C-3 Her Beautiful Mistake

Start from the beginning
                                    

"Eh, hindi ko naman ini-expect na mangyayari 'to."

"Sino ba kasi ang mag-e-expect?" Tinapik ni Magda ang kanang braso ni Sandra. Ngumisi ito. "Pero grabe, ah. Sharp shooter pala iyong naka-one-night stand mo. Pogi ba 'yon?"

Matipid siyang ngumiti. "Pogi, pero mukhang may asawa na. Matured na, eh."

Napangiwi si Magda. "Ayon lang. Kung pogi 'yon, malamang ay habulin ng babae. Imposibleng hindi pa nakapag-asawa 'yon. Nako! Sumasakit ang sintido ko sa 'yo, Sandra. Nai-imagine ko na ang magiging reaksiyon ng mama mo at ng jowa mo." Napahilot na ito sa sintido.

Naunahan na siya ng takot lalo't inaalala niya ang kaniyang ina. Si Alfred ay hindi niya masyadong inaalala dahil hindi pa naman ganoon kalalim ang relasyon nila. Pero ang mama niya, tiyak na magagalit iyon. Umiyak siya sa harapan ng kaibigan at hindi malaman ang gagawin.

"Baka puwede pang ipalaglag ang baby," nausal niya na wala sa wisyo.

Tinapik ni Madga ang kaniyang kamay. Pinagdilatan siya nito ng mga mata. "Iyan ang huwag na huwag mong gagawin, Sandra! Sinasabi ko sa 'yo, habang buhay mong pagsisihan 'yan. Huwag mong idamay ang inosenteng bata sa pagkakamali mo!"

Kinilabutan din siya nang ma-realize ang kaniyang sinabi. "Sorry, natatakot na talaga ako."

"Kumalma ka muna. Don't stress yourself. Then, if okay ka na, saka ka magdesisyon."

Paulit-ulit siyang tumango at bumuga ng hangin. Kumain na rin siya nang dumating ang order nilang pagkain. Kailangan niya ng lakas upang malabanan ang stress.

SA paglipas ng isang linggo, lalong inatake ng stress si Sandra. Kahit masama ang kaniyang pakiramdam ay pumapasok pa rin siya sa trabaho para maiwasan ang kaniyang ina. Excited pa naman ito dahil umano interesado na si Alfred na pakasalan siya.

Biyernes ng gabi ay dumating si Alfred sa kanilang bahay para promal na mamanhikan. Naghanda sila ng masarap na hapunan.

"So, kailan ninyo balak magpakasal?" tanong ni Lanie.

Naghahapunan na sila kasama si Alfred.

Hindi mapakali ang dalaga sa kaniyang upuan. "Baka puwedeng ipagliban muna natin ang kasal. Magiging busy kasi ako sa trabaho sa mga susunod na buwan," alibi niya.

"Anak naman, bigyan mo naman ng pahinga ang sarili mo."

"Pasensiya na po." Umaasa siya na maiintindihan siya ni Alfred.

"Ilang araw lang naman ang ilalaan mo para sa kasal. Ano pa ba ang hinihintay mo? Nakukulangan ka pa ba sa effort ni Alfred?"

"Hindi naman gano'n, Ma."

"Hindi mo kasi binibigyan ng sapat na oras si Alfred kaya wala kang chance na mas makilala siya. Bihira ka makatagpo ng lalaking kagaya ni Alfred, anak. Negosyo lang ang inaatupag niya at walang bisyo." Ipinagmamalaki pa nito si Alfred.

"Bigyan n'yo po ako ng panahon, Ma. Please lang huwag kayong magmadali."

Umapela na si Alfred. "Huwag nating pilitin si Sandra, Tita. Marami pa namang pagkakataon at makapaghihintay naman ako," anito.

"Salamat sa pag-unawa, Alfred," sabi niya naman.

Samantalang bakas sa mga mata ng kaniyang ina ang lungkot. Ayaw pa rin siya nitong lubayan ng pangungulit. "Anak, tumatanda na ako. Ang gusto ko lang ay matiyak na nasa mabuti kang kalagayan bago ako mawala.."

Panay ang buntong hininga niya at lalong bumigat ang kaniyang pakiramdam. Hindi niya magawang kontrahin ang kaniyang ina lalo na't may nagawa siyang malaking kasalanan.

Kinabukasan ng Sabado ay nagpasama si Sandra kay Magda sa clinic ng OB/GYN. First time niyang mabuntis kaya kabado at walang ideya sa mangyayari.

"Kumalma ka nga, Sandra!" sita ni Magda sa kaniya.

Magkatabi sila nito sa upuan sa labas ng clinic. Nanginginig kasi ang mga kamay niya at mayamaya siyang napapatayo.

"Kinakabahan ako, eh. At saka babae ba ang doktor?"

"Ewan, siguro. Tatlo kasi ang doktor dito at iba-iba ang linya."

"Halos lahat naman ata ng OB/GYN babae, 'di ba?"

"Oo, pero marami rin namang lalaki. At saka kung lalaki man, expect mo na may edad na. Isa pa, wala namang malisya sa mga doktor, eh. Relax ka lang kasi. Baka mapaanak ka na wala sa oras." Nagawa pa nitong magbiro.

Idinaan na lamang niya sa tawa ang kaba at nagkunwaring walang iniinda.

Nang pangalan na niya ang tinawag ay lalong tumahip sa kaba ang dibdib ni Sandra. Hinatid lang siya ni Magda sa labas ng pinto ng tanggapan ng doktor. She heaved a sigh many times to calm herself.

Pero nang makapasok siya sa kuwarto ay natulos siya sa kaniyang kinatatayuan. Wari aatakehin siya sa puso nang makita ang lalaking doktor na nakaupo sa harap ng mesa. Napatingin din ito sa kaniya at natitigilan.

"S-Sandra?" manghang bigkas ng doktor. Nakilala pa siya nito.

She's about to collapse and has lost her balance, pero mabilis na nakatayo ang doktor at nilapitan siya. Sinalo siya nito sa likod. Dahil sa nerbiyos ay nablanko naa ng kaniyang isip.

Paano nga namang hindi siya aatakehin ng nerbiyos? Ang doktor ay walang iba kundi ang lalaking tatay ng ipinagbubuntis niya!

Tales Of Romance (A Short Story Romance Compilation)Where stories live. Discover now