Unang Kabanata: Hinagap

1.6K 49 27
                                    

Isang walang hanggang kadiliman ang sumalubong sa aking paningin nang ako'y dumilat. Walang maririnig kung hindi isang nakabibinging katahimikan. Kahit saan ko man ilibot ang aking paningin ay karimlan ang sumasalubong sa akin at sa paglingon ko sa isang dako ay nahagip ng aking mga mata ang isang tao na marahang naglalakad papalayo. Magaan ang kaniyang bawat hakbang ngunit tila papunta sa isang kawalan ang daang kaniyang tinatahak.

Hindi man maabot ng aking paningin ang kan'yang mukha, alam ko sa aking sarili kung sino ang babaeng nakikita ko—walang iba kung hindi ako. Hindi ko alam pero buhat siguro ito ng malakas na pakiramdam.

Ako ay nakatayo lamang habang tahimik na nakamasid sa aking sarili na naglalakad papalayo hanggang tuluyan na siyang naglaho sa aking paningin.

Nararamdaman ko ang sakit sa aking mga binti at mga paa na para bang nangangalay na. Nararamdaman ko ang bigat ng bawat hakbang. Nararamdaman ko ang bigat ng aking katawan. Nararamdaman ko ang bigat ng kalooban.

Pagod na ako. Ayoko na.

Paulit-ulit na mga salitang naririnig ko sa aking isipan.

Sa isang iglap ay tuluyan nang naglaho sa aking paningin ang lahat at ang tanging namayani lang ay ang nararamdaman kong masidhing kalungkutan sa hindi ko malamang dahilan. Nanlalamig ang aking pakiramdam, nanlalamig ang aking katawan. Ilang saglit lang ay nadama ko na ang patuloy na pag-agos ng luha sa aking pisngi.

"Cleo!" Sigaw nang isang pamilyar na tinig ngunit hindi ko malaman kung saan nagmumula. Kahit sa'n man ako lumingon ay walang ibang makikita kung hindi walang hanggang kadiliman.

"Cleo!" Pag-ulit n'ya. Isang malamig na palad ang dumampi sa aking mukha bago binasag ng isang malakas na pagbagsak ang katahimikan sa aking masamang panaginip.

Napabalikwas akong bigla sa aking narinig, hindi ko namalayan na nakaidlip pala ako mula sa aking pagkakahiga kanina. Subalit sa aking paggising, ramdam ko pa rin ang sakit ng aking katawan. Tunay ba? O panaginip lang talaga? Napapadalas ang pananaginip ko ng ganito pero wala akong naiintindihan at sa tuwing ako'y nagigising nararamdaman ko rin kung ano man ang nangyari sa akin.

May mangilan-ngilan akong gamit na nagkalat sa sahig at ang ilan sa mga papel ay nilipad din ng hangin na nagmula sa bintana sa gawing kaliwa ng aking silid. Napukaw ang aking atensyon ng mahagip ng aking tingin ang isang bata na tahimik lamang na nakatindig sa sulok. Ilang sandali rin ang aking nailaan sa pagtitig sa kaniya ngunit kagaya dati, wala pa rin akong mahinuha sa kaniyang mukha.

"Ikaw na naman," Aking wika. Hindi s'ya nagsalita at sa halip ay binigyan n'ya ako ng isang ngiti na lagi naman n'yang ginagawa sa tuwing kami ay magkikita. Napailing na lamang ako habang isa-isa kong inaayos ang aking mga gamit pabalik sa mesa samantalang s'ya naman ay dali-daling tumakbo palabas ng aking k'warto hanggang sa hindi na siya naabot ng aking paningin.

Tahimik.

Matapos kong mag-ayos at magligpit ng mga nakakakalat na gamit ay pinili ko na lang na maupo malapit sa pasimano ng aming bahay habang minamasadan ang nagbabagong kulay ng bughaw na kalangitan na unti-unting nagiging kahel. Papalubog na ang araw, takip-silim na naman, nagbabadya ang pagsapit ng gabi—muling nagbabadya ang kadiliman.

Madalas akong napapaisip kung bakit maraming tao ang takot sa dilim, ngunit ang kadiliman ba ang talagang ikinatatakot nila? O ang ikinukubli nito na hindi nila nakikita? Marahil iyon nga. Sabi nga nila, ang tao raw, takot sa mga bagay na hindi niya nakikita, takot sa mga bagay na lingid sa kanilang kaalaman. Ngunit ako? Hindi. Ano pa nga ba ang naitatago nito sa aking paningin?

Balintataw (to be published by Lifebooks)Onde as histórias ganham vida. Descobre agora