She didn't call back. Kung nasa party ito ay hindi rin nito maririnig ang tawag niya. Instead, she sent him a text message that she was on her way to her condo in Quezon City.


HINDI nagkamali ang kutob ng tatay niya. Kinabukasan ng tanghali, habang halinhinang nagtatanghalian ang mga tindera ay pinasok ng limang armadong mga lalaki ang tindahan nila.

Maliban sa dalawang tinderang kasalukuyang nananghalian sa labas ay hindi nasaktan ang stepmother niya na nagkunwang patay at bumagsak sa tabi ng duguang asawa. Nagtamo lamang ito ng daplis ng baril sa balikat.

Felipe died along with her daughter and two female employees. Ang dalawang customers na naroroon ng mga oras na iyon ay hindi napuruhan at nadala pa sa ospital. At sa pagkamangha niya ay kasamang pinatay ang dalawang security guard gayong kung hindi dahil sa mga ito ay hindi mahahalinhan ng tatay niya at ni Felipe ang mga alahas.

Para walang loose end? Gusto niyang mahabag sa mga security guards subalit tinigasan niya ang damdamin niya. Kasabwat ang mga ito. Sana lang ay hindi nanatili sa tindahan ang tatay niya. Sana lang ay hindi lang ang mga alahas ang inilagay nito sa safety kundi maging ang buhay nito.

Huling lamay sa burol ng ama ay sinabi niya sa madrasta at kay Gregor ang ginawa ng tatay niya at ni Felipe bago ang panloloob.

"Ano'ng ibig mong sabihin?" bulalas ni Gregor, napaangat ang likod sa sandalan ng silya.

"Kung inaakala ng masasamang-loob na nakatangay sila ng apatnapu't limang milyong halaga ng mga alahas at mga bato ay nagkakamali sila!" Pinaghalong galit at labis na pait ang nakabahid sa tinig niya. "What they took were all fakes!"

"A-anong sinasabi mo?" naguguluhang tanong ni Doreen.

Si Olivia na nasa kabaong at tahimik na umiiyak ay napalingon sa kanila.

Sa mahinang tinig ay sinabi niya kung paano hinalinhan ng tatay niya at ni Felipe ang mga alahas sa trays. Ganoon din ang mga batong laman ng vault. Katunayan, bago binaril ang tatay niya ay pinapatay ng mga ito ang alarm ng vault at pinabuksan. The CCTVs were on. Pero nakamaskara ang mga nangloob at nangmasaker.

"Sana'y... sana'y... hindi na lang pumasok si Tatay nang araw na iyon..." Tuluyan na siyang napahagulgol.

Kinabig siya ni Gregor patungo sa dibdib nito. Naririnig niya ang marahas nitong buntong-hininga. Without him and Olivia, baka hindi kinaya ni Aurora ang pagkawala ng ama niya. Lalo at si Nadja ay hindi niya makontak pa.

"Saan... dinala ni Julio ang mga alahas at bato?" tanong ni Doreen.

Lumuwag ang pagkakayakap ni Gregor sa kanya at tulad ni Doreen ay hinintay ang pagsagot niya. Tatlong pares ng mga mata ang nakatutok sa kanya at naghihintay ng sagot niya.

"H-hindi ko alam kung dinala ni Tatay sa vault sa bangko kinabukasan bago siya pumasok sa opisina..." she said.

"Wala sa bangko ang mga alahas, hija," ani Olivia na lumapit, naupo sa bakanteng upuan sa tabi niya. Namumugto ang mga mata nito at walang tigil sa pag-iyak at pagtitig sa kabaong ng tatay niya.

Sa ilang araw na lamay ay saka pa lang niya natanto kung bakit hindi nag-aasawa si Olivia sa kabila ng may hitsura naman ito. Lihim nitong itinangi sa puso ang ama niya. Marahil ay umaasang papansinin ito ni Julio. Subalit nagpakasal kay Doreen ang tatay niya pagkalipas ng labintatlong taong pagiging biyudo.

"A-ano ang ibig mong sabihing wala sa bangko ang mga alahas, Ate Olivia?" Aurora asked.

"Ipinarating ng manager ng bangko ang pakikiramay kaninang umaga," patuloy ni Olivia, nagpahid ng tissue sa ilong. "Nasa bahay ka pa. Hindi na kita ginising nang umalis ako dahil ilang araw ka nang puyat. Ang manager mismo ang nagbanggit ng panghihinayang sa mga nakulimbat. Ibig sabihin ay hindi iyon naideposito ni Julio. Bagaman sinabi ng manager na naka-insured iyon dahil ang sister company nila ang may hawak ng insurance natin."

PHR GOTHIC ROMANCE: The Wolf & The BeautyWhere stories live. Discover now