Chapter 7: The Fallout

2 0 0
                                        

Nakatitig si Sam sa larawan sa kanyang phone. Ilang beses na niyang tiningnan ito, ngunit sa bawat pagkakataon, mas lalo lang itong sumasakit. Si Eli at si Tiff—magkalapit, para bang may sariling mundo. Isang larawan na maaaring wala lang sa iba, pero para sa kanya, isang patunay na isa lang siyang hangal.

Akala niya totoo na. Akala niya may halaga siya kay Eli.

Mali siya.

Nakita niyang muli si Eli sa campus. Agad itong lumapit sa kanya, halatang nagmamadali. Para bang alam nitong may mali, na may kailangang ayusin.

"Sam, hindi 'yan totoo," bungad nito, desperado.

"Hindi totoo?" Bahagya siyang natawa, pero puno ng pait ang tunog nito. "Paano mo ipapaliwanag 'to, Eli? Kasi sa tingin ko, napakalinaw ng nakikita ko."

Napatingin si Eli sa larawan. Kita niya ang iritasyon sa mukha nito, ngunit hindi niya alam kung dahil ba sa sitwasyon o dahil nahuli siya.

"Hindi ko alam kung paano nangyari 'yan, pero wala akong kinalaman diyan," sagot niya, pilit na kalmado.

Muling natawa si Sam. "Napaka-convenient naman, hindi mo alam? Hindi mo alam kung paano kayo nagkaroon ng picture ni Tiff? Hindi mo alam kung bakit parang ang lapit-lapit niyo? Hindi mo alam, o hindi mo lang matanggap na nahuli kita?"

"Ewan ko kung paano ko ipapaliwanag sa'yo nang hindi ka nagagalit," napabuntong-hininga si Eli. "Pero, Sam, seryoso ako. Hindi 'yan totoo. Alam mong ikaw lang ang gusto ko."

"Alam ko?" Pinilit ni Sam na kalmahin ang sarili, pero nanginginig na ang kanyang mga kamay. "Alam ko ba talaga, Eli? O gusto mo lang akong maniwala? Kasi sa totoo lang, hindi na ako sigurado kung alin sa mga sinasabi mo ang totoo at alin ang kasinungalingan."

Hindi nakapagsalita si Eli.

At doon, mas lalong naging malinaw kay Sam ang lahat.

Ito na ang sagot. Wala siyang mapanghawakang pruweba na hindi siya niloloko ni Eli. Wala siyang konkretong dahilan para magtiwala pa.

At higit sa lahat, hindi na niya kayang mabuhay sa pagitan ng katotohanan at kasinungalingan.

Huminga siya nang malalim bago nagsalita, dahan-dahan, ngunit walang bahid ng alinlangan.

"Hindi ko na kaya, Eli."

Nanlaki ang mga mata ni Eli. "Sam—"

"Tapos na tayo."

Isang simpleng pangungusap, ngunit ramdam nilang dalawa kung gaano kabigat ang laman nito.

"Sam, huwag naman ganito. Alam mong hindi kita niloloko."

Napailing siya. "Gusto kong maniwala, Eli. Gusto ko talaga. Pero hindi ko na kaya. Simula pa lang, peke na 'to, hindi ba? At kahit na naging totoo na para sa atin, hindi natin mababago ang katotohanang nagsimula tayo sa isang kasinungalingan. At ngayon, hindi ko na alam kung kaya kitang pagkatiwalaan pa."

Alam ni Eli na wala na siyang magagawa. Nakikita niya ito sa mga mata ni Sam—isang desisyong hindi na mababago.

Kaya kahit ayaw niyang tanggapin, alam niyang ito na ang katapusan.

Sa mga sumunod na araw, naging parang estranghero sina Sam at Eli sa isa't isa.

Sa tuwing magkakasalubong sila sa campus, hindi siya tinitingnan ni Sam. Para bang hindi sila kailanman nag-usap, para bang walang namagitang anuman sa kanila.

At iyon ang mas lalong sumasakit kay Eli.

Sanay siya sa atensyon, sa pagiging sentro ng mundo ng mga tao sa paligid niya. Pero si Sam—si Sam ang nag-iisang tao na hindi naghabol sa kanya, hindi nagpaapekto sa kanyang kasikatan.

At ngayon, ito rin ang taong parang hindi man lang nakaramdam ng sakit sa pagkawala niya.

Ngunit alam niyang hindi iyon totoo.

Nakikita niya ang lungkot sa mga mata ni Sam, kahit pa pilit nitong tinatago. Nakikita niya kung paano nito iniiwasan ang kanilang mga dating lugar—ang library, ang cafeteria kung saan unang nalaman ng lahat ang kanilang "relasyon," at maging ang basketball court kung saan madalas siya nitong panoorin.

Ngunit anong silbi ng lahat ng iyon kung hindi naman siya kayang harapin ni Sam?

Kung wala na siyang paraan para bumawi?

Eli tried. He tried so hard.

Paulit-ulit siyang lumapit kay Sam, pilit siyang kinausap. Ngunit sa tuwing susubukan niya, isang malamig na tingin lang ang isasagot nito bago tatalikod at lalayo.

At sa bawat pagkakataong iyon, mas lalo niyang naramdaman kung gaano siya nawalan.

Hindi lang si Sam.

Kundi ang isang bagay na noon pa pala niya hinahanap—ang isang tunay na koneksyon.

Hindi niya ito nakita sa kanyang pamilya na pilit siyang kinokontrol. Hindi niya ito nakita sa mga babaeng naghahabol sa kanya, gusto siya dahil sa kung sino siya, hindi dahil sa kung ano talaga ang nasa loob niya.

Pero kay Sam?

Kay Sam, natutunan niyang maging totoo.

At ngayon, alam niyang hindi na niya basta-basta mababawi iyon.

Sa isang hapon, nakaupo si Eli sa bleachers ng basketball court, hawak ang bola ngunit hindi niya kayang maglaro.

Hindi siya kailanman naging marupok. Hindi siya kailanman naging taong nagmumukmok sa isang tabi dahil sa isang babae.

Pero si Sam ay hindi lang basta babae.

At ngayong wala na ito sa buhay niya, hindi niya alam kung paano siya magsisimula ulit.

At doon niya naunawaan ang isang simpleng katotohanan—

Mahal na niya si Sam.

At masakit tanggapin na maaaring huli na ang lahat.

Unscripted HeartDonde viven las historias. Descúbrelo ahora