Hindi nagtagal ay tumawag siya ng time-out. Nagpatuloy sa paghaharutan ang mga ito. Siya naman ay naupo sa sofa at pinanood ang mga ito.

Masasabi niyang maganda ang epekto ng presensiya ni Christian sa buhay nilang magkakapatid. Naging makulay ang bawat araw niya. Gumanda ang disposisyon ni Vincent. Si Dotie naman ay umaming “crush” daw nito ang Kuya Christian nito at aagawin daw nito ito sa kanya.

Nagustuhan din ni Tita Mildred si Christian. Magkasundung-magkasundo ang mga ito at kung asikasuhin ito ng tita niya—noong hindi pa nagtutungo sa Davao—tuwing dumadalaw ito sa kanya kapag weekends ay parang isang nagbabalik na anak.

Marami siyang natuklasan sa durasyon ng pagiging magkasintahan nila ni Christian. Hindi lang pala ito basta mayaman. Multimillionaire pala ito. Noong una ay medyo ikinaasiwa niya ang nalaman ngunit unti-unti ay nasanay na rin siya. Hindi naman kasi nito gaanong binibigyang-pansin iyon. Nagkataon lang daw na masuwerte ito sa negosyo kaya maraming pera ito.

Mas nagugustuhan niya ang mga natuklasan niya tungkol sa pagkatao nito. No, he wasn’t in any way judgmental or critical like she had at first thought. Mabait ito, maalalahanin, very sweet, at isang simpleng tao sa gitna ng karangyaang nakapalibot dito. Ang positibong pagtingin nito sa buhay ay nagpapagaan sa kanyang pakiramdam kapag nakaka-encounter siya ng problema sa kanyang maliit na negosyo o kaya ay kay Vincent. Ang mga pagtawag-tawag nito sa kanya sa isang maghapon ay nagpapasigla sa kanya kapag nagsisimula na siyang makadama ng pagod.

He was good inside and out. There were moments when she would wonder what he had seen in her. Minsan ay namamangha siya kapag naiisip niyang ni hindi ito tagaroon, ni hindi niya ito kilala, pero nagtagpo sila. Sa pagtatagpo nila, tinarayan pa niya ito. Pagkatapos ng lahat ng iyon, na-in love sila sa isa’t isa.

What she also liked about their relationship was that they could go on for hours talking and they would never run out of things to say. Nang mga nagdaang Sabado ay laging gabi na ito nakakarating sa bahay niya. Halos madaling-araw na sila nakakatulog dahil hindi sila matapus-tapos sa pagkukuwentuhan. Mapuputol lang iyon kapag naistorbo sila ng ibang tao, dahil inaantok na sila, o hindi kaya ay may ibang bagay na nakatawag sa kanilang interes. Sa bahay ni Tita Mildred ito natutulog kapag nasa Catarlan ito.

Natuklasan din niyang maraming bagay silang pinagkakaunawaan. Kung mayroon mang hindi, hindi sila nag-aaway, nag-aargumento lang sila. She could bring up her opinion to him without being afraid he would criticize her. In fact, pinapakinggan, inuunawa, at tinatama siya nito o kaya ay nagbibigay ito ng counterargument.

Sa kalahatan, ang pakikitungo nito sa kanyang mga kapatid ang nagsasabi sa kanya na natagpuan na niya ang tamang lalaking mamahalin. He was so patient, friendly, and honest with them. And he attracted them like flies to a pie because he would kid with them like crazy.

Pumapasok pa lang ito sa pinto, nakakapit na rito si Dotie. At si Vincent na ang laki-laki na, inaaway pa ang kapatid niya para magkaroon ng parte sa isang balikat nito.

Kung may magtatanong sa kanya nang mga sandaling iyon kung masaya siya, walang pag-aalinlangan siyang sasagot ng “oo.”

NANG mapagod ang mga bata sa pakikipagharutan, nagpaakyat na lang ng pagkain si Christian mula sa restaurant sa ibaba. Nilapitan ito ni Chynna para ayusin ang nagusot na kurbata nito.

Lukot ang polo nito at magulung-magulo ang buhok.

Hindi nagtagal ay nakarinig sila ng mga katok sa pinto. Lumapit doon si Christian. Isang waiter na may dalang trolley ang napagbuksan nito.

Masayang pinagsasaluhan nila ang pagkain nang may kumatok na naman sa pinto. Mabilis na tumayo si Vincent para buksan iyon.

Nang magbalik ito ay kasama nito ang isang tauhan ng hotel na nahihiyang nagmagandang tanghali bago sinabi ang pakay.

Love Café 10: My Everything | NOELLE ARROYOWhere stories live. Discover now