"Just to be clear, pinapa-monitor lang siya sakin ni Pacifica," sagot nito. Hindi naman nakumbinsi ang apat kaya mas lalo lang nilang tinukso si Andrés.

"Ginawa mo pang dahilan si Senpai." Napailing si Ivy.

"Oo nga. Bakit hindi mo pa aminin na nagagandahan ka kay Kimberly." Bigla namang tumunog ang phone ni Andrés. Sinagot niya ang tawag at nilagay ang phone sa kanang tainga.

"Hello, Kimberly? Oh napatawag ka." Narinig ito ng apat.

"Yie!!!" sabay na napatili sina Ivy at Magi. Nanunukso naman ang mga tingin ng kambal kay Andrés. Sinenyasan niya ang mga ito na tumahimik pero hindi sila nakikinig kaya lumabas na lang siya ng Gym.

Ilang minuto ang lumipas ay napagpasyahan ng apat na sumayaw sa gitna dahil nababagot na rin sila. Salitan sila ng partner tuwing nagbabago ang tugtog. Halos maririnig ang tawanan ng bawat estudyante sa loob ng Gym. Parang kailan lang nang halos muntik na silang mamatay. Ngayon ay makikita ang sobrang tuwa sa mga mukha nila na tila kinalimutan na ang masasakit na alaalang naranasan nila sa eskwelahang ito.

Sa kabila ng banda ay sumasayaw sa pinaka-gitna sina Casano at Pacifica na tila ba sila ang sentro ng lahat. Nasa bewang ang isang kamay ni Casano habang nakahawak naman ang isa sa kamay ni Pacifica. Sweet song ang kasalukuyang tugtog kaya mabagal lang ang kanilang pagsasayaw. Nagkakatitigan lang sila na para bang nag-uusap ang mga mata. Hinayaan na pagmasdan ang mukha ng isa't-isa dahil na rin sa tagal na hindi sila nagkasama.

Simula kasi nang mamatay ang kanilang kaibigan noon ay nagdesisyon silang maghiwalay. Piniling magdusa ng mag-isa. Ngayon na maayos na ang lahat ay sabik na sabik na nilang makasama ang isa't-isa at punuin ang kakulangan sa mga puso nila.

Sa wakas ay wala na rin ang pader na nakaharang sa pagitan nilang dalawa. Malaya na silang magmahalan. Isang bagay na pinagkait nila sa isa't-isa noon. Sobrang saya ang nag-uumapaw ngayon sa kanilang dibdib. Hindi mailarawan ng kahit anumang salita ang nararamdaman nila ngayon.

"I think they're ready na," pagbabasag ni Casano sa katahimikan. Naguluhan naman si Pacifica sa sinabi nito. Tumigil ang tugtog kaya huminto ang mga sumasayaw. Mas lalong nagtaka si Pacifica nang mapansin na nakaharap sa kanya ang lahat ng estudyante kabilang na rin ang kanyang mga Baron.

Lumayo ng kaunti si Casano sa kanya para magbigay daan sa mga ibang estudyante na papalapit sa pwesto ni Pacifica. May hawak silang asul na rosas. Isa-isa nilang ibinigay ito kay Pacifica na walang ideya sa nangyayari.

"Para saan ito?" naguguluhang tanong niya sa kalagitnaan ng pagbibigay sa kanya ng mga rosas.

"They're apologizing to you," nakangiting sagot naman ni Casano.

"Pero---" hindi na naituloy ni Pacifica ang sasabihin nang makitang bigla na lang mag-bow ang lahat ng estudyante sa loob ng Gym. Tumagal ito ng ilang segundo. Unti-unti ng nagsibagsakan ang mga luha mula sa kanyang mga mata habang pinapanood sila.

Nakita niya ang pagiging seryoso ng mga estudyante. Hindi niya inaasahan na gagawin nila ito sa kanya. Pinipilit niyang pigilan ang pag-iyak ngunit mas lalo lang itong nadagdagan nang makita ang mga nakangiting mukha nito. Nakatingin silang lahat sa kanya. Humigpit ang hawak niya sa mga rosas habang patuloy na umiiyak dahil sa tuwa.

"Thank you," humihikbing sambit niya. Nag-bow din siya sa mga ito. Pagkatapos ay lumapit sa kanya si Casano para punasan ang kanyang mga luha. Kinuha nito ang mga rosas na hawak niya saka niyakap siya ng mahigpit.

Nagpatuloy ulit ang sayawan makalipas ang ilang minuto. Bawat isa sa mga estudyante ay nakaramdam ng kaginhawaan matapos nilang gawin ito. Nararapat lamang na humingi sila ng kapatawaran sa babaeng walang hinangad kundi ang kaligtasan ng lahat. Sa babaeng mas piniling tumahimik at tinanggap ang lahat ng paratang sa kanya. Sa babaeng inako ang kasalanan ng kanyang kaibigan.

Assasino Playground (Completed)जहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें