Ang kahapong nagdaan

9.3K 348 34
                                    

Dahil sa dalisay na puso at kabutihang loob ay natagpuan ni Baste ang isang bukal na dinadaluyan ng mahiwagang tubig na nakapagpagaling sa napakaraming taong maysakit.

Napagaling din ng tubig sa bukal ang malalang karamdaman ng matalik niyang kaibigang si Rosalia na may lihim na pagtingin sa kanya sa kabila ng kakulangan niya sa pag-iisip.

Napagaling din ng tubig ang puso at isipan ng kanyang tiyahing si Minyang na mula sa pagiging malupit na tiyahin ay naging mapagmahal at masayahin.

Nagbayad sa mga kasalanan nilang nagawa si Arsenio at ang amang albularyong gumahasa kay Conching na kanyang ina.

Nagbuwis ng buhay ang kaibigang si Bantay (ang prinsipeng anak ng alpha ng mga lobo), kung kaya ipinadala ng alphang si Senturi ang anak ng mahusay nitong mandirigma upang maging bagong tagapagbantay na pinangalanan niya bilang Balbon.

Nang ibulong ng Ingkong sa hangin ang kanyang pagiging normal bilang isang lalaking makisig at magiting ay nabura na sa lahat ang kasalukuyan at siya ay tinawag na lamang Alamat.

Bilang Sebastian ay naging maybahay niya si Rosalia na nagsilang ng isang sanggol na lalaking pinangalagaan ng mga nilalang sa loob ng kakahuyan.

Ang mga makapangyarihang nilalang na kasamang nabura sa kanyang alaala.

Ngunit nang maharap sa matinding suliranin ang mga naninirahang nilalang sa loob ng kakahuyan ay muling ibinalik ng Ingkong ang kanyang alaala. Muli niyang nakadaupang palad ang mga kaibigang lumuluha dahil sa labis na tuwa.

Katulong niya ang anak na bagama't musmos pa ay nagpamalas na ng angking galing sa pakikipagtalastasan hindi lamang sa mga taong kagaya nila kundi maging sa mga hayop at nilalang na silang mag-ama lamang ang nakakakita.

Nailigtas nila sa pagkawasak ang Baryo Masapa na kanilang tirahan, ganun din ang kakahuyang tahanan ng mga makapangyarihang nilalang. Labis ang kasiyahang nadama ng mga nilalang nang muli niyang patunayan ang pagmamahal sa kanila.

Naging bantog ang Masapa at pinapurihan ang likas nitong kagandahan sa tulong ng Mayor at Gobernador na naging isang mahusay na lider at sa tulong ni Anghel na kanyang anak.

Naging magkaibigan ang anak ng Gobernador na si Clarise na mula sa pagkalumpo ay nakalakad at si Anghel na hinahangaan at kinalulugdan ng mga nilalang sa loob ng kakahuyan.

Ang lahat ay muling naibalik sa ayos at naging payapa ang Baryo Masapa sa kabila ng payak nilang pamumuhay.

Si Mang Gaudencio na kaibigan ni Anghel at si Maki na kaibigan niya ang pangunahing tagapangasiwa ng kakahuyang naging bukas para sa lahat ng taong nagnanais makasaksi ng mala paraisong lugar at makaranas ng kapayapaan ng damdaming wala sa siyudad ng kabihasnan.

---------------------------------------------

Naging abala si Sebastian sa pagtatanim ng mga gulay na inaangkat ng mga taga bayan na pinatutunayan ng maraming mamimili na pinaka magandang uri. Itinuro niya sa mga kapitbahay ang kanyang pamamaraan kung kaya maging ang pananim ng mga ito ay naging mas magaganda rin at mabilis na nabibili ng mga dumarayo sa paanan ng kanilang baryo.

Dahil sa pagbabalik ng kanyang alaala, nakiusap siya sa Ingkong ng kakahuyan na payagan uling makapanggamot.

Nais niyang makatulong sa mga taong maysakit ngunit walang sapat na kakayanang makamtan ang lunas sa karamdaman.

Hindi tumutol ang Ingkong subalit sinabi nito na ang paggaling ng mga sakit ay nakasalalay sa paniniwala ng taong maysakit. At ang nakatalagang mangyari ay hindi na niya maaari pang baguhin.

Nagpasalamat si Sebastian sa mahal na Ingkong. Dala ang isang bangang may lamang tubig mula sa bukal ay lumabas na siya sa kakahuyan.

Likas niyang hilig ang pagtatanim kung kaya bago pa magpaalam sa mahal na Ingkong na muling manggagamot ay napag aralan na niya ang mga halaman, ugat, bunga, dahon at kung anu-ano pa na maaaring gamiting panglunas sa ilang uri ng karamdaman.

