05

192 5 0
                                    

Chapter 5

Natuwa si Christian nang magsimula nang mag-disperse ang mga taong nakiusyoso. Hanggang sa ang maiwan na lang doon ay si Chynna at ang mga kapatid nito at sila ni Eugene.

Tumayo si Chynna mula sa pagkakaluhod sa tabi ni Vincent at hinarap siya. “S-salamat. Kung hindi dahil sàyo, baka hindi nakaligtas ang kapatid ko. Utang ko sàyo ang buhay ng kapatid ko.”

“Walang anuman 'yon, Miss.”

“Siya si Chynna,” nakangiti at masiglang sabi ni Eugene sa kanya. “The one I was talking to you about. Siya ang may-ari ng Coffee Crash. Hello, Chynna. And you, little boy, siguro naman, next time ay makikinig ka na sa ate mo?”

Parang isang maamong tupa na tumango si Vincent. Lalo pang nagsumiksik ito sa tabi ng kapatid nito.

Napansin niyang nangangatal pa ito. “Mabuti pa siguro, dalhin mo muna sa doktor ang kapatid mo para ma-check siya nang maayos.”

“O-oo, mabuti pa nga.” Inalalayan nito patayo ang kapatid nito. “Who are you? Puwede ko bang malaman ang pangalan ng tagapagligtas ng kapatid ko?”

“My name is Christian,” pakilala niya sa kanyang sarili.

“Mabuti pa, hijo, sumama ka sa kanila. Para may kasama si Chynna,” biglang suhestiyon ni Eugene.

“Naku, baka naman masyado na namin kayong naiistorbo,” nahihiyang tanggi ni Chynna.

“At least, until somebody’s with you already, hija,” katwiran ng matanda. “Sa tingin ko, kailangan mo ng kasama. You’re still in a little shock. Magandang may nagmamaneho para sa inyo. Go. Kailangang matingnan na agad si Vincent,” utos nito.

“How about you, Eugene? Can you manage alone?”

Tumawa ito. “Of course! I’ll stay here a little longer. Kailangan ko pa ng sariwang hangin. Go with them.”

Habang humahakbang na rin siya pasunod kay Chynna at sa dalawang bata ay nagpapasalamat ang dalaga sa matanda. “Salamat ho, Mr. Arguelles.”

“Walang anuman 'yon, hija. Sige na. Patingnan n’yo na si Vincent.”

Nagtungo sila sa cottage na ginagamit nina Chynna. Doon ay mabilis na binihisan nito ng tuyong damit ang kapatid na lalaki. Ang bunso ay nagpapalit na ng damit at dahil wala siyang ginagawa ay sinimulan niyang iligpit ang mga gamit. Tinapunan siya ng nagpapasalamat na ngiti ni Chynna.

Napaisip siya. Had he ever wished she had smiled at him like that?

Yes, he had.

THE DOCTOR declared Vincent stable and wasn’t in need of confinement in the hospital. Ang kailangan lang daw ng bata ay pahinga at masustansiyang pagkain.

Tahimik na nagpasalamat si Chynna na ganoon lang ang nangyari sa kanyang kapatid. Kung nagkataon, hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili sa pagkalingat sa pagbabantay rito. She already knew he was hardheaded. Sinasabi na nga ba niya at gagawin pa rin nito ang gusto.

Pero ang panenermon ay sa bahay na niya gagawin. Isinakay niya ang mga kapatid sa kotse, saka niya hinarap si Christian na nakihintay sa kanila sa resultang ibibigay ng doktor pagkatapos ma-check up si Vincent.

“Maraming, maraming sala—”

“Okay na. Nakapagpasalamat ka na sa beach,” nangingiting sabi nito.

“Nabasa tuloy ang damit mo,” nahihiyang sabi niya nang mapatingin siya sa brown na polo na lalong naging dark sa pagkabasa.

“The least it would give me would be a cold but I seriously doubt that. Para pa ngang nabitin ako.”

Love Café 10: My Everything | NOELLE ARROYOWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu