Sa ulan ikaw ay aking nasilayan

2 0 0
                                    


Sa bawat yapak ng aking mga paa, sa bawat tunog ng patak ng ulan, at sa bawat taong aking nalampasang may dalang payong, ang likod mong aking sinusundan ang siyang tangi kong namamasdan. Sa ating kalagayan ngayon, ako'y napa-isip kung ang tatahakin nating daan ay magbibigay sa ating dalawa ng kapatanagan nang damdamin. Ang sabi mo ay hindi kita hinintay. Ika'y padalus-dalos na umalis. Hindi mo man lang ako binigyan ng pagkakataong ipaliwanag ang aking panig.

'Bakit ka nagmadali?'

Noong itinanong ko sayo ay 'di mo ako pinansin. Wala akong nagawa kundi sumunod na lamang sa iyong mga hakbang. Nagbabakasakaling, ika'y lumingon sa aking kinalalagyan.

Lumiko ka sa kanto at may nasaging tao na nagmamadali tulad mo. Sabay kayong humingi nang patawad sa isa't isa pagkatapos ay naglakad na kayo sa kanya-kanya ninyong patutunguhan. Muntik mo nang mahulog ang mga rosas na iyong hawak. Kung sakali mang mabitawan mo ito, ako ay handang tumukbo para ito'y saluhin. Kasing tingkad nito ang unang mga rosas na inalay ko sa'yo. Noong natanggap mo iyon dati, ikaw ay puno nang kaligayan. Ngunit ngayon ay tila sakit lamang ang iyong naramdaman nang makita mong muli ang mga rosas na 'to.

Saan nga ba ang ating hantungan? Bulong ng aking pusong hindi na matiis ang iyong pagtatampo. Sa huli ay dinala mo ako sa lugar kung saan ang tunog ng ambon ang siya lamang naririnig. Sa pagkawala ng aking tiyaga, lumapit ako at nagpakita sa iyong harapan. Nabatid ko ang iyong mga mata ay hindi nakatinggin sa akin bagkos ang mga ito'y nakamasid pa-ibaba.

Noong ako'y tumingin sa ibaba upang matuklasan ko kung ano'ng nakapukaw ng iyong pansin, ako ay napatawa. Ang mukha mong naglalarawan nang pagkaguho ng mundo ay nakakatitig sa aking puntod.

Ang aking mahal na may dalang mga rosas, patawad.

Sa ulan ikaw ay aking nasilayan Όπου ζουν οι ιστορίες. Ανακάλυψε τώρα