"Hindi lahat ng koneksyon ay kailangang sabihin nang direkta. Minsan, ito ay nasa pagitan ng mga biro, mga pang-aasar, at mga bagay na hindi natin kayang ipaliwanag."
Sabi nila, may mga bagay na hindi mo mahuhulaan, mga koneksyong hindi mo mapapansin kung hindi mo pagbibigyang-pansin. Para bang may mga hibla sa buhay na kahit gaano kaliit o kasimple, may nakatakdang dahilan kung bakit nag-uugnay ang dalawang tao.
At sa di malamang dahilan, isa ako sa mga taong hindi nagsasawang idikit sa'yo ang ideyang ito.
Minsan, hindi ko rin alam kung paano ko ito sinimulan bakit nga ba sa tuwing may pagkakataon, ikaw at si Sir J ang nagiging sentro ng asaran? Siguro dahil matagal na kayong magkakilala. O baka naman dahil kahit saan ka mapunta, palaging andiyan siya, parang anino mo na hindi mo napapansin.
"What if kayo talaga ma'am? Dahil dun sa red string theory HAHA'
"Oh tamo, magkalapit barangay pa, sa susunod sa Isang barangay na lang kayo."
"Iba kapag destiny at diyos na gumalaw haha"
Ilang beses ko na nga bang binitiwan ang linyang 'yan? Hindi ko na rin mabilang. Isang pang-aasar na tila naging parte na ng araw-araw nating usapan. At sa tuwing bibitiwan ko 'yon, alam kong napapailing ka, nagpipigil ng tawa, o minsan, simpleng "Haaaay." lang ang isasagot mo. Pero kahit hindi mo sabihin, sigurado akong sa loob-loob mo, natatawa ka rin.
Introvert ako. Hindi ako 'yung tipo ng estudyanteng madaling magsabi ng nararamdaman. Hindi rin ako sanay sa pagpapakita ng emosyon. Lumaki akong hindi palaging sinasabi ang nasa loob ko, kaya siguro sa maraming pagkakataon, mas pinipili kong manahimik. Mas pinipili kong ipakita ang koneksyon hindi sa pamamagitan ng malalalim na salita, kundi sa mga biro at pang-aasar na tila walang saysay pero alam kong may ibig sabihin.
May mga araw na tahimik ka lang walang ekspresyon, parang malayo ang iniisip. May mga oras na halatang may bumabagabag sa'yo, pero hindi mo sinasabi. Hindi ka rin naman kasi 'yung tipong madaling maglabas ng nararamdaman. Pero kahit hindi mo ipakita, alam kong may bigat kang dala.
At sa mga ganitong araw, lalo kong ginagawang misyon ang pang-aasar. Alam kong hindi mo 'to hihingin, pero ibibigay ko pa rin dahil kung hindi ko man kayang sabihin nang direkta na "Ma'am, andito lang ako," baka naman sa paraan ng pang-aasar ko, kahit paano, maramdaman mo.
Sa klase, hindi ako palaging ganito. Hindi ako 'yung tipo ng estudyanteng maingay, palabiro, o nagpapapansin. Pero sa chat? Nagiging iba ako. Doon lumalabas ang kakulitan, ang lakas ng loob na wala ako sa harap ng maraming tao. Doon lang ako nagiging matapang na asarin ka, dahil kung harapan, malamang hindi ko rin kayanin.
Hindi ko alam kung kailan ako titigil, o kung darating ba ang araw na magsasawa na ako sa pang-aasar na 'to. Pero sa ngayon, habang andito pa tayo, habang may pagkakataon pang makita kang napapangiti kahit kaunti, hindi muna ako hihinto.
Dahil minsan, ang red string theory ay hindi tungkol sa tadhana ng dalawang taong nagmamahalan. Minsan, ito ay tungkol sa hindi nakikitang koneksyon sa pagitan ng isang guro at isang estudyanteng hindi marunong magsabi ng totoong nararamdaman kaya idinadaan na lang sa pang-aasar.
BINABASA MO ANG
"Between the Lines of Every Lesson"
Short Story"The greatest lessons are not written in books but in the hearts of those who teach with love."
