Chapter Fourteen

Magsimula sa umpisa
                                    

"How are you, Olivia..." Inabot ni Lukas ang kamay niya kay Olivia at alanganin nitong tinanggap iyon at binawi rin kaagad ang kamay at inayos ang mga kakanin sa mesa.

"Masarap ang puto namin dito," ani Aurora.

"Matikman nga." Hindi nito pinansin ang tinidor at dumampot ng isa at kumagat at nginuya. Ikiniling nito nang bahagya ang ulo at nginitian siya. "Masarap nga."

Si Doreen na ang nag-alok na maupo ang dalawang lalaki habang inihahanda ni Sabel ang puto at juice sa mga ito. Si Olivia ay lumabas ng komedor. Nagkatinginan sila ni Lukas. Sinundan niya ito palabas.

Inabutan niya ang matanda sa dulo ng sala, nakatayo malapit sa fish pond ng tatay niya. Nakayuko sa mga isda roon, gayunman, kung ang anyo nito ang pag-uusapan ay natitiyak ni Aurora na wala roon ang isip ng nakatatandang babae.

Nang maisip ang fishpond ay napahinto si Aurora at kapagkuwa'y inabot mula sa lagayan ang pagkain ng mga isda at sinabuyan ng pagkain ang mga ito. Kapagkuwa'y isa-isang binilang ang mga isda.

"Wala bang namatay sa mga koi?" tanong ni Olivia sa tila maiiyak na tinig. "Mahal ng tatay mo ang mga alaga niyang iyan. Hindi niya gugustuhing may mamatay sa mga iyan..."

"Marahil ay wala. Lulutang ang mga iyan kung patay na." Ipinagpatuloy niya ang paghagis ng pagkain sa mga isda.

"May... may sasabihin ako sa iyo, Aurora," anito mayamaya, iniyakap ang mga braso sa dibdib.

She frowned at the old woman. Parang ibang Olivia ang nakikita niya. Tingin din pati niya ay parang namamayat ito. Maputla. Matagal na niyang binabati ito na uminom ng vitamins dahil laging parang kulang sa dugo. Ngayon ay parang tumanda pa ang tingin niya rito. Kunsabagay ay naging iba si Olivia mula nang mamatay ang tatay niya. Ibinalik ni Aurora sa lagayan ang plastic container ng fishfood.

"Tungkol saan, Ate Olivia? Ano nga ba ang nangyari sa iyo at ngayon ka lang nagpakita? Nagpaospital ka ba?"

Sa wari ay hindi naririnig ni Olivia ang huling tanong niya. Nagpatuloy ito sa pagsasalita. "A-alam mo bang mahal ko si Julio?" Isa iyong pahayag sa halip na tanong. Nanginginig ang tinig nito at natiyak ni Aurora na labis nitong ininda ang pagkamatay ng tatay niya.

"Napansin ko nang nakaburol si Tatay..." banayad niyang sabi.

"Matagal ko na siyang mahal," patuloy nito sa gumagaralgal na tinig. "Inalagaan ko siya sa puso ko simula pa lang nang mga unang taon ko rito sa inyo. Umasang mapapansin niya ako..." May mga luhang naglandas sa mga pisngi nito. "Kinasusuklaman ko si Doreen nang pakasalan siya ng tatay mo. Hindi ako makapaniwalang nabale-walang lahat ang pag-asam ko..."

Hindi malaman ni Aurora kung paano ito aaluin. Wala marahil salita ang sasapat sa nasaktang puso nito.

Nagpatuloy ito. "Dahil doon... dahil doon ay..."

"Dahil doon ay ano, Ate Olivia?"

Olivia bit her lower lip. Pinahiran ng hawak pa ring kitchen towel ang mga luha. Wala sa loob na itinuon ang paningin sa mga isdang nagkakagulo pa rin sa pagkain.

"Nahikayat ako ni Gregor. At p-pumayag ako sa gustong mangyari ni Gregor... na looban ang tindahan..."

Lumipad sa mukha nito ang mga mata ni Aurora. Had she misheard her?

Napabulalas ng iyak si Olivia. "P-patawarin mo ako, Aurora. Subalit maniwala kang hindi ko gustong mamatay si Julio. Si Doreen ang gusto kong patayin nila. Subalit iniharang ng tatay mo ang sarili at sa kanya tumama ang mga bala.

Hindi nila binalak patayin si Julio—"

"Ikaw! Ikaw ang kausap ni Gregor nang hapong dumating ako sa bahay niya!" she cried. Nang hindi ito kumibo at patuloy sa pag-iyak ay ganoon na lang ang pagpipigil ni Aurora na daluhungin ito at saktan.

PHR GOTHIC ROMANCE: The Wolf & The BeautyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon