CR - KABANATA 6

78 9 4
                                    


COUNTRYSIDE ROMANCE

KABANAT 6


N O A H


HABOL-HABOL ko ang hininga ko nang makarating ako rito sa may paanan ng bundok. Malayo ito sa mismong mga kabahayan sa amin. Ilang kilometro din ang tinakbo ko makarating lang ako rito nang mabilis. Pakiramdam ko nga'y ako na si The Flash sa bilis nang pagtakbo ko.

Inilibot ko ang paningin ko. 'Tulad pa rin ito ng dati noong mga bata pa lang kami. Ilang taon na ba kasi akong 'di nagagawi rito? Hindi ko na natatandaan. Ngunit tandang-tanda ko pa rin ang itsura nito. Na sa paanan ako ngayon ng bundok kung saan kagubataan na rin ito. May maliit na sapa at talon na nangagaling sa may bundok. Matataas ang mga punong naririto na siyang nagsisilbing pananggalang upang hindi suminag ang araw.

May mga malalaking bato rin sa gilid ng sapa na tila ba sinadya itong ilagay roon upang kapag malakas ang agos ng tubig ay hindi umapaw ang tubig na naroroon.

Inikot ko na ang buong paningin ngunit wala akong unggoy na nakita.

"Rence!!" sigaw ko, malakas na um-echo pa sa buong lugar. "Hoy Clarence!" ulit ko, mas malakas sa nauna ngunit 'tulad ng nauna'y wala akong narinig na sumagot o nagpakitang Clarence.

Bagsak ang balikat kong tumilikod. Kasalanan ko 'to, e. Mali! Kasalanan din naman niya 'to, 'di ba? Kung bakit sinunog niya ang damit ko noon? Pero bakit ako nakakaramdam ng konsensiya. Hindi dapat ako makaramdam ng konsensiya dahil sa dami ng kasalanan niya sa akin, kulang pa 'tong nangyayari sa kaniya ngayon.

Dapat nga'y matuwa ako. Deserve niyang hindi makalaro. Mayabang kasi siya at buong pagkatao niya'y pangit. Pangit ang ugali niya at pangit din ang mukha niya.

Pero kahit ano'ng pagkumbinse sa sariling siya ang may kasalanan nito, hindi ko magawa. Sa dami ng mga nagawa niyang kalokohan sa akin, 'di ko magawang magalit ng tuluyan sa kaniya. Madalas ay sinasagot-sagot ko siya't ginagantihan ngunit kalauna'y binabalot ako ng konsensiya.

Marahil tanga ako. Marahil hanggang ngayo'y umaasa pa rin ako. Ang tagal na nun! Mga bata pa lang kami. Walang kamuwang-muwang sa kung ano ang daloy ng totoong mundo. Ang daming puwedeng magbago sa loob ng halos sampong taon pero heto ako, umaasa na sana'y ang mga salitang binitiwan niya noon ay paninindigan niya.

Bumuntonghininga ako. Aalis na sana ako roon dahil ano pa'ng saysay nang pagpunta ko rito kung wala naman siya rito, ngunit natigilan ako nang marinig ko ang boses niya.

"Ba't ka nandito?" Mabilis akong lumingon sa kaniyang direksiyon ngunit mabilis din akong umiwas.

"BWESIT KA! MAGSUOT KA NGA NG DAMIT!!" sigaw ko. Tinakpan ko ang paningin ko gamit ang mga palad ko upang hindi ko makita ang hubo't hubad niyang katawan.

"Bakit pareho naman tayong lalaki, a?" tanong nito.

"At talagang naitanong mo pa iyan kahit na alam mong hindi?!"

"Sagutin mo na lang ang tanong ko. Nandito ka ba para pagtawanan ako? Para ipamukha sa aking sa wakas, natalo mo ako?"

"Pinagsasabi mo?!" tanong ko sabay baba sa aking mga kamay. Nakahinga ako nang maluwag dahil nakasuot na siya ng shorts pero hawak-hawak lang niya ang damit. Napaiwas ako ng tingin nang mapatingin ako roon.

"Nagmamaang-maangan ka pa, Noah. At suot-suot mo pa talaga 'yang jersey ko sa harap ko mismo."

Napalunok ako. Pakiramdam ko'y nawalan ako ng boses dahil hindi ko alam kung ano'ng sasabihin ko sa kaniya. Muli akong tumingin sa kaniya, diretso sa kaniyang mga matang nakatingin din sa akin.

"Sa tingin mo ba'y itutulad mo ako sa ugali mong 'yan, Clarence? Sa dami ng kalokohang ginawa mo sa akin? May puso ako. Mabuti akong tao. 'Di ko nga alam bakit ang laki-laki ng galit mo sa akin. Pero alam mo, kahit na anong gawin ko'y 'di ko magawang magalit sa 'yo pabalik. Magkaibigan tayo, e o baka, ako lang ang nag-iisip na magkaibigan tayo."

Huminto ako at humugot nang malalim na buntonghininga.

