El Último Capítulo (The Last Chapter)

Start from the beginning
                                    

Kumagat si Vicente sa ensaymada. "Hindi ko rin naman alam ang gagawin sa t'wing nagkakatampuhan kami no'n ni Dalia, ngunit palagi ko lang inaalala na kailangan kong maging pasensiyoso pagdating sa kaniya."

Napatango-tango si Leonardo na tila nakakakuha ng bagong kaalaman mula sa kaibigan.



MAG-ISANG NAKATINGIN si Vicente sa langit noong kumagat na ang dilim. Nasa balkonahe siya ng kanilang tahanan. Kakauwi lang niya galing Maynila at naisipan niyang tanawin muna ang buwan at ang mga bituin mula sa balkonahe.

Tiningnan niya ang dream catcher sa palad. Hinaplos niya 'yon at saka, napabuntong-hininga. Alam niya na hindi na niya makikita pa si Dalia, ngunit sa mga gabing nag-iisa siya, muling nabubuhay ang pag-asa na baka makita niya ang babaeng minamahal.

"Tiyo!" Nagitla si Vicente sa boses ng isang batang lalaki na tumatakbo palapit sa kaniya. Niyakap siya nito sa tuhod.

"Mateo, paano ka napunta rito?" Binuhat niya ang apat na taong gulang bata. "Sino ang kasama mo?"

"Si Tiya Julieta po," nakangiting wika nito. "Nais ka lang po naming bisitahin. Pinauna niya muna ako rito dahil magtitimpla raw po siya ng gatas sa baba."

"Ah." Hinawi ni Vicente ang buhok na humaharang sa mukha ni Mateo. "Ang iyong ama? Nasaan siya?"

"Nagtungo po sila ni Ina sa bayan ng San Isidro, kaya iniwan na muna nila ako kay Tiya Julieta pansamantala," sagot ng bata. "Na-miss po kita, Tiyo." Napangiti si Vicente dahil naalala ng kaniyang pamangkin ang itinurong salita. Si Mateo De la Vega ang panganay na anak ni Miguel De la Vega at sa paglaki ng bata, si Vicente ang itinuturing niya bilang ikalawang ama.

"Aba, medyo tuwid na ang pananalita mo, a?" masayang puna ni Vicente na inayos ang pagkakabuhat sa bata. "Mabait ka bang bata sa inyong tahanan?"

Tumango si Mateo. "Kung gayon, bibili tayo ng tsokolate bukas na paboritong-paborito mo. Susunduin kita sa inyong tahanan pagkatapos kong magturo sa mga bata sa paaralan."

"Salamat, Tiyo!" Hinalikan ni Mateo sa pisngi si Vicente. "Bakit po pala nag-iisa ka rito?"

"Hindi ako nag-iisa," paliwanag ng ikalawa. Itinuro niya ang buwan at mga bituin. "Sa malayong lugar, may isang babae ang gumagawa rin ng ginagawa ko—ang tumanaw sa langit kapag masaya o malungkot."

"Bakit? malungkot ka po ba, Tiyo?"

"Bakit naman ako malulungkot? E, nandito ka na." Hinalikan niya ang bata sa pisngi. "Basta, Mateo, maging mabuti kang anak sa iyong mga magulang. Hindi sila perpekto, pero palagi mong tatandaan na mahal na mahal ka nila."

"Opo. Ikaw, Tiyo, nais mo rin ba ang magkaanak? Palagi kasi akong inaaway ni Dalia na anak ni Ninong Antonio, at 'yong si Lorenzo naman, masiyado siyang maliit at hindi pa nakakapagsalita!"

Natawa si Vicente. Kahit kailan talaga ay masiyahin si Mateo. Sa murang edad ay batid na ni Vicente kung gaano katalino ang pamangkin.

"Mayroon na akong anak. Kaya nga lang, malayo siya sa'kin," malungkot na saad ng binata. "Sobrang layo..."

Hindi nakapagsalita si Mateo na napansin ang kalungkutan ng tiyuhin. Niyakap niya na lang ito nang mahigpit sa leeg, at naramdaman naman ni Vicente ang kaginhawaan sa puso dahil sa presensiya ng bata.

Ilang sandali pa'y mahimbing na palang nakatulog si Mateo sa kaniyang bisig. Dahan-dahan na nagtungo ang binata sa kaniyang silid at maingat na inihiga ang paslit sa kama. Iniayos din niya ang unan at kinumutan ang katawan nito.

Naupo siya sa tabi ni Mateo. "Siguro, kasing bait mo rin ang anak ko sa modernong panahon..." Bahagya niyang kinurot ang pisngi ng bata. "Sayang nga lang at parehas natin siyang hindi makikita. Matulog ka nang mahimbing, Mateo, at sa darating na Sabado, ipapasyal ko kayo nina Dalia at Lorenzo."

131 Years (PUBLISHED)Where stories live. Discover now