Chapter Eleven

Magsimula sa umpisa
                                    

Did he say Samuel Magbanua? Agad gumitaw sa isip niya ang anyo nito. Ito iyong detective na humahawak sa kaso ng robbery at murder sa tindahan nila. Ano ang ginagawa nito sa bahay nila?

Bago pa niya matanong ito ay dinugtungan na agad ng detective ang sinasabi. "Ikinalulungkot ko, Miss Zuñiga, subalit hindi nakaalis ng Bulacan si Ms. Doreen. Kasalukuyan siyang nasa bahay ng isang kakilala ng pamilya ninyo. A certain Mrs. Lucio."

"A-ano ang nangyari, Detective?" May kabang biglang bumundol sa dibdib niya.

"Pinasok kagabi ng bandang alas-otso pasado ang bahay ninyo ng mga hindi kilalang lalaki. Sinira nila ang mga gamit, Miss Zuñiga—"

"No! Ano ang nangyari kay Doreen?"

"Calm down, ma'am," wika ng detective sa panic na nasa tinig niya. "Maliban sa naghihisterya sa takot ay wala namang pinsala si Ms. Doreen. Dinala ito kagabi sa ospital sanhi ng nervous breakdown. May pulis na rin po akong nakabantay roon..."

"W-what happened, Detective?" Nais niyang bumulalas ng iyak subalit pinigil niya ang sarili.

"Kasalukuyan niyang inaabangan ang car rental nang matanawan niya mula sa master's bedroom ang pagparada ng isang sasakyan sa tapat ng bahay ninyo. She thought it was the car rental. Sasalubungin sana niya kaagad ito nang mapunang hindi kotse ang dumating kundi isang malaking van.

"Ayon kay Ms. Doreen ay muli siyang sumilip at nakita niya nang magsibabaan ang apat na mga lalaki. Napansin niyang may hawak na armas ang mga ito at agad siyang tumakas at sa likod-bahay nagdaan patungo sa kabilang compound..."

"Oh, I'm glad she's okay," bulalas niya, nakahinga nang maluwag. "What about Ate Olivia?"

"Wala akong balita sa kanya, ma'am. Hindi nabanggit ni Ms. Doreen na magkasama sila kagabi," sagot ni Magbanua. "Maraming nasirang kagamitan, Miss Zuñiga. Wasak ang mga drawers at laslas ang mga kutson at iba pa. Kahit ang mga upuan sa sasakyan ay nilaslas nila."

"Hinahanap nila ang mga alahas!"

"Iyon din ang hinala ko. Itinawag ni Ms. Doreen sa presinto kagabi ang nangyari. Kaninang hatinggabi pa ako rito at ilang mga pulis. Ang sabi ni Ms. Doreen ay tatawag ka kaya nanatili ako rito. Naiwan niya sa pagtakas niya ang cell phone niya kagabi at kasamang sinira iyon ng mga nanloob..."

Napaungol si Aurora. Parang hindi na matapus-tapos ang mga suliranin niya kay Gregor. Sunud-sunod ang kabog ng dibdib niya kasama na ang galit. "Detective, nais kong ipaalam sa inyo na ang mastermind ng panloloob at pagpatay ay si Gregor Dimitri—"

"Si Mr. Dimitri, ma'am?" hindi makapaniwalang usal ng detective. "Paano mong nalaman."

"Narinig ko mismo mula sa bibig niya kahapon ng umaga nang hindi niya inaasahang darating ako. It was an inside job, Detective. Hindi ko pa alam kung sino ang kasabwat niya. Now, I am running for my life. Hinahanap niya ako at ng mga tauhan niya."

Hindi agad makaapuhap ng sasabihin ang detective. Kapagkuwa'y, "Nasaan ngayon si Mr. Demitri, ma'am?"

"Nasa bahay niya sa San Isidro, sa Bangui... gawin ninyo ang marapat, Detective."

"Magpaparadyo ako ngayon din sa pulisya sa Bangui, Ms. Zuñiga at magpapa-APB din ako sa buong Norte. Ngayon din mismo ay magpapa-alarma ako. Kahit paano ay mayroon na tayong lead."

"Thank you, Detective. I'll call you back later." Ibinalik na niya sa cradle nito ang telepono. May ilang sandali siyang nakatayo roon na hindi malaman ang gagawin at iisipin.

Pagkatapos ay tila wala sa sariling lumakad siya palabas sa balkonahe. Tulalang naupo sa duyan, niyakap ang isang throw pillow at saka umiyak nang umiyak.

PHR GOTHIC ROMANCE: The Wolf & The BeautyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon