C-7 Escaping The Arrange Marriage

Start from the beginning
                                    

Lunch time ang meeting na dadaluhan ni Rendel sa isang yacht club. Si Nicole lang ang sumama dahil busy si Sena. Pabor naman iyon sa dalaga dahil nasosolo niya si Rendel. Alas-diyes ng umaga sila umalis ng opisina at sampung minuto lang ay nakarating na sila sa venue ng meeting.

Pagdating nila sa yate kung saan gaganapin ang meeting ay bumungad sa kanila ang nakabikining mga babae, sexy, magaganda. May isang lumapit kay Rendel na blonde ang buhok.

"Welcome, Mr. Guevarra! Nice to see you again!" bati ng babae kay Rendel. Humalik pa ito sa pisngi ng binata.

Iritang-irita si Nicole sa babae na halos ikiskis na ang dibdib sa balikat ni Rendel. Nginitian lang ng binata ang babae at kusang lumayo. Pagkuwan ay huminto ito at hinintay siyang makalapit.

"Ang bagal mo," anito.

"Paanong hindi ako babagal, may umeksenang babae?" Kumislot siya nang hawakan ng binata ang kaniyang kanang kamay.

"I hate girl entertainers here. Hindi sila lalapit sa lalaking guest na may kasamang babae. Kaya 'wag kang lalayo sa akin, Nicole."

"Ano naman ang gagawin ko?"

"Umarte ka na girlfriend kita."

"Ay, gusto ko 'yan, sir!" Kumapit naman siya sa kaliwang braso ni Rendel.

Malapad ang kaniyang ngiti habang palapit sila sa mahabang lamesa kung saan naghihintay ang mga banyagang negosyante. Mabuti na lang wala siyang namumukhaan sa mga ito.

Naintriga kaagad sila, inalam ng mga matatandang negosyante kung kaanu-ano siya ni Rendel. Proud naman ang binata na pinakilala siya bilang girlfriend nito. Kitang-kita sa mukha ng mga nakabikining babae sa palibot ang pagkadismaya. Nagsimula naman kaagad ang meeting kasabay ng tanghalian.

Alas-dos ng hapon na natapos ang meeting. Mula sa yacht club ay bumiyahe naman sila ni Rendel patungong seaport. May dumating umano itong mga sasakyan mula Japan at kailangan ma-receive. Akala naman ni Nicole ay puro business-related lang ang pupuntahan nila. Pero pagkatapos ng transaction sa seaport ay dinala siya ni Rendel sa isang beach resort na merong lighthouse. Doon na sila inabot ng dilim.

"Bakit tayo narito?" 'takang tanong niya sa binata. Pumasok sila sa beach front restaurant.

"We're having a dinner date," seryosong turan nito.

Manghang pumihit siya paharap sa binata. "Ano'ng sabi mo? A dinner date?"

"Bingi ka ba?" Nagsungit na naman ang binata pero pinaghila naman siya ng silya.

Nang makaupo ay impit na napatili si Nicole. Tinakpan niya ng palad ang kaniyang bibig upang huwag lumaya ang kaniyang tinig.

"You're overreacting," ani Rendel. Lumuklok na rin ito sa tapat niya at nagtawag ng waiter.

Pumili na lamang siya ng pagkain sa menu at sinabi sa naghihintay na waiter. Pinagmamasdan siya ni Rendel at kulang na lang ay tunawin siya ng mainit nitong titig.

"Ano ba? 'Wag mo naman ako titigan nang ganiyan," naiilang niyang sita sa binata.

"You're cute but annoying sometimes. Kumilos ka naman nang maayos."

Umupo naman siya nang tuwid. "Ganito na talaga ako kumilos, medyo magaslaw lalo kung kinikilig. Pangit bang tingnan?"

"Medyo. Ayaw ko lang ng malikot kasama. Para kang si Richard, kahit kumakain malikot."

"Iyong kapatid mo?" Nagkunwari siya na hindi pa gaanong kilala si Richard.

"Yes, the COO."

"Oo nga pala. Pogi rin 'yon pero feeling ko may gender issue."

Mariing kumunot ang noo ni Rendel.

Tumigil na siya sa pagbanggit kay Richard baka madulas ang kaniyang dila at maibunyag ang sikreto nito. Inusisa niya ang buhay ni Rendel. Hindi ito palakuwento pero nasabi rin nito ang dahilan bakit hindi ito close kay Richard at sa daddy nito.

