"So ginusto mo munang malason ang mga estudyante? Ha! Wala kang pinagbago, siguro wala ka naman talagang intensyon na iligtas sila gaya ng nangyari noon."

Ipinakita kong walang epekto ang sinabi niya sa akin. Kalmado lang ako at inoobserbahan ang galaw niya. Alam kong hindi lang kaming tatlo ang nandito. Mabuti ng handa sa anumang mangyari.

"Pinatay mo si Kiro dahil hindi niya binigay ang antidote sayo. Pinatay mo ang sarili mong kaibigan!" galit na sigaw niya. Pinili kong hindi sagutin ang mga sinabi niya. Poot. Hinanakit. Pagdadalamhati. Iilan lang ito sa nakikita ko ngayon sa mga mata niya.

Pero ano nga bang alam niya? Wala siya nang mga panahon na magkakasama kami nila Kiro.

"Kapatid ka ba talaga ni Kiro?" mahinahong tanong ko. Gusto kong manggaling mismo sa bibig niya ang sagot. Kahit ngayon, nagdududa parin ako na may kapatid si Kiro.

"Kapatid?" ngumiti siya na parang baliw. Natatakpan ng buhok niya ang kanyang mukha na tinatangay na ngayon ng hangin. Lumamig ang pakiramdam ko, yung tipong may malalaman ako na ikagugunaw ng mundo ko.

Kahit na tatlong taon na kaming magkasama ni Kimberly, aaminin kong hindi ko pa siya gaanong kilala. Hindi ko nga alam ang family background niya e. Iyan ang isa sa mga pagkakamali ko, ang hindi inalam ang kanyang totoong pagkatao. Basta-basta ko na lang siyang tinanggap dahil kinailangang may pumalit agad kay Apolo.

Andaming mga tanong ang nasa isip ko ngayon.

Sa loob ng tatlong taon, hindi ba siya nakaramdam ng kahit konting konsensya? Ganon na ba talaga kalaki ang galit niya sa akin? Hindi niya ba kami tinuring na kaibigan? Dinamay niya pa ang lahat ng estudyante.

Hinayaan kong may makapasok na daga sa organisasyon ko. Isang babae na unti-unti na pala akong sinasaksak sa likod.

"Hindi nga talaga kayo itinuring ni Kiro na kaibigan. Mula kay Apolo, Casano at ngayon naman ay ikaw, iisa lang ang sinasabi niyo..." Walang pag-aalinlangang nilapitan niya ako. Ngumiti siya ng nakakaloko at pinanlakihan ako ng mata.

"Pwes sabihin mo ang totoo." Nilabanan ko ang mga titig niya.

Medyo lumayo siya sa akin at inayos ang sarili na para bang magpapakilala. Napatingin ako sa babaeng kasama niya na nasa likuran ko nakatingin. Agad ko namang nilingon ito ngunit huli na nang mapansin ko ang mga taong nasa likod ko. Hinawakan nila ang dalawang kamay ko at itinali. Sisipain ko sana ang mga ito nang mahawakan nila agad ang mga paa ko at itinali rin gamit ang makapal na lubid.

Matapos nito ay narinig ko ang mga yapak nila papalayo. Nainis ako sa loob-loob ko ngunit pinilit kong ibinalanse ang katawan habang nakatayo. Ngayon mahihirapan na talaga akong makagalaw. Ibinaling ko muli ang tingin kay Kimberly na nakangisi sakin.

Tuwang-tuwa sa itsura ko ngayon. Gumaan siguro ang pakiramdam niya dahil alam niyang di ako makakalaban nang nakatali ang mga paa at kamay. Tss. Typical villain. Lalo lang namang nadaragdagan ang yabang nila kapag nasiguro na nilang walang laban ang kaaway nila. Isa lang naman ang tawag don, DUWAG sila. Takot sila kaya hindi lumalaban ng patas.

Sumeryoso ako ng tingin at hindi ipinakitang nahihirapan. Ilang beses na akong muntik mamatay, bakit pa ako matatakot? Kung inaakala niyang iiyak at luluhod ako sa harapan niya, hinding-hindi yun mangyayari. Mamatay man ako, wala akong pagsisisihan.

"Bakit hindi mo na lang sabihin ang totoo? Kung kapatid ka ni Kiro, pwede ka namang sumagot ng OO na lang---"

"Hindi ko siya kapatid!" Kumunot ang noo ko nang marinig ang isinigaw niya.

"Kung ganon, sino ka?" Nakaramdam ako ng kaunting kaba. Ito na ba ang ikinakabahala ko kanina pa? May malalaman ba ako ngayon na ikakagunaw ng mundo ko?

Assasino Playground (Completed)Where stories live. Discover now