Aparador Sa Tabi Ng Kama

2 0 0
                                    

"Hindi mo kailangan ng mabulaklak na mga salita," iyan ang sabi mo,

Kundi'y magaspang na salita na magpapamulat sa mata ko,

Ngunit salungkat niyon ang nais ko.

Ang salitang pagmamahal ay 'di naging pamilyar,

Sa batang pinagkaitan ng mapagmahal na magulang,

Siguro'y hindi mo naiintindihan,

Ang bagsik ng salita'y kayang kumitil ng buhay,

Kaysa sa patalim na hawak ni inay at ni itay,

Nang kanilang pagtalunan kung sinong nangahas mang-ahas,

Kahit parehas naman sila ng tinahak na landas,

Sa bawat sigaw ay takot ang dama,

Abot hanggang doon sa aparador sa tabi ng kama,

Kung saan kinukumot ang sarili na mag-isa,

At pinapatahan ang 'di mapigil na pagluha,

Dumating ang puntong naghiwalay ang dalawa,

Na siyang bumuo sa sinabing magiging tahanan nila,

At naiwan ka doon na mag-isa,

Ikinukubli ang sarili sa aparador sa tabi ng kama,

Sa bawat pagkakamali, sa bawat problema, bakit sarili ang laging may sala?

Samantalang ang sakit ay hindi galing sa kaniya,

Kundi ito'y kaniyang minana,

Masaya bang magpamana sa anak ng isang memoryang 'di kailanman maaagaw nino man kundi ng sariling kasabikan sa kamatayan?

Kailan ka ba tatahan?

Kailan ka ba lalabas sa aparador na nariyan sa nasira mong tahanan?

Itinatak sa isip na marahil ito ang kahulugan ng pagmamahal,

Mapanakit, nanakit, at nagpapaluha,

Kaya't huwag mong sabihin na hindi ko kailangan ng mabulalak na salita,

Kung iyon ang magsasalba sa nakaraan kong mapanira,

Paano matututuhan ng isang tao ang tunay na pagmamahal,

Kung kailanman hindi ito naging pamilyar. 

If I Die Will You Cry?Where stories live. Discover now