"May galit ka ba sa daddy mo kaya hindi mo siya kinibo ng ilang taon?" saad ng dalaga.

"Noong bata ako, galit ako kay Daddy. Hindi ko kasi naranasang maging malayang bata. Sa murang edad ay na-expose na ako sa negosyo at kasa-kasama ni Daddy. Nagtampo ako sa kaniya noong iniwan niya ako kay Lolo sa Maynila. Fifteen years old ako noong namatay ang mommy ko kaya lalong nawalan ng time si Daddy sa amin. Naghiwalay kami ni Richard, almost ten years na hindi nagkita dahil isinama rin ako ni Lolo sa US. Doon ako nag-aral ng college. Dumaan ako sa malupit na disiplina ni Lolo kaya nasubsob ako sa pag-aaral related sa business at politics."

"Pareho pala tayo." Namayani naman ang lungkot sa kaniyang puso nang maalala ang dating buhay.

Sagana sila sa pera, materyal na bagay ngunit kinulang sa atensiyon at kalinga ng magulang. Ang mga kuya niya ay maaga ring namulat sa negosyo. Negosyante rin ang kanilang ina pero hindi kasing higpit ng daddy nila. Saktong eighteenth birth day niya noong pumanaw ang kaniyang ina dahil sa breast cancer.

"But you didn't pursue business. Tumakas ka sa responsibilidad mo sa pamilya," sabi ni Rendel.

"Dahil hindi ko kaya ang trabaho sa company namin. Hindi naman ako kasing tatalino ng mga kuya ko. Napilitan lang naman akong mag-aral ng secretarial management dahil gusto ni Daddy. Dapat mag-aaral ulit ako ng ibang business-related course kaso ayaw ko na. Gusto ko talaga maging nurse."

"Ako rin naman ay hindi gusto ang business noon. Pangarap ko simula bata ay maging piloto. Pero na-appreciate ko ang effort ng grandparents ko para mapalago ang business. Ayaw ng lolo ko na iparanas sa amin ang kahirapang dinanas niya noon. Minsan din siyang naging empleyado na umaasa sa kakarampot na suweldo."

Naisip ni Nicole na mapalad pa rin siya dahil nagmula siya sa angkan na ipinanganak na talagang mapera. Ang lolo ng daddy niya ay isang Japanese businessman na nag-invest sa Pilipinas. Nalubog lang sila sa utang dahil sa halos lahat ng kamag-anak nila sa father side ay nagkaroon ng cancer. Doon nabuhos ang pera.

Pagkatapos ng dinner date ay gumala pa sila sa beach. Naglakad sila sa pampang ng dagat patungong bar.

"Sir Rendel, nililigawan mo na ba ako?" hindi natimping tanong ng dalaga.

"Hindi pa ba obvious? Tigilan mo rin ang kakatawag sa akin na 'sir'. Naiirita ako." Huminto ang binata at humarap sa kaniya.

Hindi showy sa emotions nito si Rendel kaya mahirap mahulaan ang nasa isip nito. Pero lalong kinikilig ang dalaga sa tuwing nagsusungit ito.

Pinisil niya sa pisngi ang binata. "Nagsusungit ka pa rin kasi sa akin."

"Makulit ka kasi minsan." Inakbayan siya nito at muli silang naglakad.

"You mean, gusto mo ako?"

"Honestly, I don't know how to express my feelings. Hindi pa ako nanligaw. Humahanga ako sa ugali at pisikal na katangian ng babae pero hanggang doon lang. Pero noong nakilala kita, may something sa 'yo na nagnanakaw sa atensiyon ko. Sa tuwing binabalewala kita, hirap akong makatulog sa gabi."

Naghuramentado na naman ang puso ng dalaga at gustong ulitin ang mga sinabi ni Rendel. Sa mga sandali ring iyon ay napatunayan niya na lumalalim pa ang damdamin niya para sa binata. Hindi na ito simpleng paghanga lang.

Naisip niyang sagutin na ang panliligaw ni Rendel ngunit tumunog ang kaniyang cellphone na kaniyang hawak. Nabaling dito ang kaniyang atensiyon. May mensahe sa inbox niya si Alex at sinabi na naisugod umano sa ospital ang kanilang ama.

"Puwede na ba tayong umuwi, Rendel?" balisang tanong niya sa binata.

"Sure. Para makapagpahinga ka na rin."

Bumalik na sila sa resort kung saan sila kumain. Doon naiwan ang kotse ng binata.

Tales Of Romance (A Short Story Romance Compilation)Where stories live. Discover now