Ward

113 3 1
                                    

Mag-aaply siya bilang psychiatrist. Sabi ng kanyang mama, sa mental daw sila pupunta. Sasamahan daw siyang mag-apply ng matandang ina. Kaya kahit nasa loob sila ng kotse ay nakaakto siya bilang isang tao na may mataas na pinag-aralan. Apat na taon sa kursong nursing. Apat na taon sa isang psychiatric ward. Maraming taon pa ng pag-aaral. Ng mga epekto ng kemikal sa bayolohikal na proseso ng tao. Psychotropic drugs. Axon. Dendrites. Pathology. Psychokioromanism. Synchronism. Cranial nerves. Nerve endings. Neural nerves. Nerves. Iniisa-isa niya sa kanyang utak ang mga pangalan na iyon. Paulit-ulit.

Nakakuyom ang mg kamay sa binti at taas-noong sinusundan ng tingin ang car freshener na nakasabit sa tapat ng driver. Sumasayaw ang karton na mukhang Christmas tree. Ang itim sa mga mata niya lamang ang gumagalaw upang sundan ito. Parang isang akto ng hipnotismo. Tumawa siya.

“Ma, ‘yong mga papeles ko, kumpleto na ba? Iyong resume ko? Birth certificate? ‘Yong mga kailangan?” hindi siya nakatingin sa ina sa pag-armalite niya ng mga katanungan.

Tumango naman ang kanyang ina, at may sinabi. Kaya lamang ay kinain ang mga salita ng ingay ng motor ng sasakyan. Ngunit alam niya na tungkol ito sa maaaring masamang mangyari sa kanila pagdating nila doon sa institusyon. Napagawi ang paningin niya sa repleksyon ng mga mata ng driver sa salamin ng sasakyan. Nakatingin ito sa kanya. Dinukot ng kaba ang puso niya… matagal pa ba ang byahe?

“Nandito na tayo.” Lumabas ng kotse ang mama niya na may bitbit na malaking bag.

Sa wakas nandito na sila.

Maisasabuhay na niya ang mga pinag-aralan niya ng maraming taon. Doon niya napansin ang kulay ng kotse na kanilang sinakyan. Puti. Parang kakulay ng ataul. Hinawakan niya ng mahigpit ang braso ng kanyang ina. Tara na po, Ma… Kumakaway na ang mga pasyente sa akin. Kailangan na nila ako…

This is my daughter, Dr. Santos” Pakilala sa kanya ng kanyang mama sa isang lalakeng nakasuot ng mahabang white gown. Kasing-amoy ng maliit na opisina nito ang matapang na sabon na ipinanglalampaso ng janitor sa unang palapag ng gusali. Kaya’t nabahing siya. Nababahing siya sa mga detergent. Siya’y natawa.

I studied in Stanford University. I’ve met Albert Bandura there, the renowned psychologist. He has many manuscripts. I lectured in European Society of academics.

So you are the intelligent young lady na kinukwento ng mama mo. Balita ko naka-dalawang PhD degrees ka raw at isang MD. Dinaig mo pa ‘ko. Hahaha.” Malutong ang pagtawa ng doktor. Nawala panandalian ang mga mata ng ginoo.

Ngunit ang nakapagpabagabag sa kanya ay ang dalawang head ng institusyon na iyon. Parehong nakatago sa loob ng bulsa. Nagpalinga-linga siya. Totoo kaya ang mga nababasa niya noon sa medical suspense novels? ‘Yong ballpen na nakasabit sa bulsa na suot ni Dr. Dizon, ballpen lang ba talaga iyon o pang-injection sa mga nagwawalang pasyente?

“Mabuti pa misis, ipasyal na muna natin ang anak mo sa buong lugar so she will become familiarized with the surroundings.

Nakakapit siya sa siko ng kanyang ina habang naglalakad silang tatlo, kasama ang doktor na hindi niya mawawaan ang mga salita. Mistula siyang ipinapasyal ng nanay sa isang zoo… Ayon oh, ‘yong babaeng may hawak na manika, hebephrenic schizophrenic… bumalik sa pagkabata! Sa isang kwarto na iyon oh, puro ribbon ang higaan ng isang pasyente… paano, wala siyang spatial organization kaya para ‘di siya maligaw ng higaan nilagyan niya ng palatandaan… Ayon oh! Kumakausap sa sarili ng mag-isa! Ayon oh! Tingnan niyo sila, Mama… gagamutin ko silang lahat.

Sa isang parte ng ward ay may limang kabataan na naka-uniporme ng puti ang nagkumpul-kumpol. Nakatingin sa kanya ang mga ito. At alam niya—oo, alam niya—na pinag-uusapan siya ng mga nagpa-practicum na mga ito. Bakit, saang university ba kayo galing? I’m the most intelligent! Don’t belittle me! Mga estudyante lamang kayo!

At ang lahat ay nangyari sa isang iglap. Ang paningin niya ay nilukuban ng kung anong itim na usok. Sa huling sandali ng kamalayan, nakumpirma niya na! Naiinggit sa kanya ang doktor at mga nars dahil sa superyoridad ng kanyang talino! Nagpumiglas siya—nagpumiglas nga ba? Ngunit para siyang isdang sinakal ng buhul-buhol na lambat. May mga puting multo na yumakap sa kanya.

Pagdilat ng kanyang mga mata ay sumasayaw sa kanya ang mga puti at pulang ribbon na nakatali sa isang higaan… at siya’y bumahing nang napakalakas…

_____________________________________________

Original creation of My Jungian Dream for Pacesetter: The Official Student Publication of Bulacan State University (Vol. 38 No. 12, December 2010).

All copyrights and credits to the original writer.

_____________________________________________

***

Hello there! Isa po ito sa mga stories na gusto ko i-share sa inyo. Enjoy reading! Of course, hindi ko aangkinin ang short story na ito dahil hindi ko naman talaga gawa ito kaya nga I give the full credit to the pen name of the original author who made this story. I repeat, gusto ko lang po i-share. 

Thank you!

Love lots,

CJ

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: May 01, 2013 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

WardWhere stories live. Discover now