"At kaya ako nandito dahil gusto kong humingi sa 'yo ng tawad. Ngayon ko lang din nalaman ang patakaran nila sa laro. Isasauli ko na itong jersey mo..." Hinubad ko ang jersey na suot-suot ko at saka 'yon itinapon sa kaniya, na sinalo naman niya. Hindi na ako nahiyang ipakita sa kaniya ang katawan ko. "At saka, sana'y matapos na rin ng hidwaang mayroon tayo," dagdag ko.

Marahil ay pagod na ako. Pagod na ako sa paulit-ulit naming away na wala namang katuturan. Ito na siguro ang pagkakataon para tapusin namin 'yon. Hinihiling ko lang na sana'y pumayag siya.

"Papaano kung ayaw ko?" sagot nito, na siyang ikinadismaya ko.

"Bakit, Clarence? Hindi ka pa ba napapagod? Kasi ako pagod na akong makipagbangayan sa 'yo araw-araw," sagot ko rito.

Hindi siya sumagot. Bagkos ay tumalikod ito, hawak-hawak pa rin sa kamay ang hinubad kong jearsey kanina. Naramdaman ko tuloy ang lamig nang umihip ang hangin. Tumingin ako kay Clarence at 'di ko maintindihan bakit bigla akong kinabahan nang makita ang kaniyang matipunong likuran pababa sa kaniyang pang-upo. Nakausot siya ng shorts na maikli at hapit na hapit iyon sa kaniya.

May kinuha siya malapit sa isang malaking bato at muling humarap sa akin, kaya mabilis akong umiwas ng tingin. Bigla ko na lang naramdaman ang itinapon nito sa mukha ko. Nang tingnan ko iyon, ang jearsey niya 'yon.

"Sa 'yo na 'yan, hindi ko naman na 'yan kailangan," aniya at saka isinuot ang isang t-shirt na siyang kinuha niya malapit sa malaking bato. Nakatingin lang ako sa kaniya hanggang sa matapos niyang maisuot ang kaniyang damit. "Ano pa tinitingin-tingin mo? Suot mo na 'yan at baka may makakita pa sa atin, akalain pa nilang nag-sex tayo!"

Kitams! Kung puwede ko lang sapukin ang lalaking 'to, ginawa ko na, e. Pero nangako ako sa sarili kong hindi ko na lang siya papansinin. Bahala siya sa buhay niya.

Umirap na lang ako. Para sa kaalaman niya, kahit ihanda pa siya sa birthday party, hindi ko siya kakainin! Isa pa, wala namang pumupunta rito dahil liblib na ito ng gubat. Knowing ang mga tao sa amin, napaka-OA. Iisipin nilang may engkantong naninirahan dito.

Isinuot ko na lang ang damit dahil kagagaling ko lang sa lagnat at baka lamigin pa ako lalo.

"H-Hindi ka na ba maglalaro?" bigla kong tanong nang maisuot ko ang damit. Nakatayo pa rin siya sa harapan ko't nakatingin sa akin. Kumabog na naman ang dibdib ko sa hindi ko malamang dahilan.

"Pakialam mo?" anito sabay talikod. "Mabuti pa, samahan mo na lang ako rito. Tutal kasalanan mo rin naman kung bakit hindi ako nakapaglaro."

Hindi na lang ako sumagot. Kay tagal na rin kasi noong huli akong pumunta rito. Hindi ko na maalala pa. Basta ang alam ko lang, isang araw, nagbago ang lahat. Hindi ko alam bakit. Gusto kong alalahanin kung may nagawa ba akong mali pero wala akong naaalala.

Bumuntonghininga ako. Kung puwede ko lang ibalik ang nakaraan ay matagal ko na sanang ginawa. Kung may nagawa man ako, babaguhin ko 'yon.

Naglakad ako malapit sa sapa at pinagmasdan ang buong paligid. Ipinikit ko ang mga mata upang damhin ang simoy ng malamig at preskong hangin na nagbibigay ginhawa sa akin. Naramdaman ko ang pagtabi ni Clarence sa akin.

"Sana puwede nating ibalik ang nakaraan, iyong tipong mga bata pa lang tayo. Walang ibang iniisip kundi kung papaano makakatakas sa bahay para lang makapaglaro sa kung saan. Tapos, uuwing basa dahil naligo sa sapat. Iyong sabay tayong pagagalitan ng mga magulang natin dahil hindi na tayo umuuwi tuwing tanghalian," bigla niyang sabi.

Hindi ako nakasagot. Nagulat dahil unang beses ko siyang marinig na magseryoso. Ano kayang pumapasok sa isipan niya ngayon?

Bumuntonghininga ako at ngumiti. "Hindi na natin puwedeng ibalik ang nakaraan, pero puwede naman nating ulitin ang mga bagay na iyon kahit na dalaga't binata na tayo."

Tumingin siya sa akin. "Puwede ba 'yon?"

Tumango ako habang nakatingin ng diretso sa kaniyang mga mata. "Puwedeng-puwede. Tara ligo tayo?"

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 10 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Countryside Romance [BXB]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon