"May problema ba?"

Napalingon ako sa kaniya bago nag-iwas uli ng tingin. "Ayos lang naman ho ako, napainom lang at...naparame nga. Pero wala 'to. Nagkayayaan lang kame no'ng kaklase ko."

"Kung may problema kayo ng nobyo mo, maanong magkaayos din sana kayo." Nakangiti niyang sinabi 'yon bagaman hindi ako nakatingin. "Totoong gusto namin siya para sa iyo."

May kung anong umalon sa loob ng dibdib ko. Hindi ko malaman kung tuwa, kilig o kung ano ba iyon. Basta meron.

"At masaya ako na makita na masaya ka rin sa kaniya. Hindi ako magdadalawang-isip na ipagpaubaya ka sa lalaking iyon, tutal, alam ko naman na responsableng bata ka, Maxpein."

Tumingin ako sa kaniya, nemeke ako ng ngiti. "Hinde nga ako sigurado kung matatanggap niya ang mundo na meron ako. Natatakot ako sa t'wing makikita niya akong nananakit ng tao. Pakiramdam ko pate siya ay matatakot sa 'kin."

"Hindi ka masamang tao, Maxpein. Ginagawa mo lang ang nararapat para sa pamilyang ito. Iyon ang trabaho mo. Iyon ang nasa pangalan mo."

Hindi ako nakasagot. Nadinig ko ang pagbuntong-hininga ng Chairman, nakangiti na siya nang maganda nang lingunin ko.

"Pasensya ka na, Maxpein," aniya. Kunot-noo akong tumitig sa kaniya. "Nasanay kami nang ganito ka, malakas, matalino, mabilis," humalakhak pa siya pero halatang peke. "Nakalimutan naming may oras din na nanghihina ka, nagkakasakit, nahihirapan, nalulungkot, nasasaktan..."

"Chairman," kaswal kong sabi 'tsaka tumitig sa kaniya. "Ayos lang ako."

Ngumiti siya. "Nakalimutan namin ang obligasyon bilang magulang sa iyo. At sa halip ay hinayaan ka naming kumilos para sa kapakanan nating lahat. Nagkamali kami, Maxpein." Pinigilan niya ako nang akma akong magsasalita. "At sana ay hindi pa huli ang lahat para gampanan namin iyon."

"Sinisiguro ko sa inyong hinde ako uminom nang dahil sa mga 'yan, Chairman."

Matunog siyang ngumiti. "Pwede mo bang gawin ang ipakikiusap ko, Maxpein?"

Matagal bago ako nakasagot. "Ano 'yon, Chairman?"

"Pagpahingahin mo muna ang sarili mo sa lahat ng bagay, Maxpein." Nakangiti niya 'yong sinabi, natigilan ako. "Tao ka rin. At alam kong napapagod ka. Ituon mo muna ang buo mong atensyon sa bagay na alam nating pare-pareho na gusto mong makamit. Huwag mo na munang isipin ang mga bagay-bagay na nakagugulo sa atin."

"Wala na ang mga Rewis, Chairman, wala nang dahilan para magulo ako."

"Ngunit bakit pakiramdam ko ay mayroon ka pa ring inaasikaso?"

Napabuntong-hininga ako. "Gagawin ko ang sinabe niyo."

Sandaling katahimikan ang nangibabaw sa pagitan namin. Hindi ako tumingin sa Chairman bagaman nararamdaman ko pa rin sa akin ang kaniyang tingin. Hindi ko alam kung ano ang nasa isip niya, ayaw ko siyang mag-isip nang sobra.

"Kaya mo na bang kumilos?" tanong niya.

"Oh," tumango ako.

"Kung ganoon ay lumabas tayo?" patanong niyang tugon, nagtaka agad ako. "Sa labas tayo mananghalian kasama ang mga kapatid mo."

Hindi ako nakasagot agad, matagal akong napatitig sa kaniya. "Yes, Chairman." Tumango uli ako.

Nadinig ko pa siyang bumuntong-hininga bago tumayo. Ngumiti pa uli sa akin bago lumabas sa kwarto ko. Matagal akong napatitig sa pinto, talagang nakakagulat 'yon para sa 'kin dahil ngayon lang ako niyayang lumabas ng Chairman. Masyado siyang abala sa trabaho at pagtulong sa mga tao para paglaanan ako ng ilang segundo, at nasanay ako nang ganoon.

HE'S INTO HER Season 3 | COMPLETED |Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon