Susubukan ko na lang siguro na mag-reach out sa kaniya. Kahit sana maging magkaibigan lang kami. Siguro naman madali na lang iyon dahil may past naman kami. Kaibigan niya naman si Zero at may common friends kami.

“Since first meeting pa lang natin. Hindi muna ako magbibigay ng assignment.”

Natawa naman ako nang marinig ko ang hiyawan ng buong klase. Bio Stats at Microbiology ang hawak kong subjects. Pinili ko rin na magturo dito sa isang private university sa Mandaluyong.

Part time professor lang ako dahil kailangan ko pang asikasuhin yung zoo ni Lola Ana. Kaya itong pagtuturo ay hindi ko kayang gawing full-time dahil may iba pa akong kailangang intindihin.

“Unang araw pa lang pero in love na agad kami sa’yo Ms. Alcazar!” sigaw ng isang estudyante na sinundan naman ng hiyawan ng iba.

“Siguraduhin niyo lang na sa next meeting ganito pa rin ang energy niyo, ha?”

“Basta ikaw po ang professor namin. Lagi kaming gaganahan mag-aral!” ani pa ng isang estudyante.

“You may now go. Check your teams later, as I will be posting on the assignment tab where you can submit your registration forms, just to make sure that you are enrolled in my class.”

Umupo muna ako para ayusin ang laptop ko at ang mga gamit ko. Ilang minuto lang ay naubos na ang lahat ng estudyante dito sa classroom. Pakiramdam ko naubos na ako kahit dalawang oras lang naman ang klase na iyon.

Dalawa pa ang klase ko mamayang hapon. Mga second year naman iyon dahil Microbiology ang hawak ko sa kanila. Minsan iniisip ko pa rin na hindi ito ang profession na pinlano ko noon para sa sarili ko. Hindi nga talaga natin masasabi ang mangyayari sa buhay natin.

Lumabas na rin ako para dumiretso sa faculty room. Sakto lang dahil lunch break na rin para makakain na rin ako.

“Good morning po!” bati sa akin ng nakasalubong kong estudyante.

I smiled. “Good morning din.”

Marami pa akong nakasalubong na estudyante na binabati ako kahit pa bago lang akong professor dito. Nagustuhan ko agad ang environment dahil welcoming halos ang lahat. Mula sa faculty hanggang sa students.

Dahan-dahan kong binuksan ang room ng faculty. Napansin ko naman ang tingin sa akin ng ibang teachers kaya nginitian ko sila.

“Hello! Ikaw ba yung bagong professor?”

Tumango ako. “Ako nga po.”

Kaunti lang ang teachers sa department namin. Lalo na para sa Biology kaya hindi na rin ako nagtaka na natanggap agad ako. Balak ko pa nga sanang kunin ang ibang subjects kaso hindi na kakayanin ng oras ko.

“First time mo?” tanong sa akin ng isang lalaki na sa pagkakaalam ko ay nagtuturo rin sa Biology.

“Ah, hindi. Nagtuturo na rin ako sa Poland dati.”

“Ay, bakit ka pa bumalik dito sa Pinas? Mas mababa sahod dito.”

“May mga kailangan kasi akong asikasuhin dito kaya bumalik ako,” sagot ko.

Tumango na lang siya at hindi na sumagot. May punto naman siya pero hindi ko nagustuhan ang pangingialam niya. Unang usap pa lang namin tapos nagtanong agad siya ng gano’n?

Lumabas na lang ako para bumili ng makakain. Hindi naman gano’n kalaki ang cafeteria pero masasabi kong maayos naman ang mga pagkain. Bumili na lang ako ng ulam at kanin tapos bumalik na ako sa room.

Nasa kalagitnaan ako ng lunch break ko nang makita kong tumatawag sa akin si Nathan.

“Darlene!” sigaw niya sa kabilang linya.

Endless Harmony (The Runaway Girls Series #3)Where stories live. Discover now