka nawala ang ngisi niya. "Huwag kang umasta na para bang kami, at hindi ikaw, ang may kasalanan, Cargosin. Ikaw ang bantay, hindi dapat natutulog lang ang bantay."

"Gago!" Sinapak ko siya sa sobrang galit. Gaganti na sana siya ng suntok nang pigilan kami ni Christian. "Isa rin akong hangal nang paniwalaan at hayaan ko ang suhestiyon mong iyan!"

"At ako ang sinisisi mo ngayon, Cargosin? At nasaan ka? Nasaan kayo upang bantayan siya?"

"Nakatulog kami," nakayukong sabat ni Christian, siya ang sumagot sa tanong ni Taylor.

Gusto ko ring magalit sa sarili ko. Walang-wala na ba kaming paraan para umasa sa ganong suhestiyon ni Taylor? Gagamba? Mierda! Sinabi ko na nga ba't isang malaking kalokohan ang suhestyon niyang ikulong ang Maxpein na iyon sa kwarto na puno ng malalaking gagamba! Inutil! Ngayon ay naiintindihan ko na ang pinagmumulan ng galit ng Chairman.

"Totoo ang sinabi ko, Cargosin. Takot siya sa gagamba." Sinamaan ako ng tingin ni Taylor, humahangos akong tumitig sa kaniya. "Naging matagumpay ang plano natin na ikulong siya sa kwartong puno ng gagamba, pero nasira ang plano nang makatulog ka't hayaan siya ro'n!"

Hindi ko nagawang sumagot agad. Natitigilan akong napatitig sa mga mata ni Taylor maging sa kaniyang kabuuan. Napakayabang ng dating nang pagkakasabi niya sa aking ng linyang iyon. At hindi ko nagugustuhan ang narinig ko.

Malayong-malayo ito sa Taylor na nakilala ko.

Humakbang ako papalapit sa kaniya. "Napakatagal mong nawala rito, Taylor. Hindi ka gumawa ng paraan para makabalik--halos magkandamatay kami sa pagtatangkang ipuslit ka sa mansion ng mga Moon. 'Tapos ngayon ay babalik kang hambog na rin? Mierda!" Dinamba ko si Christian upang magpang-abot kami ni Taylor!

Nagpambuno kami na animong may matagal nang hinanakit sa isa't isa. Huminto lang kami nang pareho naming masapak ang isa't isa. Humahangos at galit na tumitig sa kani-kaniyang mga mata. Dinuro ko siya 'tsaka ako umabante, magsasalita na sana ako nang pangunahan niya ako.

"Pumalpak ka, Cargosin! Umamin ka na lang at huwag nang humanap pa ng ibang masisisi sa kapalpakan mo!" singhal niya.

Patakbo ko siyang nilapitan at muling sinapak hanggang sa matimbawang. "Wala kang utang-na-loob!" pasigaw kong sumbat.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Where stories live. Discover now