Sa tulong ni Mariposa at ng mga kauri nito ay naging mayabong ang taniman niya ng halamang gamot. Mga halamang bukod tanging sa bakuran lamang niya mayroon.

Nag-ambag din sa taniman niya ang mga kaibigang nilalang sa loob ng kakahuyan.

Mga halaman at ugat na ginagamit ng mga ito upang pagalingin ang karamdaman ng kanilang lahing kinabibilangan.

Maging ang mga hayop na may mababangis na kamandag at nakalalasong laway at mga kuko ay nagkaloob din ng tulong upang magamit niya sa panggagamot na gustong gawin.

Lahat sila ay iisa sa hangaring maipagkaloob sa kaibigan ang tulong na kakailanganin.

Katulong niya ang tiyahing si Minyang sa paghahanda ng mga gagamitin. Walang kapaguran at walang pag-aalinlangan nitong sinusuportahan ang hangarin ng pamangkin. May bahagi sa puso ng ale ang nakakadamang kabilang siya sa tungkuling iyon.

------------------------------------------------

Naging takbuhan ng mga kapitbahay at mga kalapit baryo si Sebastian sa t'wing magkakasakit.

Mabilis na kumalat sa kanilang lugar ang balitang gumaling ang mga maysakit na ginamot niya. Kung kaya naman unti-unti ay naging puntahan siya ng mga tao upang magpagamot. Albularyo, manggagamot, faith healer at kung anu-ano pa ang tawag ng ilan sa kanya.

Ngunit mas nakasanayan ng marami ang pagtawag sa kanya bilang Baste, bilang pag-alala sa dakilang manggagamot ng Baryo Masapa ayon sa alamat na ikinukwento ng mga matatanda.

Hinayaan na lang ni Sebastian ang mga kababaryo. Ikinatuwa niyang muling marinig ang pangalang siyang tawag pa rin sa kanya ng mga nilalang sa loob ng kakahuyan. Sapagkat si Baste noon at Sebastian ngayon ay iisa lamang.

Hindi siya tumatanggap ng kabayaran kapag nanggagamot. Buong lugod niyang ibinabahagi ang mga panlunas nang walang kapalit kundi ang taos pusong pasasalamat mula sa mga taong gumiginhawa ang pakiramdam at nagsisigaling.

Ang mga nagpapagamot ang kusang nagdadala sa kanya ng kung anong makakayanan.

Kahit ano lang, kahit maliit na bagay lang, sa kagustuhang makapagpasalamat sa kaniya.

Masaya ang pakiramdam niya. Hindi matutumbasan ng kahit na anong materyal na bagay ang kaligayahang nag-uumapaw sa kanyang puso at pandama.

Gaya ni Minyang, si Rosalia man ay buong pusong nakaalalay at nakasuporta sa asawang minamahal. Alam na niya ang katotohanan sa likod ng Alamat. Ibinalik din ng Ingkong ang kanyang alaala upang maging kabiyak hindi lamang ng puso ni Sebastian kundi maging kabiyak rin sa maganda nitong hangarin.

Ang anak namang si Anghel ay masayang nakamasid lamang sa ginagawa ng ama.

Ang hinahangaang ama na nais tularan at pamarisan. Para sa kanya, ito ang hari at siya ang prinsipe. Prinsipeng tagapagtanggol ng mga naaapi.

Matiyagang sinasagot ni Sebastian ang mga tanong ni Anghel. Paslit kung titignan ang kanyang anak ngunit ang naaarok ng isip at pang-unawa ay parang pagmamay-ari na ng matanda.

Alam niya, na ang kanyang anak ay hindi pangkaraniwan. Alam niyang marami itong kayang gawin na hindi magagawa ng iba..., maging siya.

Bilang lalaki ay ipinagmamalaki niya ang pagkakaroon ng anak na tulad ni Anghel.

At bilang isang ama ay kinakabahan naman siya para sa kaligtasan ng nag-iisang anak. Natatakot siyang malagay ito sa panganib at maharap sa mga pagsubok sa mura nitong edad.

Ngunit hindi siya hahadlang kung sasapit na ang panahon na tatahakin na nito ang landas na dito ay nakalaan.

Kailangan niyang tanggapin ang kapalarang mula pa lamang sa sinapupunan ng kanyang asawa ay nakaguhit na sa palad ng kanyang anak.

Sapagkat ang kanilang Anghel ang napiling tumupad ng isang dakilang tungkulin.

Ang magpalaganap ng kapayapaan sa lahat ng dako.

Sapagkat ito....., Ang Sugo.







SBAATSB 3- Ang SUGOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon